Episode 7 (2/4)

0 0 0
                                    

PLAY

“Thank you.” mahinang sabi ni Jane paghatid ko sa kaniya sa ibaba.

Medyo madilim pa dahil mag aalas singko y’ medya pa lang ng umaga.

“Mag-iingat ka, Jane.” sabi ko at sabay ngiti.

Isang simpleng ngiti rin ang naging tugon niya sa akin.

“Umm.”

Tahimik siyang pumasok sa loob ng taxi. Kumaway pa ako bago tuluyang umalis ang sinasakyan niya.

Kinapa ko ang aking cellphone sa bulsa para tingnan kung mayroong mensahe galing kay Time. Ngunit ni isa ay wala akong natanggap. Hindi siya umuwi at alam kong galit pa rin siya hanggang ngayon. Tinawagan ko siya ngunit out of coverage ito. Isang buntong hininga lamang ang aking pinakawalan bago bumalik sa loob.

Pagpasok ko ng silid ay muli kong denial ang numero ni Time. Subalit gaya pa rin ito ng una, hindi ko pa rin siya makontak. Nagbukas ako ng messenger at nakita kong mag aanim na oras na ring hindi siya online.

“Nasaan ka ba, Time?” naitanong ko sa sarili. Hindi ko maikakaila na nag-aalala ako sa kaniya.

Dahil sa hindi na rin ako makatulog, ay tinungo ko na lamang ang closet at kumuha ng towel. Pagkuwa’y pumasok ng banyo at naligo.

Pagkalipas ng mahigit dalawampung minuto ay lumabas na rin ako at agad na nag-ayos ng sarili. Mayroon pa akong mahigit isang oras dahil alas siyete ng umaga magsisimula ang klase ko. Kinuha ko ang paborito kong aklat sa shelf at naupo sa sofa. Inilaan ko ang natitira kong oras sa pagbabasa.

Pagkaraan ng tatlumpung minuto ay kinuha ko ang aking bag, pinatay ang ilaw, nagsuot ng sapatos, lumabas ng silid at tahimik na tinungo ang parking lot. Walang ibang laman ang aking isipan kundi si Time. Hindi ko alam kung saan siya natulog at wala akong ideya kung sino ang kasama niya kagabi.

Pagdating ko ng unibersidad, ay tumungo muna ako ng cafeteria para kumain ng almusal. Nadatnan kong naroon din si Eak habang kumakain.

“Nasaan si Sib?” tanong ko paglapit ko sa kaniya habang bitbit ang order kong pagkain.

“Huwag ka ng magtaka sa kaniya.” sagot ni Eak na ang nais tukuyin ay wala namang pinagbago kay Sib na bukod sa palaging late ay tila wala namang interes mag-aral. Palibhasa’y lumaking hindi naghirap at sanay sa buhay na marangya.

Inilapag ko ang dala kong pagkain at humila ng upuan at naupo.

“Si Time?” pagkuwa’y tanong sa akin ni Eak na ikinatigil ko naman.

“Hindi ko siya kasama ngayon.” sagot ko habang ang mga mata ko ay sa pagkaing nasa harapan ko.

“Nag-away ba kayo?”

Hindi ko sinagot ang tanong ni Eak at sa halip ay nagpatuloy lamang ako sa pagkain.

“Alam mo, napaka-suwerte mo dahil may kaibigan kang tulad ni Time na handang gawin ang lahat para sa’yo. Kahit pa alam kong nasasaktan siya, hindi siya nagdalawang isip na kausapin si Jane para magkabalikan kayo.”

Natigilan ako nang marinig ko iyon.

“Anong ibig mong sabihin?” takang tanong ko kay Eak.

“Matagal ko ng alam na may gusto siya sa’yo. Inamin sa akin ni Time nang minsang marinig kong kinakausap niya si Jane.”

“Kinausap niya si Jane?” kumunot ang noo ko.

“Umm, kinausap niyang balikan ka niya dahil hindi niya kayang nasasaktan ka. Alam mo rin ba na sinabi niya kay Jane na handa siyang gawin ang lahat magkabalikan lang kayo?” wika ni Eak.

PlayTime SeriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon