Chapter 22: New Head

1.2K 124 56
                                    


Maraming beses ko nang nakita sa personal si Bobby Lauchengco, pero may sapat na distansya pang kailangan para lang mangyari 'yon. Sa buong buhay ko, isang beses ko pa lang siyang nakausap sa personal, at iyon ay noong Ting Hun ni Melanie.

Gaya nga ng sabi niya noong araw na 'yon, hindi kailangan ng presensya ng mga Yu sa kasal ng bunso niya. Ramdam ng buong pamilya ko kung gaano niya kami maliitin.

"At may gana ka pang dumalo rito. Imbitado ka ba?" harap-harapang sinabi ni Bobby Lauchengco sa mama ko matapos niyang makita kami pagtapak sa ancestral house nina Meng.

Sa dami ng taong natatakot kay Mama at sa kaya niyang gawin, bilib talaga ako sa tabas ng dila ni Bobby Lauchengco para lang bungaran ang pamilya ko sa ganoong paraan.

"Pamilya rin namin ang mga Phoa," sagot lang ni Mama sa seryoso niyang tono.

Akala ko, doon na matatapos ang usapan. Hindi pa pala.

"Oh! You call them family while you killed yours?" Bigla akong tiningnan ni Bobby Lauchengco.

Hindi ko makalimutan ang tingin niya noon na parang pinagbabantaan ako sa hindi ko malamang dahilan matapos ang apat na taon kong hindi paglabas.

"Balak niyang alukin si Bobby Lauchengco para pumalit sa bababaan niyang posisyon community."

Puwedeng doon pa lang sa Ting Hun ni Mel, may alam na si Bobby Lauchengco. Ayokong magsabi na bakit hindi ko nabalitaan dahil wala naman akong binigyan ng karapatang balitaan ako ng kung ano ultimo si Calvin.

"Mamayang 10 daw, before lunch, nasa bahay na si Uncle Bobby. Dadaan lang daw siya kina Tita Tess tapos uuwi rin," balita ni Calvin habang inaayos ang zipper ng isinuot kong red and white na varsity jacket.

"Bakit meron kang ganitong jacket, hindi ka naman naging player ng kahit anong sports noong college?" usisa ko pa kasi wala na naman akong idadamit maliban sa mga napagliitan na niya.

"Binili ko sa kaklase ko, bakit ba?" naiinis na sagot niya.

"Bakit may print ng DY sa likod kung binili mo lang?"

Nangunot lang ang noo niya at pinagpag ang bandang balikat ko. "Suotin mo na lang. 'Dami pang tanong."

Sabay kaming grumaduate ni Calvin. Ang kaibahan lang, high school siya, college naman ako.

Ilang beses akong ipinasok ni Mama sa acceleration program. Halos patayin niya ako para lang maipasa ko ang lahat ng qualifying exams—mali. Hindi pala maipasa. Gusto niyang mabilang lang sa kamay ang mali ko sa mga lesson na sobrang dami pero dapat pag-aralan sa loob lang ng isang buwan.

Gaya ng katwiran ni Mama kay Syaho noong kinukuwestiyon siya nito, hindi siya gagastos sa akin para lang sa mahabang taon ng pagpapaaral kung puwede naman akong magtapos agad. Grade school pa noong huli kong naranasang magkaroon ng mga kaklase. Pagdating ng junior at senior high hanggang college, mag-isa lang akong nag-aaral at tinututukan ng teacher hanggang maka-graduate.

Sixteen years old, may college degree na ako. Unang beses kong mag-decide para sa Red Lotus. 'Yon ang pagbubukas ng Coastal para gawing race track ang excavation area na nabili ng pamilya ko at hindi pa sigurado kung ano ang gagawin.

Pinagtatalunan pa kung ano ang gagawin roon sa lupa kaya nagsabi na akong habang wala pang desisyon, gamitin na muna sa ibang bagay.

Napupunta lang ako sa school kapag dinadalaw ko si Calvin dahil nag-iipon siya ng mga kaaway. At karamihan ng kaaway niya, taga-Coastal din, maliban pa sa akin.

Sa mga pagkakataong pinupuntahan ko siya sa school, ni minsan, hindi ko pa siya nakitang mag-jacket. Kung hindi kasi T-shirt o V-neck shirt, laging white sando lang ang suot niya dahil napakainit nga raw. Tapos ang uniform niya, kagat lang niya lagi o di kaya'y isasampay niya sa balikat. Kung hindi naman, binabalot niya sa kamao at ipinansusuntok sa kung sinong maisipan niyang suntukin kahit pabiro lang. Lagi pang nakataas ang manggas niya; kahit ang laylayan ng pantalon na iaangat hanggang tuhod.

AGS 5: Kiss of the Red LotusWhere stories live. Discover now