Kabanata 66

10.8K 571 658
                                    

MATAPOS ilibing ang katawan ni Clarita ay nag-alay ng taimtim na panalangin ang lahat. Sunod niyon ay isa-isang nag-alay sina Choleng ng mga sariwang bulaklak sa ibabaw ng puntod ni Clarita. Hindi alam ni Choleng kung ilang oras na ba siyang umiiyak. Mugto at pagod na rin ang kanyang mga mata sa walang katapusang pagluha. Ngunit sa tuwing naaalala ng kanyang isip ang huling ngiting ibinigay sa kanya kanina ng kaibigan ay lalo lamang nadudurog ang kanyang puso. Kaya naging dahilan iyon upang lalong umagos ang luha sa kanyang mga mata.

Paulit-ulit ding bumabalik sa isip ni Choleng ang kaninang tagpo kung paano nasawi si Clarita sa kanyang harap. Sinisisi ni Choleng ang kanyang sarili sapagkat wala siyang nagawa upang mailigtas ang kanyang kaibigan. Pakiramdam ni Choleng ay tila may malaking bahagi sa kanyang pagkatao ang nawala. Malalim na ang naging pinagsamahan nilang dalawa. Sabihin man na isang taon ang tanda ni Choleng sa kanyang kaibigan ay nakatatandang ate na kung ituring niya si Clarita dahil sa pagiging matured nitong mag-isip. Kaya hindi matanggap ni Choleng na sa ganoong tagpo magwawakas ang buhay ni Clarita.

Malaki rin ang panghihinayang ni Choleng dahil hindi na magagawa pa ni Clarita ang mga bagay na gusto nitong gawin sa buhay. Gaya ng umibig. Ang maikasal sa lalaking pinili ng puso nito upang makasama habambuhay. Magkaroon ng mga anak. Maging isang mabuting ina at mapagmahal na maybahay sa kanyang asawa. Subalit ang mga pangarap na iyon ay hindi na matutupad kailan man at alam ni Choleng kung gaano iyon kasakit para kay Joaquin ang naging pagkasawi ng kanyang kaibigan.

Kitang-kita ni Choleng sa mukha ni Joaquin ang nakabalatay na sakit matapos nitong ipatong ang puting bungkos ng mga bulaklak. Ang mga tangkay niyon ay pinuluputan ng halamang baging. Kahit walang sabihin si Joaquin ay sapat na ang namamalisbis na luha sa mga mata nito upang ilarawan kung gaano nagdurusa ang puso nito habang pinagmamasdan ang puntod ng babaeng minamahal nito. Ni hindi rin nagawang sabihin ng binata kung gaano nito minamahal si Clarita. Kaya alam ni Choleng kung bakit ganoon na lamang nasasaktan si Joaquin.

Matapos nilang mag-alay ng mga bulaklak ay kanya-kanya munang hanap ng mauupuan sa paligid ang ibang mga kasama ni Choleng. Si Rafael naman ay nanatili sa tapat ng puntod upang bigyan ang sarili ng pagkakataon na makasama pa ang kapatid sa ganoong paraan at nariyan sa tabi ng binata si Lolita upang damayan ang pagdadalamhati nito. Masakit pa rin ang kalooban ni Lucas sa nangyari sa bunsong kapatid. Sukbit ng balikat ang lagayan ng habilin ay naisip ni Lucas na umalis muna sa pook na iyon upang humanap ng ibang pook at bigyan ang sarili ng oras na mapag-isa muna upang magluksa at mabulay-bulay.

Ngunit hindi nakaligtas sa paningin ni Choleng ang pagsunod ni Joaquin sa daang tinahak ni Lucas. Kinabahan din si Choleng dahil nanlilisik sa labis na galit ang mga mata ni Joaquin nang sundan nito si Lucas. Kaya nagmamadaling hinila ni Choleng si Ignacio upang sundan nilang dalawa sina Lucas at Joaquin. Masama ang kutob ni Choleng na maaaring magkagulo ang dalawa. Napuna rin nina Segundo at Santiago ang pagsunod nina Choleng kina Lucas kaya nagpasya rin ang dalawa na sumunod.

"Lucas!" Dumagundong ang galit na tinig ni Joaquin dahilan upang huminto sa paglalakad si Lucas.

Subalit isang malakas na suntok mula sa nagngangalit na kamao ang bumati kay Lucas nang lingunin ang direksyon ni Joaquin. Sa bilis ng pangyayari ay hindi nagawang depensahan ni Lucas ang sarili dahilan upang ang binata ay tumilapon at sumubsubsob sa masukal na daan. Ang bahaging iyon ng kakahuyan ay may sapat na layo sa puwesto kung na saan ang puntod ni Clarita. Kaya walang sinuman ang makaririnig sa pagtatalo nina Lucas at Joaquin. Iyon naman ang tagpong naabutan nina Choleng.

"Joaquin tama na 'yan!" Malakas na sigaw ni Choleng habang tumatakbo papalapit kay Joaquin.

Sinubukan din ni Choleng na awatin si Joaquin upang ilayo kay Lucas. Ngunit hindi nakinig sa kanya si Joaquin at tinabig lamang nito si Choleng nang tangkaing niyang pigilan ang binata sa braso. May kalakasan ang pagkakatabig sa kanya ni Joaquin. Mabuti na lamang at nariyan agad si Segundo upang saluhin si Choleng. Nagawa namang tawirin ni Joaquin ang distansya nito kay Lucas na ngayon ay naka-recover na mula sa pagkakasuntok at sinisikap ng sarili na ibangon ang katawan. Subalit mahigpit na hinawakan ni Joaquin ang makabilang balikat ni Lucas. Si Joaquin na mismo nagpumilat ibangon at itayo si Lucas. Nag-aapoy sa galit na pinakatitigan ni Joaquin ang mga mata ni Lucas.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon