Chapter 34

18.1K 381 1.1K
                                    

Happy 300K reads, Yera & Dwyne! Maraming salamat po sa suporta. 🤍

Chapter 34

TW: gun, death, and mention of drugs

“Yera,” boses ni Eva. “Okay ka lang ba?”

Nilingon ko siya. “Hindi pa rin ako mapaniwala…”

“Saan?”

Niyakap ko ang isang unan. Umupo sa tabi ko si Eva. Malapit na ang birthday ko. Sobrang bilis ng araw. Sariwa pa rin sa akin ang lahat ng nangyari. Lalo na sa nalaman ko.

“Na wala na siya…” I mumbled.

Niyakap ako ni Eva. Araw-araw na lang siyang nandito. Kulang na lang ay dalhin niya ang mga gamit niya at dito tumira. Mabuti na lang ay hindi nagseselos sa akin si Zed. Palaging nasa akin ang atensyon ni Eva.

“Hindi ko man lang siya nakausap,” pagpapatuloy ko. “O napasalamatan sa nagawa niyang tulong sa ‘kin…”

Marahang hinaplos ni Eva ang likuran ko. “Okay lang ‘yan, siguradong masaya siya dahil natulungan ka niya…”

Narinig namin na bumukas ang pinto. Natanaw ko si Dwyne. Lumayo agad sa akin si Eva. Akala ko ay umalis na ang lalaki at pumasok sa trabaho. Hindi ko alam na babalik siya.

“Sabi na,” aniya at umiling-iling. “Magiging ganito ka na naman…”

Lumapit siya sa akin at niyakap ako. “Paano ako aalis kung malungkot ang misis ko?”

“Tama,” ani Eva. “Kung hindi ka pa dumating, baka umiyak na ang pinsan ko…”

Nilingon ko si Eva at pinandilatan. Nag-aalala na tuloy sa akin si Dwyne. Alam kong nalungkot din siya sa nangyari noong araw na iyon. Hinding-hindi ko pa rin malilimutan ang ibinalita niya sa akin.

Akala ko ay mawawala na sa akin si Dwyne. Na iiwan niya na kaming mag-iina. Lalo na sa sunod-sunod na putok ng baril na narinig ko. Noong araw na rin iyon ay umuwi si Dwyne.

Puno ng dugo ang polo niya. Ipinaliwanag niya sa akin ang nangyari. Sa sobrang galit niya raw kay Mr. Demetrio, sinalubong niya ito ng suntok. Maraming beses niyang ginawa iyon. Hindi kinaya ni Mr. Demetrio at gumanti rin siya sa anak.

Hanggang sa naglabas na ng baril si Mr. Demetrio. Itinutok niya iyon kay Dwyne. Pero ang hindi inaasahan, ang pagdating ni Felix. Inagaw niya ang baril mula sa ama. Walang pagdadalawang-isip na binaril niya si Mr. Demetrio. Maraming beses na ginawa niya iyon sa sariling ama.

Pero ang mas lalong hindi inaasahan na may nakatagong baril pa si Mr. Demetrio, pinaulanan niya rin ng bala ang sariling anak. Wala sa kanilang dalawa ang nakaligtas. Habang si Dwyne ay hindi alam ang gagawin.

Nasaksihan niya ang lahat. Isang linggo rin siyang tulala. Hindi siya makapaniwala sa nangyari. Kinausap din siya ng mga pulis tungkol sa nangyari. Malaki rin ang utang na loob niya kay Felix. Hindi man sila close na magkapatid, nagawa siyang ipagtanggol nito.

“Ikaw?” tanong ko kay Dwyne. “Okay ka na ba?”

Humigpit ang yakap niya sa akin. Iniwan namin sa sala si Eva na nakikipaglaro kay Hillary. Palaging ang anak ko ang habol niya. Nag-aaral na siya kung paano mag-alaga ng bata.

Alam kong magiging mabuting ina si Eva sa anak nila ni Zed. Nasaksihan ko iyon noong sanggol pa si Hillary. Malapit na talaga ang loob niya sa anak ko. Lalo na ngayon.

“Hindi ko alam,” he mumbled. “Naiisip ko pa rin ang nangyari. Sana’y may nagawa man lang ako para sa kapatid ko…”

“Baka mawala ka rin sa aming mag-iina kung nakialam ka sa kanila…” I buried my face in his chest. “Takot na takot ako, Dwyne. Akala ko, hindi ka na babalik pa…”

Never Let Me Go (Embrace Series #2)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora