Epilogue (part one)

15.8K 277 1.3K
                                    

Epilogue (part one)

“Renzel, apo ko!” hiyaw ni Lola Juana mula sa labas ng bahay. “Halika rito! May pasalubong ako sa ‘yo!”

Nagmadali akong sinalubong siya. May hawak-hawak si Lola na isang supot. Kinuha ko iyon sa kanya at sinilip ang loob. Nakita ko ang iba't ibang klase ng tinapay. Pumasok na kami sa loob ng bahay at sinimulang kainin iyon. Ipinagtimpla niya pa ako ng gatas sa baso.

Kami na lang dalawa ang magkasama. Sanggol pa lang ako ay iniwan na ako ng sarili kong mga magulang kay Lola. Siya lang ang nag-iisang nag-aalaga sa akin. Wala na si Lolo na namatay dahil sa diabetes.

Ni pangalan ng sarili kong mga magulang ay hindi ko alam. Hindi rin binabanggit sa akin ni Lola. Masaya ako na kaming dalawa lang ang magkasama. Aaminin kong hindi ko maiwasan na mainggit sa ibang bata. Dahil buo silang pamilya.

Habang ako, pinabayaan na ng sarili kong ama’t ina.

“Lola,” tawag ko sa kanya. “Napapagod ka na po ba sa ‘kin?”

Marahan niyang hinaplos ang buhok ko. “Ba't naman ako mapapagod sa apo ko?”

“Kasi po, pabigat na po ako sa ‘yo,” sabi ko at kinagat ang pang-ibabang labi ko. “Dapat po ay nagpapahinga ka na lang dito sa bahay…”

Kahit na matanda na siya, nagagawa niya pa rin na maglako ng gawa niyang kakanin. Hindi naman niya ako pasamahin sa paglalako. Mas gusto niya na nasa bahay lang ako. Para hindi na ako mahirapan pa.

“Hindi ka pabigat sa ‘kin, apo ko,” nakangiting sabi ni Lola. “Ikaw ang lakas ko, kaya nga nagsusumikap ako para mapag-aral kita…”

Niyakap ko si Lola. “Pangako po, magtatapos po ako ng pag-aaral. Ako na po ang bahala sa ‘yo paglaki ko…”

“Malaki ang tiwala ko sa ‘yo, Renzel,” bulong niya. “Pero hindi ka pa tuli, kaya paano magiging binata ang apo ko?”

Napasinghap ako. Bukas ay may libreng tulian sa lugar namin. Aaminin kong kinakabahan ako. Hindi ko pa kayang mag-isa. Kaya nangako si Lola na sasamahan niya ako.

Kinabukasan ay pumunta kami sa court namin. Pang-apat ako sa tutulian. Ang mga nauna sa akin ay umiyak nang dahil sa ginawa sa kanila. Habang hindi naman ako mapakali.

“Kinakabahan ka ba, apo?” tanong bigla ni Lola.

“H-hindi po, ah!” Umiling-iling pa ako.

Humalakhak siya. “Big boy ka na, Renzel, kaya dapat strong ka…”

“Palagi po akong strong, Lola...”

Marahan niyang hinaplos ang buhok ko. “Kapag binata ka na talaga, huwag kang papasok sa isang relasyon kung hindi mo talaga mahal ang babae...”

“Bakit po?”

“Hindi magandang maglaro ng feelings ng iba,” pangaral niya sa akin. “Ang liligawan mo lang ay ang babaeng gusto mo rin pakasalan...”

“Tatandaan ko po 'yan,” nakangiti kong sabi. “Kapag po nagka-girlfriend ako, siya na rin po ang babaeng pakakasalan ko...”

Nang ako na ang tinulian ay hindi ako umiyak. Pero paika-ika akong lumakad. Tuwang-tuwa si Lola dahil kinaya ko ang sakit. Isang linggo akong hindi nakalabas ng bahay para magpagaling. 

Bakasyon namin ngayon kaya walang pasok. Sa pampublikong eskwelahan ako pumapasok. Marami ang nagsasabi na magaling akong gumuhit. Minsan ay iyon ang ginagawa ko kapag hindi ko kasama si Lola.

“Lola,” tawag ko sa kanya. “May balita ka na po ba sa kanila?”

Gumuhit ang lungkot sa mukha niya. Alam ko na agad ang isasagot ni Lola. Pinuno naman niya ako ng pagmamahal, pero hinahanap ko pa rin sila. Nasasaktan pa rin ako dahil nagawa akong iwanan ng mga taong dapat kasama ko ngayon.

Never Let Me Go (Embrace Series #2)Where stories live. Discover now