Kabanata 3

17.5K 428 70
                                    



Itiningala ko ang ulo ko at nakita ang isang 'Victory Liner' na tanda na nandito na ako, na'sa tamang lugar nga ako ayon sa tinanungan kong lalaki kanina.

Apat na araw na simula ng lumisan ako ng probinsiya namin at mag-iwan kay lola ng isang sulat na nagsasabing pumanaw na si Tata at kuya... inilagay ko din sa sulat kong 'yon kung saan nila matatagpuan 'yong bangkay. 

Sinigurado kong nabasa iyon ni lola bago ako umalis, hindi ko maipaliwanag kung gaano ko kagustong takbuhin noon si Lola habang nagtatago sa likod ng isang truck at pinapanood siya na humahagulgol ng sobra. Gusto ko siyang lapitan... gusto kong ring may masandalan kasi tingin ko sasabog na ako sa sakit pero hindi ako makakatulog kung alam kong ilalapit ko pa sa iba kong kamg-anak iyong masasamang tao.

Hindi ko alam ang habol nila.

Hindi ko alam kung bakit nila gustong sirain ang buhay ko.

Ang tanging alam ko lang ay gusto ko nang sumama sa itaas kila Tata,Mama at kuya pero sa dalawang beses na subok ko sa loob lang ng apat na araw ay hindi ko magawa-gawa.

Laging nangingibabaw iyong takot.

Hindi takot dahil sa sakit na mararamdaman ko o kung anong mang mangyayari sa katawan ko... sa totoo lang ay wala na akong paki doon, natatakot lang ako na hindi sila matuwa sa'kin habang pinapanood nila ako sa taas.

Ayon na lang ang tanging iniisip ko.

Wala man si Tata at Mama sa tabi ko ay rinig na rinig ko pa rin ang mga pangaral nila, wala na sila pero takot na takot pa rin akong suwayin sila, alam kong 'di sila matutuwa sa'kin kung kikitilin ko ang sarili kong buhay.

Kaya ako ngayon? Eto--- nagdudusa. Walang alam sa mundo at ilang beses na naloko.

Bakit ba kasi ang bobo ko?

Akala ko noong gabi na pumunta ang mga masasamang lalaki sa kubo namin ay ayon na rin ang gabing mamamatay ako pero nagkakamali ako... hindi ko rin alam kung bakit ako gumapang sa putikan upang makalabas ng lote namin, hindi ko alam kung bakit pa ako nagsumikap na mabuhay, hindi ba't gusto ko na rin makasama sila Mama, Tata at Kuya?

Hindi naman ako mapupunta sa impyerno kung papatayin nila ako 'diba? Ayon sa pangangaral ng pastor sa bayan ay ang mga taong kumikitil lamang sa sarili nilang buhay ang ganoon... kaya ngayon ay lagi kong naiisip bakit hindi ko na lang hinayaan na matagpuan nila ako?

Bakit hindi ko na lang hinayaan noong gabing iyon na matapos na ang mga pagdudusa ko?

Naglilingkod naman ako sa diyos, kahit malayo ang simbahan sa bayan ay lagi kami doon pumunupunta ni kuya. Mabuti rin naman akong anak, kahit kailan ay hindi ko sinagot ang magulang ko, hindi rin ako sumuway at kahit makulit si kuya ay pinaparamdam ko naman na mahal na mahal ko siya.

Kaya bakit ako?

Bakit ako pa na bobo? Bakit ako pa na mahina at walang alam sa mundo? Bakit niya hinahayaang mangyari sa'kin ang lahat nang ito?

Isa ba 'to sa mga 'plano' niya para sa'kin? Kung ganon naman pala... isa siyang malaking kalokohan at hinding-hindi na ulit ako lalapit sa kanya.

Hindi ba't diyos siya? Kung ganoon, bakit hinayaan niya na mamatay ang Tata at kuya ko sa ganoong paraan? Bakit hinayaan niya 'yong dalawang 'yon na sinasamba naman siya ng buong puso na magkaroon ng malupit na kapalaran? 

Siguro...siguro hindi nga siya totoo.

Kasi kung totoo siya? Hinding-hindi niya hahayaang mangyari ang ganoong trahedya sa isang mang-mang na tulad ko kasi alam niyang hindi ko makakayanan.

That Probinsiyana Girlحيث تعيش القصص. اكتشف الآن