Kabanata 52

12.3K 706 237
                                    

NAGTATAKANG nagpalit-lipat ang tingin ni Choleng kina Karyo, Ignacio, Santiago at Segundo nang labasin niya ang apat mula sa loob ng classroom. Pansamantalang nag-iwan muna ng seatwork activity si Choleng sa mga mag-aaral niya kaya nagawa niyang harapin ang apat na ngayon ay hitsurang Semana Santa ang mga mukha.

"Akala ko ba meron kayong sasabihin sa 'kin? Bakit ayaw niyo namang magsalita? At saka bakit parang mukha kayong namatayan?"

Si Ignacio ang naglakas ng loob na magsalita.

"Makabubuti kung sasamahan mo na lamang kami upang maipaliwanag namin sa iyo nang maayos."

"Saan ko naman kayo sasamahan? Saka kung hindi naman masyadong importante ang sasabihin niyo, ayos lang ba kung mamaya na lang? Oras pa kasi ng pagtuturo ko. Hindi ko rin puwedeng iwan ang mga bata sa loob. Baka magalit sa akin sina Padre Agripino at Padre Crustacio kung basta na lang ako sasama sa inyo at iiwan ang klase ko-"

"Sumama ka na sa kanila, Binibining Choleng."

Sabay-sabay pa silang napabaling sa gawing kanan nila. Nakita nila sina Padre Agripino at Padre Crustacio na papalapit sa kanilang puwesto.

"Ipinagpalaam ka na nilang apat sa akin at mayroon ko nang pahintulot ang iyong pag-alis." Dagdag pa ni Padre Crustacio. "Si Padre Agripino na muna ang pansamantalang magbabantay sa iyong klase."

"Sigurado po ba kayo, Padre Crustacio?"

Marahang tumango sa kanya si Padre Crustacio. "Maaari ka nang umalis, Binibining Choleng. Kanina pa sa iyo naghihintay ang Gobernador-Heneral."

Muling binalingan ni Choleng ang apat.

"Bumalik sina Lucas? Bakit ang bilis naman? Akala ko ba isang linggo silang mananatili sa Suwal?"

Limang oras pa lang ang nakalilipas nang magpaalam sa kanila sina Lucas at Joaquin pero bumalik din agad? Bakit kaya?

Napangiti tuloy si Choleng sa kanyang naisip.

Hindi yata natiis ni Lucas ang beauty niya kaya siguro biglang bumalik o baka naman nagbago na ang isip nito at gusto na siyang isama ni Lucas papunta sa Suwal!


SUMAMA nga si Choleng kina Ignacio at iniwan niya sa pangangalaga kay Padre Agripino ang kanyang mga mag-aaral. Actually, kanina pa siya nawiwirduhan sa mga kinikilos nina Ignacio. Hindi kasi siya sanay na tahimik ang apat. Usually, si Santiago ang mangunguna sa ingay para lang may maidaldal. Kaso nakakapanibago ang apat na kasama niya. Pare-parehong mga problemado ang mukha. Baka siguro naubos ang sweldo ng apat kaya ganoon na lang ang hilatsa ng mga mukha.

Oh well, sino ba naman ang hindi magmumukhang Todos Los Santos kung naghihingalo na ang wallet mo?

"May problema ba kayong apat?" Usisang tanong ni Choleng habang napagigitnaan siya nina Segundo at Ignacio.

Nasa gawing kanan naman ni Ignacio si Karyo at nasa gawing kaliwa naman ni Segundo si Santiago.

"Kanina pa kasi kayo tahimik diyan magmula nang umalis tayo sa paaralan. Sigurado bang okay lang kayo?" Nagpalipat-lipat pa si Choleng ng tingin kina Ignacio at Segundo pero wala siyang napala sa dalawa. Seryoso pa rin ang mga mukha ng mga kasama niya at bakas sa mga mata ng apat ang labis na kalungkutan.

Pero hindi na hinintay pa ni Choleng na sagutin siya ng apat dahil naagaw na ang kanyang pansin ng kakaibang kaguluhang nangyayari sa unahang direksyon tinutumbok nila.

Hindi naman nagtagal ay huminto si Choleng sa kanyang paglalakad. Napansin naman 'yon ng apat niyang kasama kaya huminto sina Ignacio sa paglalakad at binalingan siya.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon