Kabanata 21

24.1K 1.4K 593
                                    

NASA loob ng opisina sa Hacienda Rueda ang Gobernador-Heneral. Kasalukuyang binabasa ng binata ang mga dokumento tungkol sa pagkakakilanlan ng mga tagapagsilbing nagtatrabaho sa Hacienda Rueda. Subalit wala sa mga kalatas na iyon ang pansin ng binata. Paulit-ulit na gumugulo sa dilidili ng Gobernador-Heneral si Maria. Kahapon pa nawawala ang Binibini. Hanggang ngayon ay wala pa ring nakukuhang balita ang binata mula sa mga guwardiya sibil kung na saan ang kinaroroonan ng dalaga.

Aminado ang Gobernador-Heneral na hindi nito naibigan ang ginawang pagtakas ng Binibini. Ngunit sa kabilang bahagi ng isip ay tila ba nakaramdam ng kakulangan sa sarili ang binata na hindi nito maipaliwanag kung bakit ganoon ang nadarama. Wala nang ibang mahihiling pa ang binata sa lahat ng mga bagay na tinatamasa sa buhay. Isa nang Gobernador-Heneral si Lucas. Mayroong maayos na pamilya, may salapi, at maraming ari-arian sa Espanya.

Subalit hindi mawari ng gunamgunam kung bakit ganoon na lamang ang nadaramang kalumbayan nang tumakas si Maria. Sa ilang linggong pananatili ng Binibini sa Hacienda Rueda, tanging kay Maria lamang nadama ng Gobernador-Heneral ang kakaibang kasiyahan sa puso. Maligaya naman ang Gobernador-Heneral sa pamilyang kinabibilangan. Subalit may mga pagkakataong nakadarama ang binata ng lumbay at kakulangan sa pagkatao.

Nang magsalubong ang mga landas nila ni Maria, may mga bagay na tanging ang dalaga lamang ang nakapagbibigay ng kapanatagan sa kalooban ni Lucas sa kabila ng kaibahan at kakulitang hatid ng Binibini. Kahit na pakiramdam ng Gobernador-Heneral ay pinagtaksilan ito ni Maria, may bahagi pa rin sa sarili ng binata na labis-labis nitong ikinababahala. Hindi kabisado ng dalaga ang pasikot-sikot na mga pook sa Maynila. Nababahala rin ang Gobernador-Heneral na maaaring maulit na naman ang naganap na panganib na muntik nang ikapahamak ng Binibini.

Isa pa sa gumugulo sa isip ng Gobernador-Heneral ay kung paano nagawang makatakas ni Maria nang hindi napupuna ng mga nakatalagang guwardiya sibil? Tiniyak din ng binata na maging ang tapat ng durungawan sa silid ni Maria ay mayroong mga guwardiya sibil na nagbabantay. Kataka-taka na hindi napuna ng tatlong guwardiya sibil ang pagtakas nito. Maliban na lamang kung mayroong tumulong sa Binibini upang makatakas.

Ngunit sino? Sino ang taong iyon na maaaring tumulong kay Maria? Sumagi sa isip ng binata si Clarita. Iyon lamang ang tagapagsilbing hinahayaan ng Gobernador-Heneral na makapasok sa loob ng silid ni Maria. Kapuna-puna rin ang pagiging malapit sa isa't isa ng dalawa na tila magkapatid na ang turingan. Kaya hinayaan ng binata na isama si Clarita kagabi sa Hacienda Emerencia sapagkat iyon ang nais ni Maria.

Subalit imposibleng tulungan ng tagapagsilbing iyon si Maria. Ilang beses binilinan ng Gobernador-Heneral si Clarita na bantayan nang maigi ang Binibini. Kaya batid ng binata na hindi iyon magagawa ng tagapagsilbi. Batid ng Gobernador-Heneral na tapat sa kanya ang lahat ng mga tagapagsilbi sa Hacienda Rueda maliban na lamang sa isang sukab na nagbabalat-kayo.

Tapos nang basahin ng Gobernador-Heneral ang himaton ng mga tagapagsilbing nagtatrabaho sa Hacienda Rueda. Subalit wala sa mga iyon ang pangalan ni Clara Margarita de Lara y Ruiz sa mga kalatas na naroroon. Lalong umigting ang galit na nadarama ng binata sa nagngangalang Rafael. Sapagkat hindi pa rin makakilos at makapagsagawa ng hakbang ang Gobernador-Heneral kung paano nito tutugisin ang pangkat ng rebeldeng iyon.

Hangga't hindi nababatid ng Gobernador-Heneral kung sino sa mga tagapagsilbi ang kapatid ni Rafael ay patuloy na mangangapa ang binata sa kawalan. Isang mahinang katok mula sa labas ng opisina ang pumukaw mula sa malalim na pag-iisip ng Gobernador-Heneral.

"Tuloy. Bukas iyan." Pagbibigay pahintulot ng Gobernador-Heneral.

Maingat namang bumukas ang pinto ng opisina saka pumasok sa loob ng silid si Clarita. "Magandang araw po, Senyorito."

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon