Kabanata 18

26.5K 1.6K 920
                                    

TULUYAN nang hindi bumalik si Lolita sa hapag hanggang sa matapos iyon. Nagpasya naman si Don Francisco na magpasayaw muna sa kababaihan at kalalakihan upang tuloy-tuloy pa rin ang kasiyahan. Samantala, ipinatawag muna si Lucas ng mga magulang ni Lolita upang makapag-usap ng pribado.

Lagot! Kahit hindi magtanong, may palagay si Choleng na tungkol sa kaninang anunsiyo ni Lucas ang paksang tatalakayin. Kaya hindi na siya nagreklamo nang iwan siya ng binata. Ngayong wala na sa tabi niya si Lucas, sasamantalahin na nila ni Clarita ang pagkakataong iyon upang gawin ang kanilang binabalak na pagtakas.

"Tara na, Clarita. Umalis na tayo rito habang wala pa si Lucas." Yaya ni Choleng.

Tumango agad sa kanya si Clarita. "Mabuti pa nga, Binibini. Marapat lamang na tayo ay umalis na habang nasa kasiyahan pa ang pansin ng lahat."

Nagpalinga-linga muna si Choleng sa paligid ng komedor. Tanging mga tagapagsilbi na lamang ang naroroon at nagliligpit ng mga pinagkainan. Mayamaya ay palihim na kumupit muna si Choleng ng isang tinapay na kaagad namang napuna ni Clarita.

"Ano ang iyong ginagawa, Binibini?" Takang tanong ni Clarita kay Choleng.

"Ano...para may baon tayo pag-alis natin." Kumupit pa si Choleng ng isa pang tinapay sabay abot kay Clarita na tinanggap naman nito. "Let's go."


"NAKATITIYAK ako, Binibini, na masamang-masama ngayon ang loob ni Binibining Lolita sa inanunsiyo kanina ng Gobernador-Heneral." Mayamaya ay wika ni Clarita sa kanya habang nakikipagsiksikan sila ni Choleng sa mga tao sa malawak na sala. May mga sumasayaw kasi na magkakapareha sa gitna habang masigla iyong sinasabayan ng indak ng tugtuging habanera na isang Kubanong musika.

Ang mga kababaihan ay nakabihis ng camisas de piña at naaadornahan ng mga mamahaling alahas habang ang kanilang mga balikat ay nababalutan ng alampay. Ang mga kalalakihan naman ay nakabihis ng barong at puting pantalon na tinernuhan ng makikintab na sapatos. Tuwang-tuwa naman ang mga panauhing nakaupo sa bawat gilid mula sa inuupuang mga silya habang pinapanood ang sayawang nagaganap sa gitna.

"Yeah, alam ko at kasalanan ko iyon. Kaya sigurado rin ako na isinusumpa na ni Lolita ang kaluluwa ko hanggang impyerno." Komento ni Choleng habang sila ay nagpapasintabi sa mga tao na kanilang dinaraanan.

Malakas kasi ang tugtuging nililikha ng mga musikero gaya ng gitara, plauta, marakas, bajo de arco (double bass guitar), at iba pang mga instrumento. Kaya kinailangan pa ni Choleng na lakasan nang bahagya ang kanyang tinig upang sila ay marinig at paraanin.

"Pero sa kaso ni Lolita, hindi siya gusto o mahal ni Lucas. Mukhang sa kanilang dalawa, si Lolita lang ang may gusto sa Gobernador-Heneral. Gusto ko nga sanang maawa sa kanya pero dahil pinagtulungan nila akong mag-inang ipahiya sa harap ng mga panauhin kanina, mas gusto ko pang sabihin sa kanya harap-harapan na condolence sa naunsiyami niyang kasal kay Lucas." Sabay kagat ni Choleng sa tinapay na kanyang kinupit kanina sa hapag.

Humalakhak ang demonyitang isip ni Choleng. Siya na talaga ang masamang kontrabida sa buhay ni Lolita. Haha!

"Halika ka, baks, ayon na ang hagdan pababa." Nasasabik na wika ni Choleng sapagkat kaunting kembot na lamang ay makakamit na nila ang kalayaan! Makakawala na rin siya sa wakas sa mala-kamay na bakal ni Lucas!

Hindi nagtagal ay narating nga nina Choleng at Clarita ang hagdan pababa patungo sa pinto na pinakalabasan ng mga tao. Ngunit hindi pa nila naiaapak ang mga paa nila sa unang baitang ng hagdan nang may magsalita mula sa kanilang likuran.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon