Chapter Fifteen

1.1K 55 11
                                    


RINIG ni Julia ang pag-ugong ng may kalumaang elevator habang mabagal na umaangat iyon. Marahang umaalog siya at hindi maiwasang mag-aalala na baka iyon bumigay. Siya lamang ang laman ng maliit at may kakitirang elevator na marahil ay hanggang limang tao lamang ang maaaring magkasya.

Ang tingin niya'y nakaangat sa matingkad na pulang digital na numero sa gilid ng mga pintuan. Sinasabayan sa isip ang pagbilang sa numerong paakyat sa bawat palapag ng apartment building kung saan nakatira ang mga Sandoval.

Nakapagpasya siya kagabi na hanapin sa contacts sa cell phone ni Marco ang sinoman sa pamilya nito upang maibigay ang cell phone. Nahanap niya roon ang numero ng ina nito.

Kaagad niyang tinawagan si Mrs. Sandoval gamit ang kanyang numero at hiniling nito na ibigay kaagad ang cell phone ng anak.

Alam niyang hindi sapat ang naging paliwanag niya kay Mrs. Sandoval kung paanong nasa kanya ang cell phone. Hindi niya alam kung anong bahagi ng mga totoong nangyayari ang dapat lamang na ibahagi niya. Pero denelete niya ang text message mula kay Karina Ramos. Naisip niyang hindi iyon makatutulong sa kalagayan ng naulilang ina.

Sa isang lumang tenement sa North Hill nakatira ang mga Sandoval. Noong bago pa lamang siyang dating sa North Hill ay marami na siyang naririnig na mga katatakutang kuwento tungkol sa tenement na iyon. Mostly from Joshua. Dati raw kasing tapunan ng mga patay na Pilipinong sundalo noong panahon ng Hapon ang kinatitirikan ng tenement na iyon.

Sa labas pa lang ay na-creepy-han na si Julia sa lugar. Kupas na ang pintura ng mga gusali na para bang pinabayaan na lamang talaga iyon. Nakatirik ang tenement sa mataas na bahagi ng North Hill at tila ba naka-isolate sa lahat. Malayo iyon sa village at mga commercial area. Madalang rin ang mga dumadaang tricycle sa lugar. Kung hindi niya dala ang scooter niya ay tiyak na mahihirapan siyang makarating roon. Biglang napaisip siya kung paanong pumapasok araw-araw sa NHA noon si Marco.

Nakapaligid sa mga lumang gusali ang malawak na bakanteng lote na puro mga nagtataasang talahib. May mga bahagi ng gusali ang hindi na natapos ang construction. Nakaabang na lamang ang kinalawang na mga makakapal na bakal. Bigla niya tuloy pinagsisihan kung bakit noong hapon na siya nagpunta roon. Sana ay hindi siya gabihin sa pag-uwi.

Nawala sa tinatakbo ng isip si Julia nang umandap-andap ang ilaw at biglang huminto ang elevator. Umalog siya nang tuluyang mamatay ang elevator.

May kaba na mabilis niyang pinindot ang push button upang magbukas ang mga pinto. Marahang nagbukas ang mga iyon at walang siyang ideya kung saang palapag siya dinala ng elevator.

Una na siyang sinabihan ng security guard na 'tinotopak' ang elevator. Namamatay na lamang iyon nang kusa kung saang palapag iyon huminto. Kung matiyempuhan siya'y gumamit na lamang daw siya ng hagdan sa fire exit. Nag-iisa lamang ang elevator na iyon sa buong gusali.

Frustrated na nagbuga siya ng hininga nang lumabas siya ng elevator.

Napasilip siya sa kaliwat' kanan ng pasilyo upang hanapin ang fire exit. Ngunit wala siyang nakita. Sinubukan niyang maglibot sa palapag na iyon.

Nakabibingi ang katahimikan sa buong paligid. Tila ba bakante ang bawat unit sa na nadadaanan niya sa hallway. Doon niya rin napagtanto sa room number ng mga pinto na nasa 13th floor pala siya. Nasa 15th floor ang mga Sandoval. Dalawang palapag na lamang pala ang aakyatin niya.

Makalipas ang paglilibot ay nakabalik si Julia kung saan siya unang nanggaling—sa tapat mismo ng elevator. Doon niya napagtanto na paikot ang hallway ng palapag.

Pero wala siyang nakita o nadaanang fire exit man lang. O posible kayang hindi lang niya iyon napansin kanina?

Naisip niya na katokin na lamang ang isang unit doon upang magtanong. Nakadalawang katok siya sa pinto nang marinig niya ang mga palapit na yabag. Huminto ang mga yabag sa likuran ng pinto. Nakita niya mula sa peep hole na may humarang sa liwanag mula sa loob.

"A-anong kailangan mo?" tanong ng isang teenager na babae sa halos paos at pabulong na tinig. Tila ba may sakit ito at nahihirapang magsalita.

"Uhm, sorry sa abala," sagot niya. "Magtatanong lang sana—" nahinto siya sa sinasabi nang mag-ring ang cell phone niya. Kaagad niyang dinukot iyon mula sa bulsa ng nakasukbit na shoulder bag sa balikat niya.

Lumitaw sa screen ang number ni Mrs. Sandoval. Kaagad niyang sinagot iyon.

"Hello po?"

"Si Julia ba ito?" Hindi ang natatandaan niyang boses ng ina ni Marco ang nasa kabilang linya. Mas matanda ang may-ari ng boses.

Sandali siyang naguluhan. "Opo."

"Pinatatawagan ka kasi sa akin ng mama ni Marco," paliwanag ng nasa kabilang linya. "Ang tiyahin niya ito. Nasaan ka na ba, iha?"

"Nandito po ako sa building. Nasa 13th floor lang po ako." Sandaling napatingin siya sa pinto nang marinig niyang tila ina-unlock ng nasa loob ang pinto. "Nagloko po kasi 'yong elevator at dito huminto—"

"Nasaan ka kamo?"

"Sa 13th floor po."

Natahimik ang kabilang linya.

"Hello?"

"Sigurado ka bang tamang address ang napuntahan mo, iha?"

Naguluhan siya sa tanong ng matanda. Pinuntahan niya kung ano ang address na itinext sa kanya ni Mrs. Sandoval. At iyon lamang ang nag-iisang tenement sa North Hill.

"Opo," sagot niya na nasa boses ang pagtataka. "Hindi po ako maaaring magkamali."

"Iha, walang 13th floor ang building namin."

Chain LetterWhere stories live. Discover now