Chapter Seventeen

790 42 7
                                    


ILANG lakad lamang mula sa elevator ay nasa tapat na siya ng unit ng mga Sandoval. Ang security guard na ang pumindot ng door bell sa gilid ng pinto na may nakapaskil na gold plated number na 1510.

Hanggang sa mga sandaling iyon ay tuliro pa rin si Julia. Panay ang himas niya sa kanyang mga braso upang magbabaan ang mga nagtatayuan pa rin niyang mga balahibo.

Pilit niyang itinataboy sa isip ang nakapanghihilakbot na tinig ng babaeng nanghihingi ng tulong sa kanya. Nasisiraan na ba siya ng ulo?

Nawala siya sa tinatakbo ng isip nang mabaling ang tingin niya sa matandang babaeng nagbukas ng pinto. Marahil ay ito ang tiyahin ni Marco.

"Ma'am, may bisita kayo," bungad ng security guard. "At condolence po uli sa pamilya n'yo."

Malungkot na tumango lamang ang matandang babae at pagkuwan ay umalis na ang security guard. Doon saka siya nito binalingan ng pansin.

"Ikaw ba si Julia?"

"Opo," mahinang sagot niya

"Ako si Karidad. Ang tiyahin ni Marco. Ang buong akala ko'y naligaw ka na. Tuloy ka." Pinatuloy siya ng matandang babae na sa tingin niya'y nasa mahigit singkuwenta na ang edad. Puti na ang lahat ng buhok nito ngunit mukhang malakas pa ang pangangatawan.

Hindi niya inaasahan na malaki ang loob ng unit bagaman magkasama na ang sala at dining area. Wala masyadong kasangkapan at kagamitan sa loob liban sa lumang sofa set, mataas na glass cabinet na puro Chinese figurines, lumang piano, at isang malaking round table na may Lazy Susan sa dining area. Amoy insenso ang buong paligid. Dinala siya ng tingin niya sa mga umuusok na insenso na nakatirik sa tapat ng ceramic na estatwa ni Budah sa ibabaw ng refrigritator.

"Upo ka." Itinuro ng matanda ang single sofa. Umupo siya roon at agad na kinapa sa shoulder bag ang cell phone ni Marco. Ang totoo'y gusto na niya iabot agad iyon at umuwi. Hindi niya gustong magtagal pa roon. "Gusto mo ba ng juice o tubig?"

"Tubig na lang po," mabilis na sagot niya. Pakiramdam niya'y tuyong-tuyo ang lalamunan niya at hindi pa siya gaanong nahihimasmasan sa mga pangyayari.

"Inaasikaso pa ng mama't papa ni Marco ang bangkay nito sa morgue," malungkot ang boses ni Aling Karidad nang mawala ito tungo sa kusina. "Kung napaaga ka'y baka naabutan mo sila," narinig niyang paliwanag nito. "Nagbilin sila na kung maaari sana'y mahintay mo sila. May mga nais lang silang itanong sa iyo."

Pagbalik nito'y may dala itong baso ng tubig na inilapag nito sa center table sa tapat niya. Umupo ito sa katapat niyang sofa.

Nagpasalamat si Julia at isang inuman na naubos niya ang laman ng baso. Pagkatapos ay inilapag niya ang cell phone sa ibabaw ng mesa at itinulak sa tapat ng matandang babae.

"Hindi po kasi ako maaaring gabihin," paliwanag niya. Hindi rin niya gustong harapin ang mga magulang ni Marco at lalo na ang mga itatanong ng mga ito. Bukod pa sa hindi rin niya alam kung paano ipaliliwanag ang lahat.

Walang salitang inabot ng matandang babae ang cell phone at may ilang sandaling napatitig sa hawak. Nakabalatay sa kulubot na mukha ang labis na kalungkutan. "Napakahirap pa ring paniwalaan. Napakabait na bata pa naman ni Mak-Mak..."

"I'm sorry po."

Nag-angat ng tingin sa kanya ang tiyahin ni Marco. Nangingislap ang mga mata gawa ng mga nag-aambang mga luha. "Paanong napunta nga uli sa 'yo ito?"

"Napulot ko po. Magulo na po kasi 'yong pangyayari, kaya inakala kong akin," paliwanag niya.

Marahang tumango lamang ito. Pagkuwan ay tumayo ito nang mag-ring ang landline.

"Puwede po ba akong maki-CR?" aniya bago puntahan ng matanda ang telepono sa mesita. Ang totoo'y para siyang masusuka sa amoy ng insenso. Gusto lang niyang magbanyo at magbasa ng mukha baka umayos ang pakiramdam niya.

Chain LetterWhere stories live. Discover now