Chapter 3

18.7K 434 1.1K
                                    

Chapter 3

“May nagawa ba ‘ko sa ‘yo kagabi?” biglang tanong ni Dwyne. “O, nasabi man lang?”

Napatigil ako sa paghihiwa ng sibuyas nang marinig ang tanong ni Dwyne. Kagabi ay bigla siyang nawalan nang malay nang dahil sa kalasingan. Pilit ko siyang inakay papunta sa living room. Nahirapan ako dahil sa laki niyang tao. Halos bumagsak nga kaming dalawa.

Inihiga ko lang siya sa couch at kinumutan. Mas malapit kasi roon, kaysa sa room niya na hindi ko pa naman napapasok. Pilit siyang ginigising ni Hillary, pero hindi magising ang lalaki. Malungkot tuloy si Hillary dahil hindi sila nakapag-bonding ng kanyang ama.

Kaya para malibang siya ay nakipaglaro muna ako. Mahilig siyang maglaro ng Dollhouse. Halos hanggang baywang ko ang laki niyon. Nakalagay ang laruan sa loob ng room ni Hillary. Hindi ko alam kung regalo iyon sa kanya ng ibang tao, o, binili talaga para sa kanya ni Dwyne.

“Niyakap mo ‘ko,” tugon ko at ipinagpatuloy ang paghihiwa ng sibuyas. “Tinawag mo rin akong Selena…”

Narinig kong tumikhim siya. Mukhang ngayon niya lang na-realize ang ginawa niya kagabi. Hindi ko na sana ipaaalam iyon sa kanya, pero nagtanong siya kaya wala na rin akong nagawa kung hindi ang sabihin ang nangyari.

Akala ko nga, babalewalain na lang niya ang nangyari kagabi. Bukod sa lasing siya, hindi niya rin alam ang ginagawa niya. Kaya niya ako niyakap dahil iniisip niya na ako si Selena.

“I'm sorry,” he mumbled. “Kalimutan mo na lang ang nangyari at ang nasabi ko sa ‘yo.”

Hindi na ako umimik pa. Kahit na hindi niya sabihin iyon, gagawin ko talaga. Kalilimutan ko ang nangyari. Lalo na ang pangalang binanggit niya habang yakap ako.

Nang mga sumunod na araw ay bumabawi na si Dwyne kay Hillary. Maaga na siyang umuuwi para makapag-bonding silang mag-ama. Natanggap ko na rin ang sahod ko kahapon. Mas malaki ang sahod ko sa pagiging nanny, kaysa sa pagiging waitress.

Hindi pa rin ako nakakapagpadala ng pera sa pamilya ko dahil hindi ako makaalis. Walang magbabantay kay Hillary. Ngayon ay walang pasok si Dwyne. Magpapaalam ako sa kanya na aalis lang ako saglit. 

“Pwede ba ‘kong umalis?” tanong ko kay Dwyne.

Kalong-kalong niya si Hillary na umiinom ng gatas sa baby bottle. Naliguan ko na naman ang bata. Kagigising lang ni Hillary at may sumpong siya. Mabuti na lang napakalma ni Dwyne ang anak niya.

Maganda rin na mataas ang pasensya ni Dwyne. Kahit na may sumpong si Hillary, hindi niya pinagagalitan ang anak niya. Mas lalo niya pang nilalambing ang bata para lang maging maayos ang mood nito.

“Where are you going?”

“Magpapadala ng pera sa pamilya ko,” tugon ko. “Saglit lang ako at babalik din agad.”

“Gusto mo bang samahan kita?”

Sandali akong natigilan. “Hindi na, kaya ko naman. Walang magbabantay kay Hillary kapag sinamahan mo ‘ko.”

“Isasama natin si Hillary…”

Umiling-iling ako. “Kaya ko na ang sarili ko, saka mabilis lang naman ako.”

“Are you sure?” muling tanong ni Dwyne. “Sinabi mo na hindi ka pamilyar dito sa Manila, paano kung maligaw ka?”

“May google map naman, pwede rin akong mag-grab para diretso na sa pupuntahan ko.”

Wala nang nagawa si Dwyne kung hindi ang hayaan akong umalis. Hindi na niya ako kailangang samahan pa. Nakakahiya rin na magpasama ako sa sarili kong amo.

Never Let Me Go (Embrace Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon