Chapter 13

27.4K 619 1.2K
                                    

Chapter 13

“Aalis ka na agad bukas, anak?” tanong ni Mama. 

Tumango ako. “Opo, Ma, kailangan ko na po bumalik sa Manila. Naghihintay na sa ‘kin ang alaga ko.”

Kasalukuyan kong tinutupi ang mga damit ko. Si Mama ang naglaba kahapon. Ako sana ang gagawa pero inunahan niya ako. Gusto niyang magpahinga ako dahil puro trabaho na lang ang iniisip ko.

Kahit na noon pa man. Noong tumigil ako sa pag-aaral ay naghanap agad ako ng trabaho. Nahirapan nga lang ako dahil sa hindi inaasahang pangyayari. Nakausad naman ako at kinaya ang lahat para sa pamilya ko.

“Hindi ba pwedeng isang linggo ka rito?” malungkot na saad ni Mama. “Alam kong nabitin ang mga kapatid mo na kasama ka…”

“Pasensya na po, Ma,” I sighed. “Hinahanap na po ako ni Hillary. Hindi ko naman po kayang balewalain ang bata. Napamahal na po siya sa ‘kin.”

Alam kong magtatampo sa akin ang mga kapatid ko. Minsan na nga lang ako makabalik, aalis na agad ako. Hindi ko lang talaga kayang balewalain si Hillary. Kahit si Dwyne ay kinukulit na ako na bumalik sa kanilang mag-ama.

Magdamag silang nasa condo. Hindi siguro sila nalabas na mag-ama para gumala man lang. Kung dati ay silang dalawa lang, ngayon ay hindi na nila kaya na wala ako sa tabi nila. Lalong-lalo na si Hillary na napalagay na talaga ang loob sa akin.

“Basta mag-iingat ka palagi, ha?” ani Mama at hinawakan ang kamay ko. “Babalitaan mo palagi kami para mapanatag ang loob namin ng Papa mo.”

“Opo naman,” tugon ko at niyakap siya. “Palagi ko pong babalitaan si Miyah. Kapag nakasahod na po uli ako, padadalhan ko agad kayo.”

“Magtira ka naman para sa sarili mo…”

Ngumiti na lang ako. Alam niya kasi na lahat ng sahod ko ay ibinibigay ko sa kanila. Pero natuto na akong mag-ipon para sa sarili ko. Maliit man na halaga basta may makuhanan ako kapag kinakailangan ko.

Dahil aalis na ako bukas, napagpasyahan kong pumunta kami sa beach. Medyo malapit lang sa lugar namin. Pero kailangan naming sumakay dahil mahihirapan si Papa. Nakakaya niya naman humakbang gamit ang tungkod pera ayaw namin siyang mahirapan.

“Yera!” tawag ni Mama mula sa baba.

“Bakit po?”

“Nasa labas si Zed, samahan mo muna ang kaibigan mo…”

Pinuyod ko ang buhok ko at inayos ang sarili. Naka-black sando ako at maong shorts. May suot akong see through shirt. Ito na lang ang panliligo ko. Hindi talaga ako sanay na magsuot ng swimsuit.

Isang beses lang ako nakapagsuot ng swimsuit. Noong nasa beach kami ng boyfriend ko. May nangyari sa amin na kailanman ay hinding-hindi ko malilimutan. Sobrang saya ko dahil kasama ko ang lalaking mahal ko noong panahong iyon.

“May lakad kayo?” bungad ni Zed pagkalapit ko sa kanya.

I nodded. “Pupunta kami sa beach. Aalis na kasi ako bukas, gusto kong maglibang ang pamilya ko.”

“Talaga?” aniya. “Pwede ba ‘kong sumama sa inyo?”

Narinig kong tumikhim si Papa. “Sige lang, hijo, magkakasya naman siguro kami sa kotse mo…”

Nasa labas si Papa. Palagi siyang tumatambay sa lilim ng puno para kahit papaano ay malibang siya. Mabuti nga ay nasanay na siya na walang ginagawa. Dati kasi ay palagi siyang umaalis para magtrabaho. Ngayon ay tambay na lang siya.

“Okay lang daw kay Papa,” usal ko. “Balak ko rin kasi na umarkila ng tricycle. Hindi naman kami kakasya sa iisa lang. Kaya sa sasakyan mo na lang kami sasakay.”

Never Let Me Go (Embrace Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon