Kabanata 32

24.5K 1.4K 1.3K
                                    

MARAMING indio ang nagalit sa Gobernador-Heneral matapos masawi ang lalaki sa merkado. Hindi naibigan ng mga indio ang kaganapang nasaksihan kanina. Umasa rin daw kasi ang mga tao na tutulungan ng Gobernador-Heneral ang lalaki. Subalit nagkamali raw ng akala ang mga tao.

Kalat na rin sa buong Maynila ang balita na hindi na raw talaga magbabago ang Gobernador-Heneral sapagkat kahit kailan daw, walang tinutupad na pangako ang mga gaya nitong Kastila. Kaya pakitang-tao lamang daw ang nakaraang pampublikong paumanhin ng Gobernador-Heneral.

Subalit, sa kabila ng masamang katagang natatanggap mula sa mga indio ay may ilan naman sa kanila na piniling pumanig sa Gobernador-Heneral. Humanga ang iba sa ginawa ng binata sa payapa nitong pakikipag-usap na hindi gumamit ng anumang dahas. Si Lucas lamang daw ang tanging Gobernador-Heneral na gumawa nang ganoon.

Sa mga nagdaang namuno ay wala raw nakaisip nang ganoon at nanatiling bulag at bingi sa hinaing ng mga tao. Kaya hindi raw tama na isisi kay Lucas ang pagkasawi ng lalaki sapagkat wala namang ginawang masama ang binata. Ang dapat daw na sinisisi sa naganap ay ang mismong taong pumaslang sa lalaki.

"Lumayas ka rito! Hindi namin kailangan ang iyong tulong!" Tumatangis na pagtataboy kay Lucas ng babaeng kapatid ng lalaking nasawi. Kasalukuyan kasing nasa tapat sina Choleng ng pinto ng kubo na tinitirahan ng mag-ama.

Gaya ng mga naunang pahayag ni Lucas ay tinupad ng binata ang binitiwan nitong pangako sa lalaki. Nagpatawag ang binata ng bihasang manggagamot mula pa sa Hospital de San Juan de Dios na isang pribadong ospital at sinamahan ni Choleng si Lucas na puntahan ang tirahan ng mag-ama.

Naabutan nila sa kubong iyon ang babaeng kapatid ng lalaki na nagsisilbing bantay sa pamangkin nitong may karamdaman. Si Lucas mismo ang nagbalita sa tiyahin tungkol sa mapait na sinapit ng kapatid nito dahilan upang sumidhi ang galit sa dibdib ng babae.

"Winika mo dati, gagawin mo ang lahat upang hindi na maulit ang naganap noon. Subalit ano itong ginawa mo? Pinaslang mo ang aking kapatid!" Galit na pahayag ng tiyahin.

"Paumanhin po." Ang tanging naitugon ni Lucas.

"Paumanhin? Bakit? Kaya bang ibalik ng iyong paumanhin ang buhay ng aking kapatid?! Hindi mo ba naisip na mayroon siyang anak na binubuhay?!" Nasasaktang tugon ng babae.

"Hindi ko rin po inibig na maganap ang nangyari. Subalit pagsasabihan ko sa susunod ang aking mga guwardiya sibil upang hindi na ito maulit pa." Mapang-unawang wika ni Lucas.

"Masawi na kayong mga hayop!" Bulyaw pa ng babae. "Ni minsan hindi naging patas ang batas para sa aming mga mahihirap. Kaya ano ba ang laban namin sa inyong mga Kastila? Puro lamang kayo salita, kulang naman sa gawa! Kay hilig ninyo kaming palamunin ng inyong mga pangako, subalit palagi namang napapako! Hinding-hindi ko mapapatawad ang iyong ginawa sa aking kapatid, Gobernador-Heneral!"

"Ngunit kailangan ng iyong pamangkin na magamot─"

"Tama na ang iyong pakitang-tao, Gobernador-Heneral. Hinding-hindi ko ipauubaya ang kalusugan ng aking pamangkin sa gaya mong mamamatay-tao!"

"Subalit totoo po ang aking pahayag. Ibig ko pong tumulong upang gumaling sa karamdaman ang iyong pamangkin." Naroroon ang pakiusap sa tinig ni Lucas na tila ba nagsasabing pakinggan muna ito.

"Madali lamang para sa iyo, Gobernador-Heneral, na sabihing tutulong ka sapagkat ni minsan ay hindi mo pa nararanasang mawalan ng taong pinapahalagahan mo sa buhay. Huwag kang mabahala, ipagdarasal ko na sana dumating ang araw na iyon upang maranasan mo rin kung gaano kabigat sa dibdib ang mawalan ng taong minamahal!" Malamig ang tinig na wika nito kay Lucas.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon