Chapter 18: Assassin

1.4K 120 55
                                    


Kapag masyado nang bingi ang mundo sa bawat sigaw mo, hindi ganoon kadaling humanap ng taong makaririnig ng katahimikan mo.

Sobrang tagal kong nakulong. Bawal hawakan, bawal tingnan, bawal kausapin. Napakaraming bawal.

Kahit anong sumbong mo, hindi ka makakahingi ng tulong.

Mula noong bigyan ako ng responsabilidad, maliban kay Syaho, si Calvin lang ang kaya akong maintindihan kahit wala pa akong sinasabi. Kahit na nagagalit ako . . . kahit na nagagalit siya . . . kahit na hindi kami magkasundo sa iisang bagay.

Ang lalim ng paghinga ko nang mapansin ang likod niya mula sa pagkakadapa ng higa. Sanay siyang walang damit pantaas tuwing natutulog. Nakikita ko tuloy kung gaano 'yon ka-pula. Naalala kong sinalo nga pala niya ako bago bumagsak sa pool.

Ang taas ng binagsakan namin. Siguradong mahapdi ang likod niya ngayon kaya siya nakadapa matulog. Kaya siguro kanina pa niya sinasabing magpahinga muna kami. Hindi siguro maganda ang bagsak ng katawan niya sa pool.

Sa mga ganitong pagkakataon ko hinihiling na sana iba na lang ang piliin niya. 'Yong hindi siya sasaktan.

"Bing . . ." Tinusok ko ng hintuturo ang pisngi niya.

"Hmm." Idinilat niya ang isang mata, nakalubog pa rin ang kalahati ng mukha niya sa unan. "Nagugutom ka?"

"Gusto mong magpakasal sa ibabang babae?"

Imbes na sumagot, nakasimangot siya nang lingunin ang wall clock sa likuran niya.

"Alas-dos na, Shin. Hindi ka pa ba natutulog?"

"Kapag gusto mong sumama sa iba—"

"Sshh. Walang sasama sa iba. Babantayan kita lagi." Kinawit niya ang baywang ko at inilapit sa kanya. Pumaling siya patagilid para lang mayakap ako nang maayos.

"Sasakit lalo ang likod mo," paalala ko.

"Walang masakit sa likod ko. Tulog ka na, alas-dos na."

Ang lalim ng buntonghininga ko nang sumiksik pa sa kanya.

Sobrang komportableng mahiga sa kama kapag katabi ko siya. Naramdaman kong hinahagod niya ng palad ang buhok ko. Sumaglit lang ako ng pikit at hindi ko na namalayan kung anong oras ako nakatulog.


♥♥♥


"Nag-chat ako sa barkada na sira ang phone ko. Kailangan kong bumili ngayon at ipa-lock 'yong luma."

Nakasimangot lang ako kay Calvin kasi tinatali niya ang buhok at hindi ko nagugustuhan ang suot ko ngayon.

"Puwede ba 'kong magsuot ng walang pangalan mo?" reklamo ko agad.

Naka-PE uniform na naman ako. White na shirt na may malaking DY at 02 na red print sa likod na nakatatak. Ang shorts na suot ko, kulay pula na may tatak na white DY print sa kaliwang laylayan.

"Pupunta tayo kina Leo. Hindi ka magde-dress," sagot niya.

"Ano namang kinalaman ng pagpunta kina Scott at sa suot ko."

"Natural, makikita ka ng tiyanak doon, aawayin na naman ako."

Ang sama tuloy ng tingin ko nang lingunin siya. "Pati bata, hindi mo talaga palalampasin?"

"Si Leo, masasapak ko pa. Si Luan, hindi. Sa susunod ka na mag-dress. Huwag mong aalisin 'tong tali mo, ha?"

May tinawagan siya gamit ang isang basic phone na sobrang liit para sa kamay niya. Pinare-retrieve niya ang kotse niya sa hotel. Inabot pa ng isang oras bago naibalik sa bahay ang sasakyang naiwan niya sa venue kagabi.

AGS 5: Kiss of the Red LotusWhere stories live. Discover now