Kabanata 51

14.3K 860 430
                                    

MALAYO pa lang sina Choleng sa hacienda ay tanaw na tanaw na nila ang kumpulan ng mga taong naroroon. Karamihan sa mga nakikiusyoso ay mga ordinaryong tao at mga tagapagsilbi ng pamilya Rueda.

"Ano'ng meron? Saka bakit ang dami na namang tao sa tapat ng hacienda?" Salubong ang kilay na tanong ni Choleng.

"Halika. Alamin natin." Yaya ni Clarita sa kanila ni Topacio kaya dali-dali silang lumapit sa kumpulan.

Isang lalaki ang kinalabit ni Clarita na agad silang nilingon.

"Maaari mo bang sabihin kung ano ang nagaganap dito sa tapat ng hacienda?"

"Mayroon daw isang bangkay ang natagpuan mula sa likurang bahagi nitong hacienda. Kaya nagpatawag kaagad ang Gobernador-Heneral ng mga guwardiya upang mailabas ang katawan sapagkat umaalingasaw na rin ang amoy."

"Kanino pong bangkay manong?"

Hindi na nagawa pang sagutin ng lalaki ang tanong ni Choleng nang matanaw ng mga tao ang apat na guwardiya sibil na sina Segundo, Karyo, Ignacio, at Santiago na lumabas mula sa likurang bahagi ng hacienda habang tulong-tulong ang apat na buhatin tigkabilang kanto ng banig kung saan nakalagay ang sinasabing bangkay ng isang tao na nang mga oras na iyon ay natatakluban ng puting kumot. Nagpaiwan naman mula sa gilid ng hacienda na nilabasan nina Santiago si Alferez Almanza habang kausap nito si Ginang Aurietta at iba pang tagapagsilbi na marahil ay kinukuhaan ng salaysay sa nangyayari.

"Maaari bang magsitabi muna ang lahat? Hindi mapapabilis ang aming trabaho kung kayo ay nakaharang!" Mainit ang ulong saway ni Joaquin sa mga taong nakikiusyoso sa pangyayari habang kasunod nito sa likuran si Rafael at si Lucas na mukhang nadagdagan na naman ng poproblemahin.

Kaagad namang sumunod sa utos ni Joaquin ang mga tao at tumabi habang takip-takip ang kani-kanilang ilong.

Mayamaya ay inutusan ni Lucas sina Santiago na ilapag muna ang bangkay sa lupa. Kaya sinamantala iyon ni Choleng para lapitan ang kasintahan habang may takip na panyo ang kanyang ilong. Hindi naman siya nabigo dahil nakuha niya agad ang pansin nito.

"Maria, hindi ka na dapat muna pumunta rito. Kasasabi ko lamang sa ginawa kong liham na marami pa akong inaasikaso lalo na at nadagdagan na naman ako ng panibagong suliranin." Tukoy ni Lucas sa nakalapag na bangkay.

"Hindi naman ako pumunta rito para manggulo. Naririto kasi ngayon ang kuya ni Celerina kaya sinamahan namin ni Clarita si Topacio papunta rito dahil dalawang linggo na raw nawawala ang kanyang kapatid."

"Mierda..." (Shit...) sambit nito saka nahilot ang kaliwa nitong sentido na tila hindi alam ang gagawin kung paano magpapaliwanag kay Choleng kaya si Rafael ang sumagot para kay Lucas.

"Ikinalulungkot naming ipaalam na ang bangkay na natagpuan ni Ginang Aurietta mula sa likod nitong hacienda ay katawan ni Celerina."

"Ano? Kay Celerina ang bangkay na ito?"

Sabay pa nilang nilingon ni Lucas ang nagsalita.

Nakita nila si Topacio na dali-daling nilapitan ang natatakluban na bangkay at lumuhod sa tabi niyon. Susubukan sana nina Santiago at Karyo na ilayo si Topacio sa bangkay pero iniharang lang ni Joaquin ang kamay nito sa unahan ng dalawa.

"Hayaan ninyo siya." Utos ni Joaquin.

Inalis din ni Topacio ang talukbong sa mukha ng bangkay. Natutop ni Choleng ang kanyang bibig nang makita ang naaagnas na mukha ng bangkay. In the process of decomposition na ang katawan kaya halos hindi na makilala ang mukha.

"S-Sigurado ka ba Rafael na kay Celerina nga ang bangkay na 'yan?" Naroroon sa mukha ni Choleng ang takot at dadalhin niya hanggang pagtulog ang imahe ng bangkay.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon