Episode 3 (2/4)

7 2 0
                                    

Title: PlayTime Series
Author: Moonlight04
Wattpad: jenryl04

                          EPISODE 3 (2/4)


TIME

           Paggising ko, laking gulat ko nang makita ko si Play na naghahanda ng mesa. Bumangon ako at pinagmasdan siya habang abala sa paghahanda.      

           “Gising ka na pala.” sabi nito nang mapansin ako.

           “Ahm, yeah!” maikling tugon ko sa kaniya.

           “Halika na rito. Kumain na tayo.” aya niya sa akin na ikinagulat ko.

           Tama ba ang narinig ko? Niyaya niya akong kumain ngayon? Hindi na siya galit? Ang daming tanong sa aking isipan. Oo, pagkatapos nang nangyari kagabi, hindi ko inaasahan na maging okay kami ngayon. Sabi niya, nais lamang niyang masubok iyon.

           Tahimik akong tumayo at dahan-dahang lumapit sa kaniya. Nang sumulyap ako ay nasilayan ko ang pasimpleng pagngiti niya. Sana nga, magiging okay na kami.

           Naupo siya at naupo na rin ako. Magkaharap kami ngayon at halos nagdadalawang isip pa akong kumuha ng hotdog at omelet. Napansin niya iyon kaya siya na rin mismo ang naglagay nito sa aking plato.

           “Susunduin ka ba ngayon ni Phob?” tanong ni Play pagkatapos nang unang subo niya.

           “Uhmm.” maikli ngunit maagap kong tugon.

           “Mukhang magkasundong-magkasundo na kayo, ah.”

           “Medyo.”

           “May gusto ka ba sa kaniya?”

           Natigilan ako sa tanong iyon ni Play. Pakiramdam ko ay may bumara sa aking lalamunan.

           “Di ba sabi ko magkaibigan lang kami. Wala akong gusto sa kaniya at saka -.” hindi ko natapos ang aking sasabihin.

           “At saka ano?”

           Napalunok ako. “Pao!”

           “Hey! Ano kasi ‘yon?” pamimilit ni Play.

           Napalunok akong muli. “Err, a-alam mo naman kung sino ang gusto ko, di ba?” nauutal kong wika. Nakaramdam ako ng kaunting hiya. Alam kong nakuha nito ang nais kong tukuyin. Ngunit nagtaka ako sa kaniyang naging reaction. Imbes na mainis ay nakita ko ang pagguhit ng manipis nitong ngiti.

           Pagkatapos naming kumain ay naligo na rin ako, Nauna na kasing naligo si Play kanina habang tulog ako.

           Pagkalipas ng fifteen minutes….

           Paglabas ko ng banyo ay aktong paalis na rin si Play.

           “Mauuna na ako sa’yo. Kita na lang tayo mamaya sa school.”  anito at tinungo ang pintuan.

           “Okay! Mag-iingat ka.” tugon ko at saka siya binato ng isang simpleng ngiti.

           Dati, lagi niya akong hinihintay papuntang unibersidad. Hindi siya aalis hangga’t hindi kami magkasama. Gayunpaman, imbes na makaramdam ako ng lungkot ay tila masaya na rin ako dahil sa kabila ng mga nangyari sa amin ay kahit papano’y nagagawa na nito akong kausapin. Hindi nga lang gaya ng dati subalit mas mainam na ito kumpara noong mga nakaraang araw.

           Dali-dali akong nagsuot ng uniporme at nag-ayos ng sarili. Ilang sandali lang ay lumabas na rin ako. Pagdating ko ng ibaba ay nakita ko ang sasakyan ni Phob na nakaparada mismo sa harap ng aming condo. Lumapit ako rito at binuksan ang pinto.

           “Good morning.” bungad na bati sa akin ni Phob pagpasok ko.

           “Good morning.” nakangiting tugon ko.

           Sinimulan na ni Phob ang pagpapapandar sa makina ng kaniyang sasakyan. Kasunod niyon ay nilakbay namin ang daan papuntang unibersidad.

           “Musta na si Play?” tanong ni Phob habang abala sa pagmamaneho. “Lasing na lasing siya noong isang gabi.”

           “Okay naman siya.” sagot ko.

           “Nakita mo na ba ang video niya kasama si Moe?”

           Bigla akong naintriga. “Anong video?”

           “Heto!” si Phob at inabot nito ang kaniyang cellphone.

           Halos nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang video nina Play at Moe habang naghahalikan sa tapat mismo ng CR ng bar noong Friday night. Wala akong karapatan ngunit hindi ko napigilan ang aking sarili na makaramdam ng kirot. Oo, may kung anong kirot akong nadarama ngayon sa aking puso. Tahimik kong binalik ang cp kay Phob.

           “Walang may alam kung sino ang nag upload ng video. Pero usap-usapan na ngayon sa buong social media.” wika ni Phob pagkatapos nitong abutin ang telepono.

           Hindi na ako nagtataka sa sinabi niyang iyon. Kahit wala pa ang nasabing video ay lagi namang pinag-uusapan si Play at kahit pa ‘yong break up nila ni Jane. Laman siya ng web ng school lagi. Hindi naman iyon imposible dahil marami ang humahanga sa kaniya.

           “Di ba naging sila ni Jane?” tanong ulit ni Phob.

           “Uhm.” maikling tugon ko at sabay tango.

           “Bakit sila naghiwalay?”

           Napabuntong-hininga ako bago nagsalita. “Sabi kasi ni Jane, kailangan muna nila ng space. Actually, ayaw ni Play na mag break sila. Mahal na mahal ni Play si Jane. Ngayon lang din nangyari ‘yang video na ‘yan. I know Play very much. Hindi siya mapaglaro sa mga babae. Mabait siya at mapagmahal. Siguro kaya niya ginawa ‘yon dahil nasasaktan pa rin siya kay Jane hanggang ngayon.” paliwanag ko.

           “Pero balita ko, nagkakamabutihan na raw sina Jane at Korn.”

           “Iyon din ang sabi nila. Maaaring isa rin ‘yon sa mga dahilan kung bakit nagkakaganito si Play ngayon.”

           “Masyado nga kayong malapit, no?”

           Bahagya akong ngumiti. “Oo. Anim na taon na kaming magkaibigan. Kilala ko ang family niya at kilala na rin siya ng family ko. Sabihin na rin nating kilala ko na rin siya. Alam ko kung anong gusto niya at anong mga ayaw niya.” kuwento ko.

           “Suwerte niya.”

           “Bakit naman?” kumunot ang noo kong napatingin kay Phob.

           “Kasi naging kaibigan ka niya. Alam mo, matagal na panahon din akong nangarap na maging kaibigan ka. Kaya nga noong lumapit ka sa akin at tumabi ay hindi ko naisipan na tanggihan ka. Time, gaya ng sabi ko noon, ikaw lang talaga ‘yong gusto kong maging kaibigan. Pero dahil sa’yo, kahit papano naging kaibigan ko rin ang mga kaibigan mo. Salamat, Time. Salamat sa friendship.”

           “Mai bpen rai! Masaya rin naman ako eh na naging kaibigan kita.” saad ko at saka nginitian ko siya. Nakita ko rin ang pagngiti niya.
          
           Ilang saglit lang ay nakarating na rin kami ng unibersidad. Dumiretso agad kami sa aming klase dahil sampung minuto na lang ay magsisimula na ang unang subject namin sa umaga.

           “Time!” tawag sa akin ni Sib pagpasok namin ng classroom.

           Tumungo kami sa kanilang kinaroroonan ngunit napansin ko ang hindi pagtingin ni Play sa amin ni Phob. Tila abala ito sa kaniyang cellphone. Napatitig lamang ako sa kaniya. Kanina lang, ayos pa kami. Pero bakit parang hindi naman niya ako pinapansin ngayon?

           “Hi, Phob!” bati ni Sib kay Phob. Ngumiti lamang si Eak na tumingin sa amin.

           “Hello.” mahina namang tugon ni Phob.

           Nagpatuloy kami papuntang likuran. Naupo akong may pagtataka sa aking isipan. Ibang Play ang nakita ko kanina at ibang Play naman ang nakikita ko ngayon. Siguro nga, hindi pa kami ganoon ka okay. Hindi dapat ako mag expect ng sobra.

          

PLAY

           Paglabas ng aming guro ay agad kong kinuha ang aking bag at nagmamadaling lumabas.

           “Play!” dinig kong tawag ni Eak sa pangalan ko. Hindi ko iyon pinansin at sa halip nagpatuloy ako.

           Mabilis ang mga hakbang ko habang binabagtas ang hallway papuntang likurang bahagi ng building. Nagsalpukan ang mga kilay ko nang makita ko sina Jane at Korn. Nilapitan ko sila at agad na sinuntok si Korn. Napaatras naman siya nang tamaan ko ang kaniyang mukha. Ngunit agad din naman siyang gumanti at naramdaman ko ang pamamanhid ng aking pisngi nang tumama ang kaniyang kamao.

           Nagulat si Jane sa mga nangyari. Ngunit imbes na ako ang kampihan ay si Korn pa ang kaniyang nilapitan.

           “Play!” galit nitong sabi. Halos isigaw niya sa buong campus ang pangalan ko.

           “Gago ka! Alam kong ikaw ang nagpakalat ng video namin ni Moe!” galit kong sabi at sabay duro kay Korn.

           “Anong pinagsasabi mo?” galit namang tanong ni Korn. Nanlilisik ang kaniyang mga mata.

           “Huwag ka nang magkunwari. Alam ko na ikaw ang may pakana ng lahat.”

           “Gago! Wala akong alam sa sinasabi mo!”

           “Walang alam? Di ba kaibigan mo ‘to?” Ipinakita ko sa kaniya ang larawan ng nag upload ng video. Si Pete, isa sa mga kaibigan niya. Na trace ko kasi kung sino ang nag upload ng video namin ni Moe at nang maalala ko nandoon din siya noong gabing iyon ay nai-konek ko ang lahat. “Siya ang nag upload ng video!” galit kong sabi.

           Natigilan si Korn at halos hindi makapagsalita.

           “Bakit natahimik ka? Dahil totoo, di ba?” galit kong tanong. Malakas ang aking tinig.

           “Dahil ba sa kaibigan ko ang nag upload, ako agad ang nag-utos? Puwede ba, kung gagawa ka ng kagaguhan, huwag mo akong idamay.”

           Mas lalong uminit ang ulo ko at akmang susugurin siya ngunit agad na humarang si Jane.

           “Puwede ba Play, tama na! Wala na sa lugar ‘yang ginagawa mo. Bakit ba kasi hindi mo matanggap na wala na tayo, na tapos na tayo? Play, kung anuman ang gagawin mo, wala na akong pakialam kaya puwede ba, huwag mo na kaming guluhin pa?” galit na wika ni Jane na ikinatigil ko.

           Para akong napinto sa aking kinatatayuan. Ngayon ko napatunayan na talagang wala na siyang gusto sa akin. Parang babagsak ang aking mga luha sa mga sandaling ito. Masakit pero agad kong pinigil iyon.




TIME

           “Sib, Eak, si Play.” dinig kong sabi ng isa sa aming kaklase. Tila natataranta ito na agad ko namang ikinabahala.

           “Anong nangyari kay Play?” tanong ni Eak.

           “Nandoon siya sa likod. Nakikipag-away kay Korn.”

           Agad akong napatayo nang marinig ko iyon. Lumapit ako kina Sib at Eak na saktong aalis na rin.

           “Sama ako.” nag-aalalang sabi ko sa kanila.

           Mabilis naming tinungo ang likurang bahagi ng building. Nadatnan nga naming nagkakasagutan sina Play at Korn. Labis ang aking pag-aalala nang makita kong dumudugo ang ibabang bahagi ng bibig ni Play. Lalapit sana ako ngunit natigilan naman ako nang maalala ko ang hindi nito pagpansin sa akin kanina. Naisip kong baka lalo lang lalala ang sitwasyon. Hinayaan ko na lamang na sina Sib at Eak ang umawat sa kaniya.

           Hawak ni Jane si Korn habang may dumudugo rin ang ibabang bahagi ng bibig nito. Alam kong nagpalitan sila ng suntok kanina.

           Umalis si Play at dumiretso sa kinaroroonan ng kaniyang sasakyan. Nais ko sana siyang habulin ngunit may tila pumipigil sa akin para gawin iyon. Wala akong ibang magawa kundi ang mag-aalala sa kaniya.

           Hinintay kong matapos ang aming klase sa umaga at saka umuwi sa aming condo. Napagdesisyunan kong huwag nang pumasok sa hapon. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaction ni Play pag nakita ako mamaya. Gayunpaman, hindi ko na iyon inalintana pa bagkus naglakas loob akong umuwi para sa kaniya.

           Kinakabahan akong binuksan ang pinto ng aming kuwarto. Nakita kong nakahiga lamang si Play sa kaniyang kama. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya.

           “Pla-Play?” nauutal kong sambit sa kaniyang pangalan.

           Dahan-dahan siyang lumingon sa akin. “Bakit ka nandito?” tanong niya sa tila galit na tinig.

           “Nag-aalala kasi ako sa’yo eh.” mahina kong tugon.

           Hindi na siya nagsalita at agad akong tinalikuran.

           “Okay lang kung magalit ka sa akin. Pero puwede bang hayaan mo muna akong gamutin ‘yang bibig mo?”

           Hindi siya sumagot habang nakatalikod pa rin. Tinungo ko ang kinaroroonan ng first aid kit. Kumuha ako ng cotton at alcohol bilang panlinis sa sugat. Binalikan ko si Play sa kaniyang kama. Naupo ako sa gilid na bahagi niyon.

           “Play…” sambit ko sa kaniyang pangalan.

           Dahan-dahan naman siyang humarap sa akin at bumangon. Tinitigan niya ako sa aking mga mata na halos ikinakaba ko. Ngunit wala naman akong makikitang anumang galit sa kaniya ngayon. Nilagyan ko ng alcohol ang cotton at saka pinahid iyon sa kaniyang bibig na nasugatan.

           “Ouch!” nasambit niya nang maramdaman nito ang hapdi.

           “Sorry…” sabi ko at inangat ang kamay kong may hawak na cotton. Muli kong pinahiran ang kaniyang bibig. May pagkakataong napapangiwi siya habang ginagawa ko iyon.

           Halos magkalapit lang din ang aming mukha ngayon. Habang pinapahiran ko ang kaniyang sugat ay nakatitig siya sa akin at ganoon din ako sa kaniya. Ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng aking puso. Parang hindi ko kayang sabayan ito na animo’y nakikipagkarerahan.

           Ang mga titig ni Play…..hindi ko alam kung bakit tila nalalagutan ako ng hininga.



To be continued…………………….

#cttophotonotmine

This is a work of fiction
No copyright
Plagiarism is a crime

Next or delete?

PlayTime SeriesWhere stories live. Discover now