Kabanata 25

23.4K 1.7K 690
                                    

PAKIBASA MUNA: Pagbati sa mga bumabasa ng akdang ito! Aminado po ako na nakadidismaya ang pag-uugali ni Lucas sapagkat isa siyang masamang tauhan nang ipakilala ko siya sa mga nakalipas na kabanata. Sa tagal ng mga kabanatang iyon ay nauunawaan kong wala ni isang mambabasa na pagtitiyagaang ipagpatuloy na basahin ang mga susunod na kabanata ng akdang ito sapagkat nakawawalang gana ang ganoong klase ng pag-uugali para sa isang tauhan lalo na kung hindi siya pasok sa inyong pamantayan na maging isa sa leading man ng kuwento. Subalit ibig ko pong linawin na hindi ko pinahihintulutan ang mga ganitong toxic na pag-uugali at mayroon tayong tinatawag na character development. Kaya nasa inyo na po ang pasya kung ipagpapatuloy pa rin ninyong basahin hanggang sa huling kabanata ang akdang ito. Hindi ko naman kayo pinilit basahin ang kuwentong ito. Saka maraming salamat din sa inilaan ninyong oras sapagkat nakaabot ka sa bahagi ng kabanatang ito.


"INAAKALA niyo ba na maiisahan ninyo ako?" Paklang natawa si Lucas. "Batid kong naghihintay lamang kayo ng pagkakataon na makaalis kami sa pook na ito. Kaya naisip kong pagbigyan kayo sa inyong nais at nagpahulog naman kayo sa aking bitag."

Kung ganoon ay sinabi lamang pala iyon kanina ni Lucas upang mapalabas sila ni Rafael sa kanilang pinagkukublihan! Tss! Buwiset! Mautak ang Gobernador-Heneral! Mayamaya ay lumipat naman ang tingin ng Gobernador-Heneral kay Rafael. Sa isip-isip ni Choleng, sa wakas! Nagtagpo na rin ang magkapatid! Kaso hindi maganda ang pagtatagpo ng dalawa sa mga oras na iyon lalo pa at iniisip ni Lucas na isang kaaway si Rafael.

"Hindi na ako magtatanong kung sino ka. Nakatitiyak ako na ikaw na nga ang pinuno ng kilusan na aking hinahanap. Rafael Antonio de Lara y Ruiz." Mabigat at may himig ng pagkadisgusto nang banggitin ang pangalan ng kaaway bago itinutok ang hawak nitong pistol kay Rafael.

Tila ba may pumitik sa puso ni Choleng nang itutok ni Lucas ang hawak nitong pistol sa sariling kapatid. Ibig niyang sigawan si Lucas na hindi tamang basta-basta na lamang itong nanunutok ng baril. Higit sa lahat, ibig ding ipagsigawan ni Choleng sa Gobernador-Heneral na kapatid nito si Rafael. Subalit hindi maaari sapagkat maaaring may ibang tao na makarinig sa kanila at maaaring maging mitsa pa ng kaguluhan.

Samantala, wala namang narinig na anumang komento si Choleng mula kay Rafael. Pinupukulan lamang nito nang masamang tingin si Lucas habang ang kamay nitong nakahawak sa kanyang kamay ay lalong humigpit. Tila nagpipigil makapanakit.

"Lumayo ka sa kanya, Maria. Mapanganib ang lalaking iyan." Wika sa kanya ni Lucas na hindi hinihiwalay ang mga tingin kay Rafael.

Kung nakamamatay nga lamang ang mga tingin ni Lucas ay maaaring kanina pa bumulagta si Rafael sa lupa. Umiling si Choleng at nagsumiksik pa siya lalo sa likod ni Rafael.

"Huwag mo siyang takutin!" Sa wakas ay wika ni Rafael. "Kung mayroon mang dapat layuan si Choleng, iyon ay walang iba kundi ikaw, Gobernador-Heneral!"

"Huwag kang maniniwala sa lalaking iyan, Maria! Binibilog lamang niya ang iyong ulo. Siya ang dahilan kung bakit tayo napahamak noon sa Paseo de la Luneta." Pagbubunyag ni Lucas.

Doon lamang lumipat ang pansin ni Choleng kay Rafael. "T-totoo ba 'yon, Rafael?"

"Nagsisinungaling lamang ang Gobernador-Heneral. Hinding-hindi ko iyon magagawa!" Mariing pagtanggi ni Rafael.

Naniniwala siya sa sinabi ni Rafael sapagkat ang binata na rin mismo ang nagsabi noon nang ipagtapat nito sa kanya ang katotohanan na hindi nito kayang saktan ang sariling kapatid. Maliban na lamang na estado ng emosyon ngayon ni Rafael sapagkat nagpupuyos ang binata sa labis na galit sa sinapit ng mga kaibigan nito. Iyon uli ang pagkakataon ni Lucas upang magsalita at salungatin ang naging tugon ni Rafael.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon