Kabanata 48

15.4K 836 381
                                    

MADILIM at malalim na ang gabi. Tahimik na rin ang buong paligid at tanging tunog ng mga kuliglig na lamang ang maririnig sa gitna ng katahimikan.

Nagpalinga-linga muna sa paligid si Lolita upang tiyaking walang sinuman ang nakasunod sa kanya bago inalis ang itim na belo na tumatalukbong sa mukha. Naroroon siya nang mga oras na iyon sa tapat ng pinto ng bahay ni Rafael. Wala siyang ibang naaaninag roon kundi ang liwanag ng lampara na nagmumula sa durungawan ng bahay ng Tenyente.

Alam niyang nakakahiya para sa isang tulad niyang babae na makita ng ibang tao sa tapat ng tahanan ng isang lalaki. Hindi iyon maganda sa imahe ng isang babae ngunit sa mga oras na iyon, kailangan niya ng makakausap. Alam niyang kinakailangan ni Rafael ng pahinga upang agarang humilom ang tinamo nitong sugat, ngunit si Rafael lamang ang nag-iisang taong nais niyang makausap.

Ilang segundo muna niyang pinagmasdan ang nakasarang pinto. Nagdadalawang-isip kung kakatukin ba niya iyon. Ngunit mas nanaig ang kanyang pagnanais na makita ito. Kaya humugot muna siya ng lakas ng loob bago niya sinimulang katukin ang pinto nang tatlong beses.

"Sino iyan?" Wika ng tinig mula sa loob.

Magsasalita sana siya upang tugunin ang tanong nito nang bigla na lamang bumukas ang pinto. Napatda si Lolita sa bumungad sa kanya nang makita niya si Rafael na nakapatadyong na walang anumang suot na pang-itaas. Tanging ang puting gasa na nakalapat sa tagiliran nitong tinamaan ng bala ang kanyang nakita.

"Binibini." Pagrekognisa ng Tenyente sa kanya dahil tumatama ang liwanag ng lampara mula sa loob ng bahay nito sa kanya.

Kung ano man ang dapat sana ay sasabihin ni Lolita ay kaagad din iyong tinangay ng hangin habang nakatunghay ang kanyang mga mata sa magandang hubog ng katawan ni Rafael na walang anumang suot na pang-itaas. Ramdam ni Lolita na namula tila kamatis ang kanyang magkabilang pisngi. Kaya bago pa iyon mapansin ng Tenyente ay dali-dali siyang tumalikod dito.

"Wala ka talagang galang! Hindi mo dapat ibinabalandra ang iyong katawan nang ganyan!"

"Disculpe. Magbibihis muna ako." Sambit ni Rafael nang huli na nitong mapagtantong wala pala itong suot na pang-itaas.

Sunod na narinig ni Lolita ay tunog ng pagpinid ng pinto. Kaagad naman siyang nakahinga nang maluwag at napapikit nang mariin upang iwaksi sa kanyang isip ang imahe na kanyang nakita. Subalit kahit ano pa ang kanyang gawin ay nananatiling nakapaskil na sa kanyang isip ang katawan nito.

Hindi rin naman nagtagal ay muli niyang narinig na bumukas ang pinto ng bahay nito.

"Ano ang ginagawa mo rito, Binibini?" Narinig niyang tanong sa kanya ni Rafael.

"N-Nakapagbihis ka na ba?"

"Maaari ka nang humarap."

Nag-alinlangan muna siya at sa huli ay tuluyan na niyang hinarap ang Tenyente. Nakabihis na ito at nakasuot na ng puting kamiso. Naging panatag na rin ang kanyang isip.

"Sa susunod, magbihis ka muna bago mo harapin ang iyong panauhin at nang hindi ka nakakabastos."

"Wala akong inaasahang panauhin nang ganitong disioras ng gabi."

Nahampas pa muna ni Lolita ng kanyang palad ang sariling pisngi nang may dumapong lamok doon.

"Ang mabuti pa ay pumasok ka muna rito sa loob. Malamok diyan sa labas." Pagkasabi ay lalo pang niluwagan ni Rafael ang pagkakabukas ng pinto upang papasukin siya sa loob.

Sinunod naman niya kaagad ang sinabi ni Rafael. Pumasok nga siya loob at nilibot ng kanyang paningin ang kabuuan ng bahay nito. Iyon ang unang pagkakataong nakatuntong siya sa pamamahay ni Rafael. Sa tulong ng ibinubugang liwanag ng lampara sa loob ay malinaw niyang napagmasdan ang loob niyon. Maayos, malinis, organisado at mayroong sapat na mga kagamitan.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon