Kabanata 10

28.2K 1.7K 371
                                    

"NO TIENE que preocuparse tanto, gobernador general. No encontré ninguna lesión grave en su cuerpo. Ya le limpié los moretones para evitar infecciones." (You don't have to worry so much, Governor-General. I found no serious injury to her body. I already cleaned her bruises to avoid any infections.) Pahayag ng lalaking manggagamot kay Lucas matapos nitong gamutin ang mga tinamong galos ni Choleng.

"Muchas gracias, medico." (Thank you very much, Doctor.)

"De nada, gobernador general." (You're welcome, Governor-General.) "Ngunit sa susunod ay mag-iingat na kayo ng iyong kasintahan. Mapanganib lalo na sa iyo Gobernador-Heneral na makita sa mga pampublikong pasyalan."

Sa mga sandaling iyon ay naroroon sina Lucas at Choleng sa gusali ng Palacio del Gobernador. Iyon din ang tirahan ng mga nagdaang Gobernador-Heneral noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Subalit nawasak ang palasyo matapos yanigin nang malakas na lindol noong taong 1863. Magmula nang mawasak ang palasyo, Malacañang Palace na ang naging opisyal na tirahan ng mga sumunod na Gobernador-Heneral ng Pilipinas. Doon sila sa opisina ng Gobernador-Heneral dumiretso upang maasikaso ng manggagamot ang mga tinamo nilang galos matapos ang insidenteng kinasangkutan nila.

"Pakatatandaan ko ang iyong mga bilin. Sa ngayon ay tinutugis na ng aking mga guwardiya sibil ang taong nagtangka sa aming mga buhay." Magalang na pagtugon ni Lucas sa manggagamot.

"Dapat na ngang madakip ang taong gumawa nito sa inyo. Hangga't malaya pa ang taong iyon, mananatili siyang banta sa inyong buhay. Kung kaya't doblehin mo ang iyong pag-iingat. Siyanga pala, mayroon ka pa bang nais itanong Gobernador-Heneral bago ako tuluyang umalis?"

Hindi tumugon si Lucas. Subalit nagtaas ng kamay si Choleng na kanina pa nakaupo sa silya sa tapat ng mesa. Kaya nalipat sa kanya ang pansin ng manggagamot.

"Ano iyon, Binibini?"

"Iko-correct lang po kita, Doc. Hindi ko po boyfriend ang Gobernador-Heneral." Pagwawasto ni Choleng.

"Paumanhin, Binibini. Subalit hindi ko naunawaan ang iyong ipinahayag." Tugon sa kanya ng manggagamot na tila ba nakakatwaan kay Choleng habang salubong ang mga kilay.

"Ang ibig ko pong sabihin..." kainis! Nakadudugo naman mag-Tagalog! "Hindi ko po kasintahan ang Gobernador-Heneral. Ako po ay isang─"

"Kaibigan." Dugtong ni Lucas sa kanyang sinasabi.

"Ayon! Tama! Friend ko lang po ang Gobernador-Heneral, Doc." Ngumiti pa si Choleng nang pagkatamis-tamis. Ngunit gusto rin niya ang ganoong kaisipan. Ano kaya ang pakiramdam na kasintahan niya ang isang super guwapong Gobernador-Heneral ng Pilipinas? Nakatitiyak siyang mananaghili sa kanya si Rachelle.

"May sapi marahil ang iyong kaibigan, Gobernador-Heneral. Hindi ko maunawaan ang ilan sa kanyang mga sinasabi." Nalilitong sambit ng manggagamot nang balingan nito si Lucas.

"Marahil ay wala pa siya sa kanyang huwisyo nang dahil sa kapahamakang naganap kanina." Pagdadahilan na lamang ni Lucas sa manggagamot upang mapagtakpan ang kawirduhan ni Choleng.

"Marahil nga, Gobernador-Heneral. Ang mabuti pa ay hayaan mo na ring makapagpahinga ang iyong kaibigan. O, siya, sige. Ako ay aalis." Paalam ng manggagamot habang inaayos nito ang mga ginamit sa paggamot sa mga galos ni Choleng. "Ipatawag lamang ninyo ako kung mayroon pa kayong ibang kailangan."

Isang tango lamang ang naging tugon ni Lucas bago sila tuluyang iniwan ng manggagamot. Saka lamang napuna ni Choleng na silang dalawa na lamang ni Lucas ang naroroon sa loob ng opisina. Napatingin uli si Choleng sa gawi ni Lucas. Nakaharap ngayon ang binata sa magandang tanawing nasa labas ng durungawan ng opisina. Ang malawak na Plaza Mayor de Manila na kalaunan ay tinawag na Plaza de Armas. Ang liwasan ay mayroong magkakahiwalay na landas na nagtatagpo sa puwesto ng malaking rebulto ni Haring Carlos IV na gawa sa tanso na itinayo noong taong 1824.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon