Kabanata 59

10.8K 613 237
                                    

"MATAGAL ka nang binitay...p-paanong nangyaring ikaw at si Anastacio ay buhay pa?" Nalilitong tanong ni Rafael sa sarili.

Naging saksi rin noon si Rafael sa pagbitay sa dalawa at maging ang mga tao sa liwasan ay napanood din iyon kung paano kinitil ng garote ang buhay nina Lazaro at Anastacio. Hindi naman nagdalawang-isip na paunlakang tugunin ni Lazaro ang naging katanungan na iyon ni Rafael.

"Tumakas kami bago pa maisagawa ang aming nakatakdang bitay at ipinagpapasalamat namin ang lahat ng iyon kay Adolfo." Tukoy ni Lazaro kay Koronel Llerena na kanina pa tahimik at nakikinig lamang sa buong tagpo. "Siya ang tumulong sa amin ni Anastacio upang kami ay ganap na makatakas sa loob ng piitan na walang sinuman ang makaaalam..."

Dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas nang masawi si Padre Hurtado ay nagbaba na ng pasya ang Real Audiencia na mamayang hapon isasagawa ang pagbitay kina Anastacio at Tenyente de la Cuesta. Kaagad namang nakarating ang masamang balitang yaon sa dalawang bilanggo sa loob ng karsel sa pamamagitan ni Koronel Llerena-ang magsisilbing punong tagapangasiwa sa gaganaping pagbitay sa liwasan.

"Gawan mo ito ng paraan Adolfo. Hindi ako maaaring masawi. Kinakailangan ko pang ipaghiganti ang aking sarili sa Gobernador-Heneral!" Mabibigat ang bawat katagang pagkakasabi ni Lazaro sa kabila ng mga pasa, sugat at bugbog habang ang dalawa nitong kamay ay nakakapit sa bakal na rehas ng piitan. Mula sa labas ng piitan ay kaharap lamang nito si Koronel Llerena at tahimik na nakikinig sa hinanaing ni Lazaro.

Kasalukuyang nasa iisang piitan sina Lazaro at Anastacio malayo sa unang piitan na pinagkulungan sa dalawa. Kagabi kasi ay nagkaroon ng kaguluhan sa dati nilang piitan kung saan hinalo ang dalawa sa iba pang mga bilanggo sa loob niyon. Dahil mainit ang ulo ng mga kasamahang bilanggo sa mga Kastila, sina Anastacio at Lazaro ang ginawang katuwaan sa loob ng piitan. Pinagtulungan silang bugbugin ng mga bilanggo. Walang kalaban-laban ang dalawa sa labing tatlong bilanggo idagdag pa na parehong nakatanikala ang kanilang mga kamay. Hindi nagawang depensahan nina Anastacio at Lazaro ang kanilang mga sarili kaya walang nagawa ang dalawa kundi tanggapin na lamang ang bawat kamaong tumatama sa kanilang katawan.

Naapula lamang ang kaguluhan sa loob ng piitan nang umawat ang mga bantay na guwardiya sibil. Napagpasyahan ng punong tagapagbantay na ihiwalay ang dalawa sa kabilang piitan na tanging sina Anastacio at Lazaro ang naroroon. Kaya hanggang sa mga oras na iyon ay nananakit pa rin ang buo nilang katawan mula sa matinding bugbog na tinamo at isa rin iyon sa lalong nagpasidhi ng nadaramang galit sa dibdib ni Lazaro.

"Nakikita mo ba ang mga pasa at bugbog na aking tinamo? Siya ang may kagagawan nito! Niyurakan ng taong iyon ang aking pangalan! At hindi ako matatahimik hangga't hindi ko siya napapaslang sa aking mga kamay!" Galit at malakas nitong wika sa kaibigan.

"Hindi ganoon kadali ang iyong ibig mangyari. Isang mataas na tao ang inyong kinalaban, Lazaro. Kung ginamit mo lamang sa wasto ang iyong isip, wala ka sana riyan sa piitan. Ikaw ang lumikha ng kapahamakan para sa iyong sarili." Ang tanging naitugon ni Koronel Llerena.

"Kung ganoon ay pababayaan mo akong masawi, ganoon ba?" Mabilis nabahiran ng sama ng loob ang damdamin ni Lazaro sa pinahayag na iyon ng Koronel.

"Sa oras na ako ay sumalungat sa Gobernador-Heneral, ako naman ang malalagay sa kapahamakan."

Paklang natawa si Lazaro ngunit ipinagpatuloy lamang ni Koronel Llerena ang nais nitong sabihin.

"Hindi isang biro ang ginawa ninyo na pagtangkaan ang kanyang buhay. Isa iyong malaking kalapastanganan sa Reyna. Hindi mo iginalang ang kanyang ngalan at ang taong kanyang piniling kinatawan ng Las Islas Filipinas. Isa na rin iyong maituturing na kasong rebelyon." Pagpapaintindi pa nito kay Lazaro.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon