Episode 3 (4/4)

4 0 0
                                    




TIME

            Medyo malalim na ang gabi ngunit hanggang nagyon ay hindi pa rin ako makatulog. Nang lumingon ako kay Play ay nakita kong gising din pala siya.

            “Time…” mahinang pagtawag nito sa aking pangalan.

            “Bakit?”

            “Hindi ka rin ba makatulog?” tanong niya.     

            “Uhm. Ikaw rin?”

            “Uhm.” dinig ko ang malalim na hininga niya. “Bakit mo ako nagustuhan?” pagkuwa’y tanong nito.

            Nagulat ako sa naging tanong niya. Hindi ko alam kung paano iyon sasagutin. Nakatingin kami pareho sa kisame.

            “Ewan ko. Hindi ko rin alam kung bakit. Basta ang alam ko, masaya ako pag nakikita at nakakasama kita.” wika ko habang ramdam ko ang biglang paglakas ng kabog ng aking dibdib.

            “Kahit ba hindi ko kayang suklian ‘yon, pinili mo pa ring magustuhan ako?”     

            Huminga ako ng malalim. “Pag nagmahal tayo, hindi tayo dapat umasa na mahalin din tayo ng taong minahal natin. Parang sugal ang pagmamahal. Minsan mananalo ka at minsan naman matatalo ka. Pero hindi na mahalaga kung ano ang magiging outcome niyon. Ang mahalaga ay alam mong marunong kang magmahal at sumubok ka sa isang bagay na walang kasiguraduhan.” pagkuwa’y paliwanag ko.

            “Sorry, Time.” naging malungkot ang kaniyang tinig.

            “For what?”

            “Sorry kung hindi ko kayang suklian ‘yong pagmamahal mo. Pero ayaw kong mawala ka sa akin. Kaibigan kita at gusto ko lagi kang nandiyan sa tabi ko.”

            Parang sumikip ang dibdib ko nang marinig ko iyon. Ngayon malinaw na sa akin ang lahat, kaibigan lang ako para sa kaniya at wala ng hihigit pa roon.

            “Mai bpen rai. Sa simula pa lang alam ko naman ‘yon, eh.” pigil ang aking emosyon ngayon. Naramdaman ko ang biglang pagpait ng gilid ng aking mga mata.

            “Huwag ka sanang mawawala, Time.”

            Hindi agad ako sumagot. Isa munang napakalalim na hininga ang aking pinakawalan. “Uhhm, pangako ‘yon.” nanginginig ang aking boses.

            “Khaawp khun na.” aniya at sabay ngiti.

            Tumalikod ako at kasunod niyon ang pagpatak ng aking mga luha. Kahit anong pigil ko ay hindi ko maiwasang hindi masaktan. Oo, nasasaktan ako ngayon dahil alam kong kahit kailan ay hindi niya ako kayang mahalin higit pa sa kaibigan.

            Tama! Sa simula pa lang alam kong ganito ang magiging kapalaran ko sa kaniya, hanggang kaibigan lang ako at wala nang hihigit pa roon.

           

PLAY

            Alam kong nasaktan ko si Time. Kahit hindi man nito sabihin ay ramdam ko iyon. May bahagi rin aking puso ang kirot. Magkaibigan kami at buong buhay ko ay ayaw kong nakikitang nasasaktan siya. Hindi ko alam kung paano pawiin ang sakit na kaniyang nadarama.

            Nang lumingon ako sa kaniyang higaan ay parang gusto ko siyang tunguhin. Ngunit hindi ko rin alam kung iyon ba ang tama kong gagawin kaya mas minabuti ko na lang na ipikit ang aking mga mata para matulog na rin.

_______________________________________

            Paggising ko ay nakita kong wala na si Time sa kaniyang kama. Agad akong bumangon at tinungo ang banyo.

            “Time!” tawag ko sa kaniyang pangalan ngunit walang sumasagot.

            Bumalik ako at napansin kong wala na ang kaniyang mga gamit. Napatingin ako sa orasan at mag aalas-sais ‘y medya pa lang ng umaga. Ang aga naman ata niyang pumasok ngayon gayong 8:00 AM pa ang simula ng aming klase.

            Tumunog ang cellphone ko. Tinungo ko ang kinaroroonan niyon at nakita kong si Sib ang tumatawag.

            “Hello!” ani ko pagdampot ko ng telepono.

            “Hello, dude! Papasok ka ba ngayon?” tanong ni Sib sa kabilang linya.

            “Yes! Kagigising ko nga lang eh.” sagot ko.

            “Ah…kaya pala mag-isang pumasok si Time ngayon.”

            “Si Time?”

            “Uhm. Nagkita kami kanina sa cafeteria. Maaga siyang pumasok.”

            Napaisip ako. “Hindi ba niya kasama si Phob?”

            “Hindi. Tinanong ko nga siya kung bakit ang aga niya. Sabi naman niya, may gagawin daw siya sa school.”

            Bigla kong naalala ang naging pag-uusap namin kagabi. “Okay! Maliligo na muna ako.” sabi ko at sabay baba ng telepono.

            Mabilis kong tinungo ang closet para kumuha ng tuwalya at pumasok sa loob ng banyo. Pagkalipas ng halos fifteen minutes ay lumabas na rin ako at saka nagbihis ng uniporme. Kapagkuwan ay inayos ang aking sarili. Ilang saglit lang ay tapos na ako sa paghahanda. Kinuha ko ang aking bag at saka lumabas ng silid para tunguhin ang parking area.

            Pagdating ko sa tapat ng aking sasakyan ay mabilis kong binuksan ang pinto niyon at pumasok. Agad kong pinaandar ang makina at nilakbay ang daan papuntang unibersidad. Alas sais-kuwarenta pa lang ng umaga at sa loob ng fifteen minutes ay mararating ko na ang CU.

            Hindi pa ako nakakapag-almusal ngunit dumiretso na rin ako sa aming silid-aralan. Nang nasa tapat na ako ng pintuan ay bahagya akong napatigil nang makita ko si Time sa loob habang abala sa pagsusulat. Lumapit ako sa kaniya.

            “Bakit hindi mo ako hinintay?” tanong ko sa kaniya paglapit ko.

            Nag-angat siya ng tingin. “Huh? Errr, tulog ka pa kasi at maaga pa kaya hindi na kita ginising.” paliwanag niya at kasunod niyon ay muling ibinaling ang atensiyon sa kaniyang ginagawa.

            Kilala ko siya at alam kong naghahanap lang siya ng dahilan.

            “Time, dahil ba ito kagabi?”

            Tumigil siya sa kaniyang ginagawa. “Hi-Hindi. Kailangan ko lang kasing gumawa ng assignments ngayon.”

            Kumunot ang noo kong tinitigan siya. “Kung ganoon, doon ka na umupo sa tabi ko.”

            Tiningnan niya ako. “Dito na ako. Wala kasing katabi si Phob.”

            “So, si Phob ang mas mahalaga sa’yo ngayon?” para bang uminit na lang bigla ang aking ulo.

            “Ai’Play, puwede ba huwag na nating gawing big deal ito?”

            “Big deal? So big deal pala ‘to para sa’yo? Time, kagabi lang tayo nag-usap at nangako kang hindi mo ako iiwan. Tapos ngayon ipaparamdam mo sa akin na iniiwasan mo ako.”

            “Hindi naman ganoon ‘yon, eh.”

            “Hindi ganoon? Eh anong tawag sa ginagawa mong ‘to?” lumakas ang aking boses.

            “Ano palang ginagawa ko?”

            Mas naging matalim ang tingin ko sa kaniya. “Ewan ko sa’yo! Kung ayaw mong tumabi sa akin, bahala ka!” galit na sabi ko at tinungo ang aking upuan. Galit akong naupo at pabagsak na ipinatong sa mesa ang aking bag.



TIME

            Gusto kong tunguhin si Play ngunit agad kong pinigil ang aking sarili. Kailangan kong tatagan ang aking loob dahil kung magpapadala ako sa aking emosyon ay tiyak masasaktan at masasaktan ako.

            Oo, malaking bahagi ng pag-uusap namin kagabi ang dahilan ng lahat ng ikinikilos ko ngayon. Ito lang ang tanging alam kong paraan para madaling makalimot sa aking nararamdaman. Minsan nga mas naisin kong magalit siya sa akin at nang sa ganoon hindi kami magkakalapit. Sa ganoong paraan mas madali para sa akin ang makalimot dahil kung patuloy akong lalapit ay mas lalo akong nagkakagusto sa kaniya.

            Mula rito sa aking kinauupuan, ang tanging magagawa ko lamang ay titigan siya ng may kirot sa aking puso.





To be continued………………..

           

           
#cttophotonotmine

PlayTime SeriesWhere stories live. Discover now