Episode 1 (3/4)

8 0 0
                                    

Title: PlayTime Series (BL)
Author: Moonlight04
Wattpad: jenryl04

                          EPISODE 1 (3/4)

PLAY

Mabilis kong tinungo ang aking kama matapos kong makita ang paghatid ni Phob kay Time. Agad kong kinuha ang cellphone ko at naglaro ng online games. Mayamaya ay bumukas ang pinto at pumasok siya.

Saglit akong napatingin sa kaniya na siya namang ikinatigil niya. Sandaling nagkasalubungan ang aming mga paningin dahil agad ko ring ibinaling ang aking mata sa hawak kong cellphone.

“Kumain ka na ba?” mahinang tanong nito sa akin. Hindi ko iyon pinansin at sa halip nagpatuloy ako sa paglalaro.

Inilapag nito sa mesa ang dala niyang supot na may lamang pagkain.

“Dito ko lang ilalagay. Baka kasi magutom ka mamaya.” anito pagkatapos. Pumunta siya sa kaniyang kama at lihim naman akong napasulyap sa kaniya.

Pagkatapos nitong mailapag ang mga gamit ay lumabas siya ulit. Napatigil ako sa aking ginagawa at tinungo ang bintana. Nakita ko mula rito sa itaas ang pagpasok niya sa cafeteria na nasa harap lang din mismo ng aming condo.

Napaisip ako at saka tinungo ang mga pagkaing dala ni Time. Binuksan ko ang cellophane at nakita ko na Larb Kua ang laman niyon. Hindi ko maiwasang ngumiti ng bahagya. Alam na alam niya ang mga paborito kong pagkain. Kunsabagay, anim na taon kaming naging magkaibigan. Kahit ako man din ay alam ko kung anong ayaw at gusto niya.

Napalunok na lamang ako nang maramdaman ko ang biglang pagkalam ng aking tiyan. Hindi pa nga ako nakakain. Subalit nang maalala ko ang nangyari kagabi ay para bang nawalan ako ng gana.

“Hmmpp! Akala niya madadaan niya ako sa mga dala niyang pagkain.” naisaloob ko. Kasunod niyon at pagsalpukan ng mga kilay ko.

Bumalik ako sa aking kama at muling naglaro ng online games. Mayamaya ay tumigil muli ako nang maramdaman ko ulit ang pagkalam ng aking tiyan. Napahawak naman ako rito at napatingin muli sa mga pagkaing nakapatong sa mesa.

“Shit!” sambit ko nang sunud-sunod ang pagtunog ng aking tiyan. “Bahala na nga ‘to!” sabi ko pa at dali-daling tinungo ang mesa. Kumuha ako ng pinggan, tinidor at kutsara. Kapagdaka’y kinain ang Larb Kua.

Kakainin ko ito hindi dahil nakalimutan ko na ang ginawa niya kundi dahil gutom ako. Galit pa rin ako sa kaniya at hindi ko pa siya napapatawad.

TIME

Pagkalabas ko ng cafeteria ay nagulat na lamang ako sa biglang pagsulpot ni Sib.

“Ai’Sib!” malakas na sambit ko sa kaniyang pangalan. Hindi ko kasi inaasahan ang biglang pagdating niya.

“Ano ‘yang binili mo?” tanong niya at saka sinilip ang laman ng cellophane na hawak ko. “Para kay Play?” usisa naman niya nang makita ang pink milk na laman niyon.

“Uhm.” maikling tugon ko at tinanguan siya sa huli.

“Buti naman at bati na kayo.”

Bahagya akong napatigil. May alam na kaya siya tungkol sa amin ni Play? Agad akong nag-iwas ng tingin dito.

“Bakit pala kayo nag-away?”

“Hu-Huh?” nauutal akong napatitig kay Sib.

“Walang sinabi si Play kung nag-away kayo o hindi. Pero ang hindi ninyo pagpansinan kanina ay sapat na para isipin ko na nag-away nga kayo. Hindi kasi usual ang hindi ninyo pagpansinan kanina. Saka nakita ko mukhang galit si Play. Ano palang problema ninyong dalawa?”

PlayTime SeriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon