Chapter 41

32 3 0
                                    

THIRD PERSON

"Lucius!"

Narinig ni Lucius ang boses ng isa niyang kambal ngunit hindi niya ito nilingon agad. Bagkus ay napunta sa tagiliran niya ang kaniyang mga tingin.

Dahil na rin sa kulay ng uniporme nilang mga opaque army ay sa una ay hindi ganoong mahahalata ang tila naging basa at may kung anong ibang kulay na likido na nasa kaniyang may tagiliran. Nang hawakan ni Lucius ang kaniyang tagiliran, dito na unti-unting rumehistro sa kaniya ang sakit at hapdi sa parteng iyon. Tiningnan niya ang kaniyang palad at nakita niya na mayroon na itong dugo.

Pabulong na napamura si Lucius.

Nabigla na lamang siya nang may espada ang kamuntikan na siyang maabot ngunit isang katana naman ang sumalag dito. Tumilapon ang espada. Espada iyon ni Jerson.

Nang lingunin niya kung sino ang sumalag sa espadang iyon, nakita niya ang isa sa kaniyang mga kakambal. Si Lucian. Nakatayo sa kaniyang harapan ito habang nakaharap kay Jerson. Handang protektahan siya nito.

Tinangka agad ni Lucius na makatayo ngunit napadaing siya nang maramdaman ang sakit sa kaniyang tagiliran.

"Lucius, ayos ka lang?"

Napalingon siya sa bagong dating. Si Lucas. Nag-aalala itong lumuhod sa kaniyang tabi at agad na hinanap kung saan siya nasaksak.

Nang makita ni Lucas ang nagdurugong tagiliran ni Lucius, agad siyang nagpalinga-linga para makahanap ng medication army. Sumigaw siya para humingi agad ng tulong.

Lumingon si Lucian sa kanila. Bahagyang nanlaki ang mata ni Lucian nang makita ang sugat. Ngunit hindi siya nagsalita. Muli niyang hinarap si Jerson na nakangisi na ngayon. At walang ano-ano'y agad na sumugod si Lucian patungo kay Jerson.

Muling nag-summon si Jerson nang panibagong patalim upang tapatan ang bagong kalaban.

Nagpalitan sila ng atake.

Napasinghap si Lucius nang maramdaman niya na parang may kakaiba sa sugat niya. Mas unti-unti pa itong sumasakit. Tila napapaso rin ito.

"L-Lucius... Bakit? Anong nangyayari?" Nag-aalalang tanong sa kaniya ni Lucas.

Umiling si Lucius. "W-Wala. Sugat lang ito. K-Kailangan kong pabagsakin sila."

Itinukod niya ang kaniyang katana para tumayo sana. Ngunit napadaing lang siya ulit sa sakit.

"Wag ka munang masyadong magalaw," ani Lucas. "Patingin ako ng sugat mo."

"Ayoko nga," agad na tanggi ni Lucius.

"Tss. Wag nang matigas ang ulo."

Hindi na nagpapigil si Lucas na makita ang sugat ni Lucius kahit ilang beses siya niyang pinigilan. May gusto siyang ikompirma. Pinunit niya ang tagilirang bahagi ng uniporme ni Lucius. Hindi man ganoong kalaki ang pagkakapunit niya ay sakto lang na makita niya ng klaro ang sugat ng kapatid.

Tila binuhusan ng malamig na tubig si Lucas nang makita nga niyang may unti-unting kulay itim ang gumagapang sa balat nito mula sa sugat. Napakagat siya sa ibaba niyang labi para kontrolin ang sarili ngunit nanlabo agad ang kaniyang mga paningin dahil sa luha.

Agad niyang kinusot ang mga mata niya at lumingon sa paligid. May ilang medication army ang gustong makalapit sa kanila ngunit nahaharangan sila ng ibang kalaban.

Agad na tumayo si Lucas.

"Tumabi kayo!" Sigaw niya at itinaas ang dalawang palad.

Kasabay nito ang pagsulpot ng malalaking ugat mula sa damuhan at hinampas ang ilang air force na malapit sa kanila at ang mga magtatangkang humarang sa ilang medication army na lalapit sa kanila.

Nagpatuloy siya sa pagkumpas para kontrolin ang mga ugat para na rin maprotektahan ang sarili at ang kapatid.

Ngunit marami pa rin ang papalapit na kalaban. Parang sinasadya na humarang para walang makatulong.

"Pakiusap. Kailangan ng tulong ng kapatid ko," mahinang turan ni Lucas habang patuloy na pakikipaglaban.

Sunod-sunod pa ang mga papalapit na kalaban. Muli nang kinuha ni Lucas ang katana niya para labanan at maprotektahan ang kapatid. Hindi na rin mapigilan ni Lucas na maluha habang kung ano-ano na ang nasa isip dahil sa nakitang gumagapang na gawa ng itim na mahika sa kapatid.

Habang si Lucius, unti-unti na ring ginagapang ng takot sa sarili nang makita ang nangyayari sa kaniya. Umiling pa siya sa sarili na tila hindi niya tinatanggap ang nakita niya sa sariling sugat.

Pinagmasdan niya ang mga kapatid niya na nakikipaglaban na ngayon. Mula kay Lucas na naluluha na. At kay Lucian na patuloy na nakikipaglaban kay Jerson.

Mayamaya lang ay nakita niya si Narako na nakatayo sa di kalayuan kina Lucian at Jerson.

Pinilit ni Lucius na tumayo kahit sobrang sakit ng tagiliran niya. Nang muli niyang tiningnan si Narako, nanlaki ang mga mata niya. Bigla itong tumakbo patungo sa kakambal na si Lucian na nakatalikod kay Narako.

"Lucian," naibulong na lang ni Lucius.

***

Patuloy rin na naglalaban ang heneral at si Narako. Kahit na napapagod na, hinding hindi magpapatalo ang heneral.

Sinangga niya ang mga suntok ng kalaban. Nang umatras siya ay sabay pa silang gumamit ng kanilang kapangyarihan para umatake sa isa't isa.

Hanggang sa isang beses ay napaatras siya para bumawi ng kaunti. Napalingon siya sa naririnig niyang sigaw na malapit sa kaniya. Nakita niya na hindi na si Lucius ang kalaban ni Jerson. Si Lucian na.

At nakita niya pa ang dalawa sa triplets na mga commander. Ang isa ay nakaupo sa damuhan at tila may iniindang masakit sa may tagiliran habang ang isa ay patuloy na lumalaban.

Ibabalik na sana niya ang kaniyang atensiyon muli sa kalabang si Narako nang maunahan siya nito. Isang sipa ang sumalubong sa kaniya. Halos mahagis siya palayo dahil dito. At sinundan pa iyon agad ni Narako nang magnipula agad ng holographic na cannon at nagpalabas ng isang tira mula rito patungo pa sa kaniya.

Nagawa ng heneral na hindi matumba ng tuluyan at makaatras pa para mailagan ang pinakawalang tira ni Narako. Saktong-sakto lang iyon dahil halos sa may paa niya tumama. Naglikha ito ng malakas na pwersa para mas tumilapon pa palayo. Dahil dito ay tuluyan na siyang nawalan ng kontrol at halos magpagulong-gulong na sa lupa.

Napangisi si Narako at marahang napatawa sa nagawa niya. Hahakbang na sana siya para sundan at makalapit sa heneral nang makuha ang atensiyon niya sa naglalaban na malapit sa kaniya.

Si Jerson na anak niya at ang isang commander. Si Lucian.

Dahil sa gitna ng kanilang laban ng dalawa ay lumundag sa ere si Lucian at isang malakas na sipa ang pinakawalan nito kay Jerson. Natamaan si Jerson sa may dibdib kaya napaatras ito ng ilang hakbang palayo at natumba.

Nakita iyon ni Narako. Napaisip siya saglit kung sino ang uunahin niya. Ngunit ang commander ng royal army ang mas malapit sa kaniya ngayon at nakatalikod pa ito sa gawi niya. Mas madali ito kumpara sa heneral.

Muli niyang kinuha mula sa bulsa ng kaniyang suot ang isang maliit na tubo at agad na may lumabas na parang laser type na blade dito. Agad siyang humakbang patungo sa nakatalikod na kalaban at ini-amba ang kaniyang kakaibang sandata patungo rito.

Nang tuluyan na siyang nakakalapit ay inilagay niya ang lakas niya sa kaniyang kamay na may hawak na sandata. Ngunit nagulat siya nang biglang may sumulpot sa harapan niya.

"Argh."

Nagkatitigan sila ng lalaki na biglang sumulpot. Si Lucius. Halos mandilat ang mga mata nito na nakatitig sa kaniya dahil sa bigla.

Nang tingnan ni Narako ang hawak niyang sandata niya ay dito sa tiyan ng lalaking ito nakabaon ang holographic blade.

Napangisi siya habang pabalik sa mga mata ng kaharap ang kaniyang tingin. Ang ngisi ni Narako ay unti-unting naging mahinang tawa.

*****

Elemental ArmyWhere stories live. Discover now