Chapter 13

117K 2.2K 47
                                    

                                                                           ******

Maya't mayang umiinom sa bote ng mineral water si Warren habang nagmamaneho papuntang opisina. Kasalukuyan siyang dumaranas ng matinding hangover. Mag-isa siyang uminom sa bahay nang iniwan siya ni Lena matapos ang kanilang naging madamdaming pag-uusap. Nilunod niya ang sarili sa alak. Nais niyang makalimutan ang mga bagay na nagpapalito sa kanya. Batid niyang hinila niya ang babae papalabas ng club dahil sa pagmamalasakit niya dito. Subalit alam niya rin kung bakit nauwi sa hindi maganda ang lahat, at ito ay dahil sa kinikimkim niyang galit at mga hinanakit dito. Naguguluhan siya sa sarili. Naghahalo ang galit at pag-aalala sa dibdib niya para sa babae.

Hindi rin madali para sa kanya ang sinasabi nitong kalimutan ang kanilang nakaraan. Ito ang una at kaisa-isang babaeng minahal niya. Ang poot at pagmamahal niya dito ang nagpaikot sa buhay niya sa loob ng mahabang panahon. Subalit may punto ang babae. Wala ng dahilan para muli silang magpaapekto sa isa't isa. Matagal nang nakalaya ang sarili niya sa pagmamahal na ito. Naihinga niya na ang kinikimkim na sama ng loob. Labis-labis na ang kinahinatnan ng naging galit niya dito. Siguro ay nararapat na maging sibil na lang sila sa isa't isa upang hindi na maging kumplikado pa ang kanilang sitwasyon.

Pero papaano niya magagawang tratuhin ito ng kaswal matapos ang isang gabing may nangyari sa kanila at malaman ang katotohanang napakahirap paniwalaan? Na siya ang lalaking nakauna sa dalaga.

Tumigil siya sa malalim na pag-iisip nang marating niya ang harapan ng gusali ng Luxuria. Bago bumaba ng sasakyan, nagsuot muna siya ng sunglasses upang maikubli ang pagod na mukha at maiwasan ang mas nakakadagdag sa sakit sa ulong sikat ng araw. Inayos niya ang suot na necktie at saka naglakad papasok sa sariling gusali.

"Good morning sir." bati sa kanya ng mga guwardiya.

"Good morning."

Palihim niyang inikot ang mga mata sa kabuuan ng lobby baka sakaling makita ang taong umuukupa ng kanyang isipan. Hindi siya nabigo. Nakita niyang seryoso at tahimik itong nag-aayos ng isang dekorasyong halaman na nakapatong sa isang marmol na bilog na mesa sa gitna ng malawak na lobby. Sinadya niyang dumaan sa harap nito habang naglalakad patungong elevator.

"Good morning sir." kusang bati sa kanya ni Lena ng may normal na reaksiyon ang mukha.

"Good morning."

Huminto siya at nagtanggal ng suot na salamin upang makita ng maayos ang hitsura ng babae. Gusto niyang kumustahin kung may bakas pa rin ba ng pagkabahala sa mukha nito. Subalit bago pa man  makita ito ng mabuti sa malapitan ay agad na tumalikod ang dalaga. Nagkunwari itong tapos na sa ginagawa.

You Gave Me A ReasonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon