Kabanata 62

11.5K 599 376
                                    

"PAKIUSAP PO! Tumabi muna kayo sa daraanan namin!" Halos maputol ang litid sa leeg ni Choleng sa malakas niyang pagsigaw habang tumatakbo sila ni Hidalgo. Hinahabol kasi sila ng mga guwardiya sibil at mukhang hindi titigil ang mga tauhan nina Lazaro at Egidio hangga't hindi nahuhuli si Choleng.

Kaagad namang natilihan at nagpulasan ang mga taong dumaraan, namamasyal, mga naglalako ng kanilang mga paninda, at mga kutserong bumibiyahe sa Plaza Mayor de Manila nang sunod na matanaw ng lahat ay ang maraming bilang ng mga guwardiya sibil na kargada ng mga mahahabang baril na humahabol kina Choleng at Hidalgo. Lalong naghiyawan at nagkagulo ang mga tao nang bulabugin ang buong paligid ng alingawngaw nang magkakasunod na putok ng mga baril ang tahimik at payapang pook na iyon.

Nagsimulang magliparan sa maaliwalas na himpapawid ang mga ibon na matiwasay na tumutuka ng pagkain sa lupa. Natalisod at natumba naman ang ilan sa mga tao dahil sa labis na pagkataranta at takot. Kumalat din ang mga paninda mula sa mga bilaong susong ng mga naglalakong tindero at tindera matapos banggain iyon ng mga tumatakbong guwardiya sibil. May nangyari pang banggaan ng mga kalesa dahil maging ang mga alagang kabayo ay nanghilakbot din sa takot nang muling umalingawngaw ang putok ng mga baril.

Wala namang magawa si Choleng kundi ang tumili nang malakas at bilisan lang ang kanilang pagtakbo ni Hidalgo sa tuwing magpapakawala ng bala ang mga guwardiya sibil. Kanina pa sila pagod ni Hidalgo katatakbo at ngalay na rin ang kanilang mga paa. Gustuhin man ni Choleng na huminto at magpahinga ay hindi rin niya magawa dahil sa oras na sila ay abutan ng mga guwardiya sibil, hindi lang ang buhay niya ang malalagay sa alanganin kundi pati na rin ang buhay ni Hidalgo na ngayon ay ginagawa ng binata ang makakaya nito upang protektahan siya.

"Magpaliwanag ka sa akin, Hidalgo. Bakit mo sinabi sa amin na si Koronel Llerena ang may hawak ng susi sa kulungan ni Lucas gayong ibang susi pala ng kulungan ang tinatago sa kanyang silid?" Kausap ni Choleng kay Hidalgo habang tumatakbo at halos banggain na nila ang mga taong humaharang sa kanilang dinaraanan.

"Paumanhin, Binibini. Hindi ko ibig na ikaw ay ilagay sa kapahamakan. Narinig ko lamang ang usapan na iyon sa aking pinsan at ni Komandante Lazaro na ang Koronel ang may hawak sa susi. Subalit kanina ko lamang din nalaman na si Heneral Carrasco pala ang nangangalaga ng susi sa piitan ni Lucas at huli na ako upang kayo ay maabisuhan ni Clarita tungkol sa aking nalaman." Tugon ni Hidalgo kay Choleng.

"Hindi naman kita sinisisi. Kasalanan ko rin kung bakit ako nahuli. Kung umalis na lang sana ako agad kagabi sa loob ng silid na iyon at hindi na nakialam pa ng ibang dokumento, hindi sana ito mangyayari ngyayon."

Wala na talaga siyang binigay kay Lucas kundi puro sakit ng ulo! 'Tapos dinagdagan pa niya lalo ang paghihirap ni Lucas na ngayon ay nahaharap na sa alanganin ang buhay nang dahil uli sa kanya! Palagi na lang niyang nilalagay sa kapahamakan si Lucas!-

Muli uling pumailanlang sa buong paligid ang putok ng mga baril. Napatili uli si Choleng nang malakas sa gulat.

"Bilisan nating tumakbo! Kinakailangan na nating makalabas dito sa Intramuros at makahanap ng pansamantalang magpagkukublihan!" Malakas na sabi ni Hidalgo kay Choleng habang sila ay tumatakbo at nakikipagpatintero sa mga balang nagmimintis at tumatama sa lupa.

Ang kaguluhang iyon ay nakatawag din ng pansin lalo na sa iba pang mga guwardiya sibil na nagbabantay sa paligid ng ayuntamiento at palasyo. Kaya naging dahilan din iyon upang lalo pang dumoble ang bilang ng mga humahabol sa kanila. Saka sentro rin ng kapangyarihan ng pamahalaan ang Intramuros at nasa loob sila ng balwarte ni Iñigo na tanging ang kapangyarihan lamang nito bilang Gobernador-Heneral ang kinikilala ng mga guwardiya sibil. Wala silang takas!

"Paano tayo makalalabas dito? Alam mo namang napalilibutan din ng mga guwardiya sibil ang lahat ng lagusan palabas ng Intramuros!"

"Halika! Lumiko tayo rito!"

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon