Kabanata 46

14K 759 320
                                    

"ARAY! Dahan-dahan naman Clarita..." Naiiyak na reklamo ni Choleng habang ginagamot ni Clarita ang tinamo niyang galos sa braso nang sumadsad siya sa lupa.

Naitukod kasi niya ang kanyang braso nang itulak siya ni Lolita kaya iyon ang sumadsad sa lupa para na rin maprotektahan niya ang kanyang mukha sa pagsubsob.

"Dapat hinayaan mo na lamang si Lolita. Hindi ka sana magkakaroon ng galos ngayon." Sermon nito sa kanya habang maingat na dinadampian nito ng bulak na may alkohol ang kanyang tinamong galos.

"Muntik na niya akong kalbuhin baks. Tingin mo hindi ko siya papatulan?" Naiinis na tugon niya kay Clarita habang nangingiwi sa hapdi.

Mayamaya ay napabuntong-hininga siya. Nakokonsensya kasi siya sa tuwing naaalala niya ang nangyari kay Lolita. Halos hindi niya alam ang gagawin kanina nang makita niyang dumudugo ang kanang sentido ng bruhang iyon. Kinakabahan din siya na baka napasama ang tama ni Lolita...ayaw niyang mag-isip ng kung o ng kung ano pero sana nasa mabuti nang kalagayan si Lolita. Kahit na bitter siya sa isang 'yon, malaki ang pasasalamat niya kay Lolita dahil niligtas siya nito kanina.

"Saka kinakabahan ako sa banta ng mga kaibigan ni Lolita. Alam kong sa mga oras na 'to nakarating na sa mga magulang niya ang nangyari."

"Gaya nga ng iyong nabanggit kanina, wala kang kasalanan. Siya ang nagsimula ng gulo kung bakit nangyari ang insidenteng iyon kaya huwag mong sisihin ang iyong sarili—"

Nabulabog ang pag-uusap nina Choleng at Clarita nang makarinig sila ng sunod-sunod na katok mula sa labas ng kanilang silid.

Nagkatitigan pa muna silang dalawa bago inilapag ni Clarita ang bulak na gamit nito sa paglilinis ng kanyang galos at tumayo.

"Ako na ang magbubukas."

Pinuntahan nga ni Clarita ang kinaroroonan ng pinto at binuksan iyon. Ang mga kaibigan agad ni Lolita ang bumunga kay Clarita nang pagbuksan ng pinto.

"Binibining Fonseca, Binibining Enriquetta. Ano ang ginagawa ninyo rito?—"

"Tabi!" Malakas na tinabig ni Fonseca si Clarita kaya hindi agad nito napigilan ang pagpasok ng dalawa sa loob ng kanilang silid.

Katatayo pa lang ni Choleng mula sa gilid ng kama na kanyang kinauupuan nang harangin siya ng dalawang alipores ni Lolita. Kasabay niyon ay hinawakan siya nina Fonseca at Enriquetta sa magkabila niyang braso.

"Bitiwan niyo nga ako! Trespassing itong ginagawa niyo!" Nagkukumawalang sabi niya sa dalawa habang napapasinghap siya sa hapdi dahil nakahawak ang mga bruha sa mismong mga galos niya.

"Bitiwan niyo si Choleng!"

Sinubukan pa ni Clarita na tulungan si Choleng na makawala sa dalawa kaso tinulak lang ito ni Fonseca.

"Sasama ang kaibigan mong indio sa amin!" Si Enriquetta ang nagsalita.

"Saan niyo 'ko dadalhin?" Kinakabahang tanong ni Choleng sa dalawa.

Binalingan siya ni Fonseca at binigyan siya nito ng makahulugang tingin.

"Ibig kang makausap ni Donya Chiquita."

Pagkasabi nito ay sabay siyang kinaladkad ng dalawa palabas ng kanilang silid. Sinubukan pang umawat ni Clarita para pigilan ang ginagawa nina Fonseca at Enriquetta pero hindi nagawa ng kaibigan ni Choleng ang pigilan ang mga ito.

Naglabasan tuloy ang lahat ng mga boarders sa kani-kanilang silid dahil sa ingay ni Choleng na nakikiusap na bitiwan siya ng dalawa. Nagsimula na ang bulung-bulungan sa paligid. Pero hindi pinakinggan ng mga alipores ni Lolita ang kanyang pakiusap. Kinaladkad pa rin siya ng dalawa pababa ng hagdan na kulang na lang ay matapilok siya hanggang sa makalabas sila ng paupahan.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon