Kabanata 05

35.3K 1.8K 168
                                    

"GOBERNADOR-Heneral Lucas..." sambit ni Choleng sa kawalan habang pinipilit gunitain ng kanyang isip kung ano ang sumunod sa unang pangalan ng lalaking nagpakilalang Gobernador-Heneral. "Ano nga uli pangalan ng lalaking 'yon?"

Oo nga. Bakit ba ang haba ng pangalan ng lalaking iyon? Lucas lamang kasi ang tangi niyang na-gets sa sinabi nito at ang iba ay tila kakailanganin pa yata niya nang madibdibang pagkakabisa. Kanina pa nakalabas sa silid na iyon ang lalaking nagpakilalang Lucas. Ngunit hanggang sa mga sandaling iyon ay palaisipan pa rin kay Choleng ang lahat. Kanina pa siya nalilito sa mga nagaganap.

Una, ang nakamamanghang hitsura ng Calle Ezpleta maging ang Spanish inspired ng mga bahay at ng iba pang mga istruktura na ni minsan hindi pa niya nakita sa ibang pook sa Maynila. Ikalawa, mukhang piyesta marahil sa pook na iyon kaya nakabihis nineteenth century clothing ang mga tao. Ikatlo, malalalim silang magsalita ng Tagalog na tipong hindi uso sa mga tao ang mga salitang balbal o impormal na pananalita. Ika-apat, si President Rodrigo Roa Duterte na ang pangulo nila kaya paanong nagkaroon ng isang Gobernador-Heneral ang Pilipinas? Ika-lima, bakit taong 1855 lamang ang binabasa ng kanyang phone?

"Ay ewan!" Tahimik na lamang tinapos ni Choleng ang kanyang agahan.

Pagkatapos kasing umalis ni Lucas sa silid na iyon ay ang pagdating naman ng nakatokang tagapagsilbi. Isang babae na sa tantiya niya ay nasa kuwarenta na ang edad. Dinalahan siya ng babae ng masarap na pagkain na malayong-malayo sa kinakain niya kapag siya ay nag-aagahan. May malasang kanin, karne ng manok, at mga masasarap na pampalasa na lalong nagpasarap sa kanyang kinakain. Doon na siya sa higaan kumain dahil iniinda pa rin niya ang hapdi sa kanyang paa. Hindi rin naman nagtagal ay umalis din ang babaeng tagapagsilbi na baro't saya lamang ang suot.

Sa huli ay naubos naman ni Choleng ang kanyang agahan maging ang masarap na sariwang gatas ng kalabaw. "Ang sarap! Grabe, nakabubusog naman ang pagkain nila. Puwede pa kaya akong mag-request ng round two?"

Isang marahang katok naman ang sunod na narinig ni Choleng mula sa labas ng pinto ng silid bago iyon tuluyang bumukas. Isa uling bagong tagapagsilbi ang pumasok sa loob. Mas bata ang hitsura ng bagong dating kaysa sa unang tagapagsilbi na nagdala sa kanya ng pagkain kanina. Kahit na payak lamang ang suot na baro't saya, hindi maitatangging napakaganda ng babae.

She looks so damn beautiful and gorgeous! Matangkad, morena, matangos ang ilong, makinis ang mukha, expressive eyes, at walang ka-pores-pores, mga mare! Ano kaya ang ginagamit nitong beauty secret? Saka may future rin ang tagapagsilbi na maging modelo sa sobrang ganda nito. Napuna rin niya ang dala-dala nitong malaking lagayan na hugis parihaba na yari sa nilalang dahon ng pandan. Kung hindi siya nagkakamali, tampipi ang tawag sa lagayan na iyon.

"Magandang umaga, Binibini. Naririto na po ang iyong kasuotan." Wika sa kanya ng babae na may halong paggalang bago nito inilapag sa kama ang tampipi kung saan nasa loob niyon ang tinutukoy na kanyang kasuotan.

"Salamat. Pero hindi mo na ako kailangang i-po kasi hindi naman siguro nagkakalayo ang edad natin. Choleng na lang ang itawag mo sa akin. Ikaw? Ano naman pangalan mo?" Magiliw niyang tanong sa babae saka hinila ang tampipi palapit sa kanya.

"Ako po si Clarita." Magalang na pakilala ng tagapagsilbi.

"Ano'ng gamit mong beauty secret?" Interview niya kay Clarita.

"Po?" Tanong sa kanya ni Clarita na tila ba hindi nito naintindihan ang kanyang sinabi.

"Ano...beauty secret...ahm...I mean, ano'ng sikreto mo para maging maganda? You know? Ang ganda mo kaya."

"Hindi natatalos ng aking isip kung ano ang byuti sikret na iyong tinutukoy. Subalit nagpapasalamat po ako sa iyong papuri para sa akin, Binibini. Hindi ko batid na ganoon pala ako sa pananaw ng ibang tao." Isang kiming ngiti ang sumilay sa magandang mukha ni Clarita.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon