Chapter 18

17.3K 365 727
                                    

Chapter 18

“Yehirah, anak! Pumunta ka muna rito saglit!”

Napatigil ako sa pagtitiklop ng damit nang marinig ang boses ni Mama. Sabado ngayon at walang pasok. First year college na ako at BS Customs Administration ang kurso na kinuha ko. Hindi pa naman ako gaanong nahihirapan dahil kakaunti pa ang major subjects namin.

Wala sana akong balak na pumasok sa kolehiyo pero pinilit ako ni Mama. Pipilitin daw nila na magtapos ako ng pag-aaral. Gusto kong tumulong na lang sa kanila ni Papa. Hindi naman kami mayaman. Kadalasan nga ay hindi pa kami nakakakain ng tatlong beses sa isang araw.

May dalawa akong mga kapatid na pumapasok na rin. Kapag wala akong pasok ay ako ang naghahatid at sundo sa kanila sa school. Sanggol pa lang sila ay ako na ang nag-alaga sa kanila. Kinakailangan kasi agad ni Mama na magtrabaho. Isa siyang labandera habang si Papa ay kung anu-anong trabaho na ang pinasok.

Magaling siyang mag-ayos ng makina ng sasakyan. Minsan ay nagiging tubero siya. Kaya rin niyang mag-ayos ng kuryente. Ganoon karami ang talento ni Papa. Kung nakapagtapos lang siya ng pag-aaral, baka matagal na siyang nakapag-abroad. 

“Yera!” muling tawag ni Mama.

“Sandali lang po!”

Nagmadali akong pumunta kay Mama. Hanggang second floor ang bahay namin na gawa sa kawayan. Kapag umuulan ay naghahanda na agad kami ng mga timba dahil tumutulo ang tubig mula sa bubong. Wala naman kaming pera para bumili ng yero na pampalit.

“Pwede ba kitang maabala?” Salubong ni Mama nang makalapit ako sa kanya.

“Bakit po? Nagtitiklop lang po ako ng mga damit.”

“Naiwan ng Papa mo ang pagkain niya. Nasa kabilang kanto lang siya, malapit sa plaza. May inaayos siyang tubo ng tubig sa isang bahay.”

Tumango-tango ako. “Dadalhin ko po kay Papa ang pagkain niya.”

“Sigurado ka? May pamasahe ka ba?”

“Lalakarin ko na lang po, malapit lang naman…”

Kinuha ko kay Mama ang paper bag kung nasaan ang binalutan na pagkain ni Papa. Mas makatitipid kami kapag magdadala na lang ng makakain. Kaysa ang bumili pa sa karinderya. 

Kilala ko si Papa, kapag hindi ko dinala itong pagkain, hindi siya kakain. Titiisin na lang niya ang gutom niya para lang huwag gumastos. Malapit nang mang-tanghali at siguradong nagugutom na siya.

White T-shirt at maong shorts lang ang sinout ko. Nagdala na rin ako ng payong. Nasa kabilang kanto lang si Papa, malayo-layo ang lugar na iyon. Mas pipiliin ko na lang na maglakad kaysa ang gumastos para sa pamasahe.

Nasa tabing kalsada lang ako dahil panay ang daan ng mga sasakyan. May hawak-hawak din akong pulang payong dahil sobrang init. Maputi pa naman ako, at kapag mainit ay namumula ang balat ko. Lalong-lalo na ang mga pisngi ko.

Nang makarating ako kung nasaan si Papa ay ibinigay ko agad ang pagkain niya. Nagulat pa siya nang makita ako. Hindi pa siya tapos sa ginagawa niya kaya baka hapon pa siya makauwi.

“May gagawin ka pa ba, hija?” tanong ni Papa at marahang hinaplos ang buhok ko.

“Wala naman po, bakit?”

“Bumili ka ng ice cream,” aniya at ibinigay sa akin ang one hundred pesos. “Tumambay ka muna sa Plaza, para naman malibang ka.”

Umiling-iling ako. “Hindi na po, Pa, hindi ako mahilig sa ice cream.”

“Anak naman,” nagtatampo niyang sabi. “Bihira ka lang makakain ng ice cream, kaya pagbigyan mo na ang sarili mo.”

Sapilitang inilagay ni Papa ang salapi sa kamay ko. Alam kong wala na akong magagawa pa. Nagpaalam na ako at nagtungo sa malapit na plaza. Marami ang puno doon at may mauupuan pa. 

Never Let Me Go (Embrace Series #2)Where stories live. Discover now