Kabanata 49

15.3K 860 545
                                    

HINGAL na hingal na huminto si Lolita sa tapat uli ng bahay ni Rafael. Suot pa rin ang puting traje de boda habang hawak ng kaliwa nitong kamay ang bungkos ng mga bulaklak bago nagmamadaling kinatok ng isa niyang kamay ang pinto.

"Sino iyan?" Kaagad ding napahinto sa pagsasalita si Rafael nang sa pagbukas nito ng pinto ay muli na naman siya nitong nakita. "Binibini—"

Doon na tuluyang nawalan ng sasabihin si Rafael nang walang paalam niyang niyakap ito nang mahigpit. Narinig pa niya ang mahina nitong pagsinghap nang bahagya niyang nasagi ang sugat nito. Wala siyang pakialam kung anuman ang tumatakbo ngayon sa isip ni Rafael. Ang mahalaga sa kanya nang mga sandaling yaon ay makasama niya ang Tenyente.

"B-Binibini? Ano na naman ang ginagawa mo rito?" May himig na ng iritasyon ang tinig ni Rafael nang sa wakas ay nagawa siya nitong mailayo nang bahagya. "Nais mo ba talaga akong malagay na naman sa alanganin? Pinagbigyan ko na ang iyong kapritsuhan kanina kaya kung maaari sana ay huwag mo na akong guluhin. Balikan mo na ang iyong asawa—"

"Iniibig kita, Rafael."

Lakas loob na pahayag ni Lolita habang nakatitig sa mga mata nito. Iyon na ang napakalaking kahihiyang kanyang ginawa sa buong buhay niya. Alam niyang hindi tama na babae ang unang nagtatapat ng damdamin sa isang lalaki, ngunit wala na siyang ibang maisip na paraan kung paano niya maipararating ang kanyang tunay na damdamin sa binata. Kaya nakakahiya man ay ginawa pa rin niya ang gawain dapat ng isang lalaki.

Gaya niya ay nakatitig lamang din sa kanya si Rafael. Wala siyang nakuhang tugon mula rito. Datapwat, sa kabila ng blangkong ekspresyon nito sa mukha ay alam niyang hindi nito inasahan ang kanyang ipinagtapat. Kaya minarapat niyang muling magsalita at ipaliwanag ang lahat.

"Ang buong akala ko noon ay ikaw si Lucas kaya sinubukan kong samantalahin ang pagkakataong iyon upang makasama siya. Subalit hindi ko inasahan na ikaw pala ang naghatid sa akin sa pagamutan na iyon noong ako ay walang malay kaya't nagawa kong mahagkan ang maling tao."

Bahagya pang iniyuko ni Lolita ang kanyang ulo upang ikubli ang pamumula ng magkabila niyang pisngi nang muling manumbalik sa kanyang gunita ang tagpong iyon. Dahil sa labis na kahihiyang kanyang naramdaman ay nagawa pa niyang masampal noon si Rafael na nang mga oras na iyon ay wala namang ginagawang masama ang binata laban sa kanya at binabantayan lamang siya.

"H-Hindi na kasi iyon nawaglit sa aking isip. Paulit-ulit iyong nanunumbalik sa aking gunita. Subalit nagawa ko namang ibaon iyon sa limot. Ngunit isang araw, muli na namang nagtagpo ang ating landas. Iyon ang araw na ibinalik mo sa akin ang nawawala kong panyolita. Noong una, inaamin kong labis akong nainis dahil muli mo na namang ipinaalala sa akin ang pagkakamaling iyon. Iniibig ko pa nang mga oras na iyon ang Gobernador-Heneral at iyon ang isa sa ikinabahala ko. Binalot ako ng takot na malaman niya ang tungkol sa kaganapang iyon kaya ganoon na lamang ang aking inis nararamdaman sa iyo. Lalo pang tumindi ang aking inis sa iyo sapagkat ikaw lamang ang indio na kay lakas ng loob upang ako ay pabalang na sagutin o kausapin. Ngunit sa tuwing nagtatagpo ang ating landas, may mga kakaiba akong nararamdaman kapag nariyan ka lamang sa paligid. Mga damdamin na noon ay pinipilit kong isawalang bahala o huwag pansinin. Hanggang sa sinampal na lamang ako isang araw na unti-unti na kitang nagugustuhan. Palagi na kitang iniisip at hinahanap. Halos hindi ako mapakali sa pagbabaka sakali na sana utusan ka uli ng Gobernador-Heneral upang sa ganoon ay mayroon kang dahilan upang makabalik ka uli sa aming hacienda. Upang muli kitang masilayan at makausap. Kahit nauuwi ang ating pag-uusap sa pagtatalo at hindi pagkakaunawaan ay nagmistula iyong magandang alaala sa akin. Sapagkat iyon lamang ang tangi kong paraan upang makuha ko ang iyong mailap na pansin. Sa iyo ko lamang naramdaman ang ganito na hindi nagawa ng Gobernador-Heneral. Kaya masamang-masama ang aking loob sa tuwing tinatawag mo akong Binibini. Dahil sa tuwing ginagawa mo iyon, nakikita ko kung gaano kalaki ang agwat natin sa isa't isa at nahihirapan akong abutin ka."

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon