Kabanata 64

12.7K 613 1K
                                    

MALALIM na ang gabi nang pababain sina Choleng ng kapitan ng barkong Basquiñas sa isang hindi pamilyar na baybayin. Hindi na rin nagawang matanong nina Choleng kung anong pook ang kanilang hinintuan dahil pinakikiusapan na sila ng kapitan upang lisanin na nila agad ang barko dahil may ibang pook pa raw na patutunguhan ang Basquiñas para raw magsakay ng mga bagong pasahero. Pero halata naman sa mukha kanina ng kapitan na wala na talagang ibang pupuntahan ang barkong Basquiñas. Sinabi lamang iyon marahil ng kapitan para palayasin na sila dahil sobrang na-terrorize sa kanilang pangkat ang mga tripulanteng naroroon sa loob ng barko.

Matagal din ang kanilang biniyahe mula Manila Bay patungo sa Tayabas Bay. Gutom na rin sila at hindi pa nalalamnan ang kanilang mga sikmura ng pagkain. Hindi pa nalalapatan ng paunang-lunas ang mga tinamong sugat ng iba sa mga kasama ni Choleng lalo na sina Lucas at Rafael. Pagkatapos ay iniwanan lang sila ng barko sa isang baybayin na hindi nila alam ang pangalan ng pook at tanging huni lang ng mga kuliglig ang maririnig sa buong paligid.

"Sumunod kayo sa akin. Maghahanap tayo ng bukas pang tahanan na maaari nating mapagtanungan kung saan ang pinakamalapit nilang pagamutan dito." Sabi sa kanila ni Joaquin na pinangunahan ang paglalakad kasama si Clarita.

Mabuti na lang at full moon. Kaya nang bagtasin nila ang daan na may mga matatayog na puno at mga halaman ay tumatagos ang liwanag ng buwan sa mga siwang ng mga dahon sa itaas. Tanging tunog lamang ng mga tuyong dahon na kanilang natatapakan ang maririnig bukod sa ingay ng mga kuliglig. Nagsimula na ring magpalinga-linga si Choleng sa paligid habang hawak-hawak ni Lucas ang kanyang kamay.

"Mukhang malayo pa yata ang mga kabahayan sa lugar na ito." Puna ni Choleng habang sila ay tahimik na naglalakad. Pagkatapos ay nilingon niya si Lucas sa kanyang tabi. "Ang init-init ng kamay mo Lucas. Sigurado ka bang maayos pa rin ba ang pakiramdam mo?" Muli na namang nanumbalik ang pag-aalala sa dibdib ni Choleng.

"Maayos pa naman ang aking pakiramdam. Mahapdi lamang itong mga tinamo kong sugat. Kaya ko pa naman ang aking sarili." Tugon sa kanya ni Lucas habang sapo-sapo ng isang kamay ang sugat sa kaliwang bahagi ng tiyan nito. "Subalit ikaw ang higit kong inaalala sa mga oras na ito. Alam kong nagugutom at pagod ka na. Kaya kinakailangang makahanap na tayo ng maaari nating pansamantalang matutuluyan ngayong gabi."

Tama si Lucas. Matapos ang nangyaring gulo sa Maynila ay saka lang nararamdaman ni Choleng ang matinding pagod, gutom, at pangangalay ng kanyang mga paa at binti matapos ang katatakbong pinaggagawa nila ni Lucas para lang matakasan ang mga guwardiya sibil. Pero mas inaalala pa rin ni Choleng ang kalagayan ni Lucas kaysa ang nararamdaman niyang pagod at gutom.

Sa kanilang lahat, si Lucas ang nagtamo ng maraming bugbog at latay sa katawan. Idagdag pa na ilang bala rin ang bumaon sa iba't ibang bahagi ng katawan ni Lucas. Kaya natatakot si Choleng na baka mamaya bigla na lang bumulagta sa daan si Lucas. Pero kay Lucas na rin nanggaling ang kumpirmasyon na kaya pa nito. Kaya kahit paano ay nabawasan ang nadarama niyang kaba.

Mayamaya ay napahinto sa paglalakad sina Joaquin at Clarita kaya napahinto rin sina Choleng sa kanilang paglalakad. May natatanaw kasi silang isang lalaki na papasalubong sa kanilang direksyon. Ang lalaking natatanaw nila ay may hawak-hawak ng huwepe (resin torch) at may itak ding nakasabit sa gilid ng baywang nito. Nakasuot din ang lalaki ng kamiso at patadyong. Sa tantiya ni Choleng ay hindi nalalayo sa edad ni Don Francisco ang matandang lalaki.

"Sino kayo? Ano ang ginagawa ninyo rito sa aming baryo?" Usisang tanong sa kanila ng matandang lalaki nang itapat nito ang hawak na huwepe para ilawan sina Choleng. "Batay sa inyong hitsura ay hindi kayo tagarito. Kayo ba ay mga kaaway?"

"Hindi kami mga kaaway." Si Clarita ang sumagot. "Nagmula pa kami sa Maynila at dito kami binaba ng barkong aming sinakyan kanina."

"Samakatuwid, kami ay naghahanap ng tahanan na maaari naming mapagtanungan sa aming suliranin." Dagdag pa ni Joaquin.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon