Chapter Sixteen

760 42 6
                                    


"ANO ho?" Hindi agad nagrehistro sa isip ni Julia ang sinabi ng kausap sa cell phone. Sigurado siyang nasa tamang building siya.

"Baka nasa ibang lugar ka, iha, dahil walang 13th floor ang building namin," pag-uulit nito.

May kung anong kaba ang bumundol sa dibdib niya at agad siyang nag-angat ng tingin sa gold plated na numero ng pinto sa harap niya: 1300.

Unti-unting siyang tinakasan ng lakas at naibaba niya ang cell phone sa gilid niya habang rinig niya ang paulit-ulit na pag-'hello?' ng nasa kabilang linya.

Inikot niya ng tingin ang mga katabing unit upang matiyak na mali ang dahilan ng takot niya.

Gayon na lamang ang hilakbot niya nang makita niyang iisang numero lamang ang nakapaskil sa bawat pinto roon: 1300!

Tila siya nasa isang bangungot. Napaangat ang tingin niya sa kisame nang magsimulang umandap-andap ang ilaw roon at nagsimulang mamatay ang ilaw sa pinakadulo ng pasilyo—at naging kasing dilim ng gabi ang dulong bahaging iyon.

Binalot na siya ng lamig. Sunod-sunod na namatay ang mga ilaw at tila ba palapit ang kadiliman sa kanya at gusto siyang lamunin.

Napapitlag siya nang marining niya mula sa likuran ng pinto ang pag-unlock niyon. Mabilis na napaatras siya habang napagmamasdan niya ang dahan-dahang pag-ikot ng door knob.

Kung walang 13th floor sa building na iyon... sino kung gayon ang sumagot sa kanya kanina?

Nanginginig ang mga tuhod na tinakbo niya ang elavator sa palapag na iyon at sunod-sunod ang pagpindot niya sa push button na tila nakasalalay roon ang buhay niya.

Ngunit hindi pa rin gumagana ang elevator.

Narinig niya ang pag-alingawngaw sa katahimikan ng pasilyo ang pag-ingit ng pinto habang bumubukas iyon. Kasunod niyon ay tuluyang nang namatay ang mga ilaw sa pasilyo at nilamon siya ng kadiliman.

"P-please... " Naiiyak sa takot na usal niya habang hindi tinitigilan ang pagpindot sa close door button. Ngunit hindi pa rin umaandar ang elevator.

Wala siyang makita na anuman sa makapal na dilim. Ngunit ramdam niyang hindi siya nag-iisa roon. Pinanayuan na siya ng mga balahibo.

"M-miiiss... Miissss..." anang parating na ang tinig ay tila ba nagmula sa hukay. Mabagal at tila hirap sa pagsasalita na animo'y may pumipiga sa lalamunan nito. Nakaririnig din siya ng tila naglalagatukang mga buto. "H'wag kang umalis, Miss... t-tu-tulungan mo ak-aakooo..."

"Ayoko na..." she cried helplessly. Ang matinding takot niya'y iginupo siya paupo sa sahig.

"Huwag k-kaang umaliiis..." Palapit nang palapit ang ingay ng mga yapak ng paa nito sa kinaroroonan niya at rinig niya ang tila nababaling mga buto sa bawat hakbang nito.

"A-ayoko na..." she cried, covering her face with her hands in fear. Halos malasahan na niya ang luha niya. Hindi siya handa sa kung ano man ang bubungad sa kanya sa dilim. "God, tulungan n'yo 'ko... please..."

Then she heard something. Tila ingay ng makina. Nabuhay ang elavator at sumaboy ang liwanag nang sumindi ang ilaw roon. Halos hampasin niya and close door button sa gilid niya.

Nabuhayan si Julia ng loob nang magresponde ang elevator at dahan-dahang magsara ang mga pinto niyon. Napakapit siya sa dingding at sinikap na likumin ang lakas upang makatayo.

Ngunit muli siyang bumagsak sa sahig sa gulat nang may kamay na humarang sa pagsara ng mga pinto ng elavator! Naghihihiyaw siya.

"Miss..."

Nanlaki ang mga mata niya nang bumungad sa kanya ang humahangos na matandang security guard ng building. Bakas sa mukha nito ang labis na pagtataka sa kanya. Doon lamang napatid ang sigaw niya.

"Ayos ka lang, Miss?" naguguluhang tanong nito nang tuluyan itong pumasok sa loob ng elevator at tulungan siya sa pagtayo.

Napakapit si Julia sa security guard upang kumuha ng suporta dahil pakiramdam niya'y igugupo siya ng nanginginig niyang mga tuhod.

"Miss, ano bang nangyari sa 'yo? Ang lamig ng mga kamay mo," komento nito habang iginiya siya palabas ng elevator. Noong una'y nag-alinlangan pa siyang sumunod dito dahil sa takot. Ngunit maliwanag na sa buong palapag. Wala na ang tila mabigat na pakiramdam sa paligid.

Pinagpag niya ang mga alikabok sa pantalon niya at mabilis na tinuyo ng manggas ng suot niyang shirt ang mga luha niya. Sandaling inayos din niya ang strap ng shoulder bag niya sa balikat niya. Wala siyang naitugon sa tanong ng security guard. Hindi niya alam kung paano niya ipaliliwanag ang nangyari.

"Umalis na tayo rito, manong, please lang..." she finally found her voice. Bakas sa boses ang takot at hindi bumibitiw sa pagkakakapit sa matanda. Hindi pa rin bumabalik sa normal ang pintig ng dibdib niya.

Nang matapos siyang alalayan ng security guard ay hinarap siya nito. Nakatingin ito sa kanya at ang anyo ay labis na naguguluhan. "Hindi ba't sabi mo'y sadya mo ang mga Sandoval?" anito.

Sunod-sunod ang naging pagtango ni Julia bilang tugon.

"Kanina ka pa nasa 15th floor."

Napayakap siya sa sarili nang muli siyang balutin ng lamig. Inikot niya ng tingin ang paligid, naghahanap ng tanda na nasa tamang palapag nga sila.

Nagsalubong ang mga kilay ng matandang security guard. Ang tinging ipinupukol nito sa kanya ay tila ba siya nasisiraan ng bait.

"Sigurado ka bang ayos ka lang? Wala ka bang sakit o ano?" paniniyak nito at napakamot ng batok. "Natawag mo 'yong atensyon ko sa CCTV." Itinuro ng security guard ang CCTV camera sa loob ng elevator. "Nakita ko na nagloko ang elevator pagdating sa 15th floor. Pero ang ipinagtataka ko, e, hindi ka lumalabas. Siguro'y halos fifteen minutes ka na sa loob ng elevator. Nakita ko may kinausap ka sa cell phone tapos biglang para ka na lang nag-panic at pinagpipindot mo ang mga button. Kaya ako napatakbo paakyat para alamin kung ano ang nangyayari sa 'yo."

Napahigpit ang yakap ni Julia sa sarili. Muli na namang bumibilis ang kabog sa dibdib niya. Hindi niya mapaniwalaan ang narinig niya.

"P-pero, manong, kasi..." Hindi maaari ang sinasabi nito. Dahil inikot pa niya ang buong palapag upang mahanap ang fire exit. Malinaw pa sa isip niya ang boses ng kausap niya kanina sa isa sa mga unit. Gusto man niyang ipaliwanag dito ang nakita at naranasan niya'y tiyak niyang iisipin lamang nito na nababaliw siya.

Muling napakamot ng batok ang security guard at hinawakan siya sa balikat. "Halika't ako na ang maghahatid sa 'yo sa mga Sandoval."

Doon lamang siya natinag sa puwesto niya.

Chain LetterWhere stories live. Discover now