Chapter 21: Nostalgia

1.1K 131 30
                                    


"Hindi ka ba kakain nang maayos?"

Kanina ko pa tinititigan si Calvin. Hawak ng kaliwang kamay niya ang phone at chopsticks naman ang kanan. Imbes na tumutok sa pagkain, doon lang siya nakatitig sa phone niya. Umaasa ako ng tahimik na hapunan pero may iba siyang mga kausap kanina pa.

"Sigurado ka bang may ginawa ka kay Nin Chua?" tanong niya imbes na ayusin na lang ang pagkain.

"Nakakailang tanong ka na niyan."

"Nakakailang presinto na rin ako sa Bacoor, wala pang nagre-report sa kanila tungkol kay Nin Chua."

"Sinabi na kanina n'ong isang pulis na matagal nang wanted si Chua, di ba?" katwiran ko. "Bakit ayaw mong sabihin ang shabu lab niya sa Bacoor?"

Ang sama agad ng tingin sa akin ni Calvin nang lingunin niya ako. "Galing ka doon gamit ang pangalan ni Ky. May alibi si Kyline kasi magkaiba kayo ng mukha kapag nag-profile na at maraming way para patunayang siya ang totoong Kyline. Pero ikaw, ipapa-trace ka nila using me kasi nahuli nila ako. I can't give any specific place sa mga pulis kasi paniguradong hahabulin tayo ng mga 'to for investigation."

"Ayaw mo palang ma-trace, bakit nakikibalita ka pa?"

"Para malaman ko kung nakita ka sa CCTV malapit sa lugar or what? Gusto mo bang malagay sa wanted list?"

Hindi ako nakakain nang maayos. Hindi ko rin masabi kung maayos ding bang nakakain si Calvin kahit pa naubos niya ang niluto ko. Ilang text at call din ang sinagot niya habang kumakain, tinatanong ang tungkol kay Nin Chua kung nakita o nahuli na ba.

Pero halos lahat, iisa lang ng sagot. Matagal nang wanted si Nin Chua at hindi pa nahuhuli hanggang ngayon.

Inutil ang mga pulis? O malakas lang ang kapit ni Nin Chua sa mga awtoridad? Kung ano man ang rason kaya hindi siya mahuli-huli, then pasensiyahan na lang. Kung siya man ang salarin sa nangyari kay Clark, kung puwede lang siyang buhayin ulit para patayin, malamang na ginawa ko na. Makaganti man lang para kay Clark at sa mga atraso nitong hayop na 'to kay Syaho.

Si Calvin ang naghugas ng mga plato kahit pa alam kong masama ang loob niyang magtrabaho. Ako naman ang naglinis ng mesa at nagligpit ng mga nahugasan na niya.

Akala ko, oras na para matulog dahil tapos na ang hapunan namin.

"Kailangan na nating umalis," sabi niya na ikinataka ko.

"Pupunta na ba tayo kay Bobby Lauchengco?"

"Hindi. Lilipat tayo ng bahay." Kinuha agad ni Calvin ang kamay ko at tangay-tangay ako palabas.

Lilipat daw kami ng bahay.

"Bakit?" tanong ko nang paunahin na niya akong pasakayin sa sasakyan.

Nakasagot lang siya nang makasakay sa driver's seat. "Hindi ka puwedeng makita ng mga tanod dito. Baka hulihin ka na."

"Paano ang mga binili kong gamit dito?"

"Hayaan mo na 'yang mga 'yan dito. Babalik din naman tayo kapag okay na lahat."

Gano'n pala.

"Saan tayo pupunta?" tanong ko na lang.

"Sa bahay ko sa San Juan."

Maraming bahay si Calvin. Hindi siya napermanente sa iisang lugar magmula noong fourteen kaming dalawa—magmula noong pinagalitan siya sa araw-araw niyang pagdalaw sa akin at pang-aaway sa unang asawa ko, kay Ricky Chi.

Naglayas siya sa kanila. Kinupkop siya ng mga Phoa. Si Madame Qi, o mas pamilyar sa lahat ang pangalang Carmencita Phoa, ay mas malakas ang impluwensiya kaysa kay Mama pagdating sa negosyo. Noong tinanggap ng mga Phoa si Calvin, aminado akong sumamâ ang loob ko kasi ibig sabihin din, babalik siya kay Melanie.

AGS 5: Kiss of the Red LotusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon