Chapter Eight

1K 45 7
                                    



ANG kaninang katahimikan sa CR ay pinuno ng paghikbi ng kung sinoman ang nasa katabing cubicle. Umaalingawngaw iyon. Naisip ni Julia na marahil ay close friend o kamag-anak ito ni Jessica.

Napanatag naman siya dahil at least ay hindi siya mag-isa roon sa CR. Dahil hindi niya maipaliwanag kung bakit muling nananariwa sa sistema niya ang takot na naramdaman niya noong gabing magkakasama sila sa bahay nina Vanessa. Simula noong gabing iyon ay hindi na siya mapalagay. Na para bang palaging na lang ay may nag-aambang masamang mangyayari.

Hindi niya alam kung coincidence lamang ang lahat. Pero dalawang kaibigan na niya ang namamatay.

At naroon pa rin ang masamang kutob na iyon na hindi naaalis sa kanya.

Naagaw ng paghikbi ang tinatakbo ng isip niya nang lumakas iyon.

Parang hindi na normal.

Tumayo na si Julia nang matapos siya. Itinaas at inayos niya kanyang pantalon at saka lumabas ng cubicle. Nagtuloy siya sa wash area.

Ngunit natigilan siya sa ginagawa niya.

Dahil ang kaninang mga paghikbi ay naging pagtawa. Naguguluhang nilingon niya ang cubicle na pinanggagalingan niyon.

"Miss?" aniya na nagtataka.

Huminto ang pagtawa.

Naghintay si Julia ng may sasagot.

Ngunit tanging katahimikan lamang ang sumunod.

Mayamaya'y napansin niya na may gumuguhit na pulang likido sa puting tiled floor na nagmumula sa loob ng cubicle...

Dugo iyon!

Bigla siyang nataranta at agad na kinatok ang cubicle.

"Miss?! Miss?!" Sunod-sunod ang pagkatok ni Julia. Nag-alala siya kung napano na ang nasa loob. Ngunit nang walang sumasagot ay tinangka na niyang buksan ang pinto.

At gayon na lamang ang labis na hilakbot ni Julia nang mabungaran niyang walang tao roon!

Ngunit ang bakas ng maraming dugo sa sahig ay naroon pa rin. Naaamoy niya ang tila amoy kalawang na lansa niyon.

Pakiramdam niya ay sasabog ang ulo niya. Parang biglang umikot ang kanyang paligid habang may malamig na hangin ang nanunoot sa balat niya . Para siyang mababaliw sa biglang takot na sumanib sa buong pagkatao niya.

Nasaan ang taong kanina lamang ay naroon na naririnig niya?

Mabilis siyang tumakbo palabas ng CR. Lakad-takbo ang ginawa niya sa may kadilimang pasilyo kung saan paandap-andap ang mga ilaw.

At parang napigtasan siya ng hininga nang mamatay ang ilaw sa pasilyo at lamunin siya ng dilim. Lalo pa niyang binilisan ang mga hakbang niya.

Ngunit napahinto siya nang muli niyang marinig ang mga paghikbi. Nanggagaling iyon mula sa malayo sa likuran niya. Hanggang sa palakas iyon nang palakas sa pandinig niya na tila ba papalapit sa kanya.

Napaiyak na umusal ng panalangin sa isipan si Julia. Sinikap niyang tumakbo. Walang lingon-lingon. Sa dulo ng madilim na pasilyo ay ang liwanag na nagmumula sa chapel kung saan nakaburol si Jessica.

Ngunit bakit kanina ay mabilis niyang narating ang CR ngunit nang sandaling iyon ay tila ba napakalayo ng babalikan niyan. Habang binibilisan niya ang mga hakbang ay tila ba lumalayo sa paningin niya ang chapel na pinagbuburulan ni Jessica.

Gusto na niyang sumigaw at humingi ng tulong kay Billy. Pakiramdam niya'y tila siya nakakulong siya sa isang bangungot. 

Patuloy na sinusundan si Julia ng mga paghikbi. Palakas iyon nang palakas na para bang malapit na iyon sa likuran niya.

Bigla'y tila siya naitulos sa pasilyo nang marinig niya sa mismong gilid ng tainga niya ang paghikbi.

Hysterical na nagsisisigaw si Julia habang hindi gustong tingnan kung kanino galing ang nakapanghihilakbot na mga hikbi na iyon.

Lalo pang lumakas ang sigaw niya nang maramdaman niyang may kumapit nang mahigpit sa kanyang balikat.

Chain LetterWhere stories live. Discover now