Chapter Thirteen

937 51 7
                                    


INIHINTO ni Julia ang scooter niya sa tapat ng mataas na still gate grill ng bahay ng mga Fajardo. Bitbit ang helmet na bumaba siya upang mag-doorbell.

Nang makauwi siya kanina'y tinawagan niya si Billy sa landline ng mga ito. Ang sabi ng kasambahay na nakasagot ng tawag niya'y nag-iinom ito. Plano niya sanang si Joshua ang puntahan. Ngunit si Billy ang mas malapit sa kanya dahil nasa iisang village lamang sila.

Kailangan niya itong makausap. Desidido siyang hindi palipasin ang gabi na na hindi nakukuha ang mga sagot sa mga tanong niya.

Nakadalawang doorbell siya bago niya matanaw sa pagitan ng mga rehas ang palapit na batang kasambahay ng mga Fajardo na si May-May.

"Si Billy?" bungad niya rito nang pagbuksan siya nito ng gate.

"Nasa gazebo," anito na pinatuloy siya sa bakuran. "Kanina pa nag-iinom 'yon, ate."

"Sina tito't tita?" tanong niya na ang tinutukoy ay ang mga magulang ni Billy.

"Palaging gabi nang umuuwi ang mga iyon. Ang kuya naman niya'y palaging nasa condo ng jowa," paliwanag nito nang magtuloy sila sa unahan ng bahay.

Inilapag ni Julia ang helmet sa ibabaw ng marmol na balustre sa patio at saka siya tumawid papunta sa pool side sa likurang bahay kung nasaan naroon ang gazebo.

"Billy?" tawag niya habang palakad palapit sa gazebo na kinapitan ng makakapal na Bougainvillea. Patay ang ilaw roon ngunit maliwanag naman sa buong pool area.

Nang hindi ito sumagot ay ginagap niya ng kamay ang light switch sa gazebo at binuhay ang ilaw.

Nagtama ang tingin nila ni Billy nang sumabog ang liwanag. Nakabalatay ang lungkot sa mga mata nito.

Nakaupo ito sa sahig at nakapahinga ang mga siko sa sementadong upuan na sinasandalan nito. Ang isang kamay ay may hawak na lata ng Red Horse. Sa tabi nito ay may mga nakatumbang mga lata. Nakarami na rin ito ng nainom.

Napabuntong hiningang humakbang siya sa puwesto nito. Umupo siya sa sinasandalan nito. "Bakit naglalasing ka? Maaga pa ang klase natin bukas," aniya.

"Walang pasok bukas. Pina-cancel ng admin. Hindi mo ba alam?" Medyo slurry na ang pananalita nito. "Magpapamisa raw sa campus bukas." Muli itong tumungga sa lata.

Muli siyang nagbuntong-hininga. Hindi niya alam kung ano na ang sasabihin niya. Paano niya ba dadamayan si Billy ngayong alam niyang dati pala nitong kaibigan si Marco?

"Anong meron, Julia?" mayamaya'y basag ni Billy sa katahimikan. Naroon ang lungkot sa boses nito. "Bakit napapunta ka?"

Yumuko siya at umabot ng isang lata ng beer. Nagbukas at uminom. Hindi niya balak maglasing dahil magda-drive pa siya pauwi. Gusto niya lang damayan ito.

"Bakit hindi mo sinabi sa akin ang totoo?" she asked after a while. Halos napangalahati niya ang beer nang ilapag niya iyon sa inuupuan niya.

Napalingon ito sa kanya. Nagtatanong ang malulungkot na mga mata nito. "Sinabi ang alin?"

"Bakit hindi mo sinabi no'ng una sa akin na kaibigan mo pala si Marco? Na tropa ni'yo siya ni Josh?"

Ang kaninang lungkot sa mga mata nito ay nabahiran ng pagkagulat. Hindi nito inaasahan na alaman niya.

Pagkuwan ay inangat nito ang sarili mula sa sahig at umupo sa tapat niya. Inubos muna nito ang laman ng lata na hawak at saka inihagis sa kung saan na lang.

"Billy, gusto kong malaman," malumanay na sabi niya. "Gulong-gulong na rin kasi ako. Bakit ngayon ko lang nalaman ang tungkol kay Marco?"

Nagyuko ito ng ulo, nakatingin sa mga paa nito. "Dati naming barkada si Marco," panimula nito sa mahinang boses. "Dati silang mag-bestfriend ni Josh. Para na silang magkapatid. Naiinggit pa nga ako noon kasi sobrang close talaga nila." Bahagyang natawa ito sa pag-amin. "But something happened a year ago. Bigla na lang nag-away ang dalawa. Tapos pinapili ako noon ni Josh kung sino ang gusto kong samahan. Pinili ko siya siempre."

Chain LetterWhere stories live. Discover now