Chapter 19: Backup

1.2K 112 37
                                    

Hindi ako pamilyar sa mga daan. Naghahanap ako ng police station pero wala pa akong nakikita maliban sa puro lang kalsada at blangkong mga lote na puro talahib at puno.

Kilala ko si Calvin. Hindi mahirap para sa kanya ang makalabas sa sisimpleng presinto lang. Isang tawag lang niya 'yon sa opisina.

Meron akong napuntahang terminal ng van. Mahaba ang pila roon, maraming tao. Nagtanong ako sa post ng operator na nasa bandang dulo.

"May telepono kayo? Puwedeng makitawag?"

"Ay, wala kaming linya! Diyan sa tindahan! Hintayin mong bumukas, may payphone diyan."

Itinuro niya ang tindahan na nasa kabilang pathwalk lang. Pero sarado 'yon.

Pagod na 'ko sa paglalakad. Sinundan ko lang ang kalsada. Hindi ko rin alam kung paano ba babalik sa bahay ni Calvin.

Naupo ako sa gutter na katabi ng waiting shed na pinipilahan ng mga sasakay.

Papuntang Dasmariñas, Cavite ang ruta, malayo sa Las Piñas. Nagdadalawang-isip ako kung dadaan ng police station. Baka maitawag ako, masyadong alanganin. Pulis pa naman ang kasama kong naghatid sa akin kay Nin Chua.

Nagtakip na lang ako ng hood at sumandal sa metal na haligi ng waiting shed. I have no better choices right now. Kailangan kong maghintay sa telepono o pagurin pa lalo ang sarili ko sa paglalakad sa kalagitnaan ng gabi.



♥♥♥


Sa dami ng atraso ni Nin Chua, hindi puwedeng coincidence lang na nag-valet siya sa hotel, pinili ang kotse ni Clark na kunin para i-park, at bigla-bigla na lang siyang dadalo sa private meeting ng pamilya ko na iilang oras lang ang pagitan ng activities.

Kahit anong depensa roon ni Calvin, hindi ko kakagatin na nagkataon lang ang lahat. Hindi ako tanga para hindi pansinin ang mga ginagawa nila.

Alas-singko ng umaga nang magbukas ng tindahan, pero alas-sais ng umaga na ako tumawag para sigurado ang pagsagot sa telepono. Nakatingin lang ako sa wall clock na nakasabit sa haligi ng waiting shed ng terminal, naghihintay ng sagot.

"Hello? Sino 'to?"

"Nandiyan po ba si Melanie? Pakisabi si Shin ni Madame Ai Ling po ito."

"Shin? Ay, saglit lang ho, a."

Nakakarinig ako ng ingay sa kabilang linya. Maraming nag-uusap. Ito lang ang kabisado kong numero mula pa noong kailangan kong tawagan si Calvin kapag natatakot ako.

Ilang saglit pa, nagbago na ang tunog ng telepono. Saglit na nawala ang ingay tapos may pumalit namang mas kalmado nang tunog.

"Si Shin ba 'to?" mataray na tanong sa kabilang linya. Si Meng na 'to.

"Ako nga."

"Nasaan ka?"

"Hinahanap ba 'ko ni Calvin?"

"Alam ko lang na hindi kayo magkasama. Hindi ka naman tatawag sa bahay kung kasama mo siya. Kaninong phone gamit mo?"

"Payphone 'to sa tindahan. Wala akong pera, sunduin mo 'ko."

"Saan mo naman iniwan si Bing?"

"Sa presinto sa labas lang ng subdivision niya."

"Sa San Juan?"

"Sa Las Piñas."

"Ay, okay lang siya diyan. Keri. Saan ka ulit?"

Tiningnan ko ang pangalan ng terminal.

AGS 5: Kiss of the Red LotusWhere stories live. Discover now