Chapter 25

16.8K 453 633
                                    

Chapter 25

“Tama ba ‘tong nakikita ko, Fredo?” tanong ni Mama kay Papa. “Nandito si Yehirah? Ang panganay natin?”

Hindi inalis sa akin nina Mama at Papa ang tingin nila. Hindi sila makapaniwala na umuwi na ako. Wala naman akong sinabihan. Nasa school sina Miyah at Lyon kaya hindi ko na sila inabala pa. Biglaan ang pag-uwi ko sa pamilya ko.

Pagkaalis ni Dwyne kanina para pumasok sa trabaho ay umalis na rin ako. Mabuti na lang ay natutulog si Hillary. Kapag nakita niya ako, siguradong hahabol siya sa akin. Mahirap sa akin ang ginawa ko pero nangyari na. Nagawa ko silang iwan.

Tuwang-tuwa si Selena nang makitang umalis ako. Ibinalik niya sa akin ang phone ko, pero inalis niya ang simcard. Mukhang itinapon na niya. Ginawa niya iyon para hindi ko ma-contact si Dwyne. Hindi ko nga rin nasabi kay Eva na umuwi na ako ng Pampanga.

Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ni Dwyne pagkauwi niya na wala ako. Nilambing ko pa siya kaninang umaga. Alam kong masasaktan siya. Umalis ako na walang paalam. Nangako pa naman ako na hindi ko sila iiwan ni Hillary. Naipit lang ako sa sitwasyon.

Hinihiling ko na lang na sana ay isang panaginip ang lahat. Na hindi bumalik si Selena. Kung nanahimik na lang sana siya, masaya pa kami ngayon ni Dwyne. Nasa tabi pa rin ako ni Hillary. Ako ang mas kailangan ng bata. Hindi nga magawang tanggapin ni Hillary si Selena kahit na ano pa ang gawin ng babae.

“Nakauwi na po ako,” pinilit kong ngumiti. “Hindi na po ako aalis sa tabi n'yo.”

Lumapit sa akin si Mama at niyakap ako. Naiiyak pa nga siya kaya napaluha na rin ako. Marahang hinahaplos ni Mama ang likuran ko. Pagkahiwalay niya ay nilapitan ko naman si Papa at niyakap siya.  Siguradong masaya sila na bumalik na ako.

“Anak ko,” bulong ni Papa. “Namiss ka namin…”

“Ako rin po,” tugon ko. “Sobrang namiss ko kayo…”

Pumasok na ako sa loob ng bahay. Natutulog pa si Syerra kaya hindi ko na inabala pa. Kahit na biglaan ang pag-uwi ko, nakabili pa rin ako ng pampasalubong sa kanila sa may terminal ng bus. Mabuti na lang ay may naipon ako. Dito ko na lang ipagpapatuloy ang pagpapa-checkup ko.

“Ma, ako na po ang magluluto,” ani ko kay Mama at ipinagpatuloy ko ang paghihiwa ng sibuyas.

Hinayaan ako ni Mama. Nasa kusina kaming dalawa. Habang si Papa ay nakatambay sa labas. Kinakain na niya ang pasalubong kong tinapay. Mamayang hapon pa uuwi sina Miyah at Lyon galing school. Siguradong magugulat sila sa oras na makita ako.

Napapansin ko na marami na ang bagong gamit. Sinabihan ko rin si Miyah na mamili sila ng mga kailangan sa bahay. Para hindi na sila mahirapan pa. Dati kasi ay sa uling lang kami nagluluto. Ngayon ay sa stove na.

“Hindi ka na ba babalik sa trabaho mo, hija?” biglang tanong ni Mama.

Natigilan ako. “Hindi na po…”

Gustuhin ko man na bumalik, hindi ko magawa. Hindi ko maiwasan na matakot. Lalo na sa posibleng gawin pa sa akin ni Selena. Alam kong sobrang tanga ko para hindi magsumbong kay Dwyne. Siya dapat ang unang nilapitan ko para humingi ng tulong pero mas pinili kong manahimik. 

Sa aming dalawa ni Selena, mas malaki ang kasalanan ko. Hindi ko deserve na ipagtanggol ni Dwyne.

“Bakit, hija?” nagtatakang tanong ni Mama. “Pinaalis ka ba ng amo mo?”

“Hindi po,” I shook my head. “Ako po ang kusang umalis…”

Pinigilan kong umiyak. Bigla akong niyakap ni Mama. “Hindi kita pipilitin na magsabi, pero basta tatandaan mo na nandito lang kami ng Papa mo…”

Never Let Me Go (Embrace Series #2)Where stories live. Discover now