Code Fifty Three: "The Idle of Regrets"
*****
"Makasarili bang matatawag 'yon? Ang asamin na makuha ang isang bagay na tila ba pilit na ipinagkakait sa iyo ng tadhana?"
-----
"Ano sa tingin ninyo? Ginoong Pavel?"
Kasalukuyang nakatayo ang dalagang manika sa harapan ng mga naiwang guho mula sa toldang ginamit sa gabi ng kanilang pagtatanghal kahapon. Mga naglalakihang posteng bakal at mga bato na lang ang nakita niyang nakakalat sa paligid. Gusto sana ni Lala na puntahan ang lugar kung saan namatay si Ginoong Pavel, subalit hindi siya pinayagang makalapit ng mga nakabantay na sundalo. Pansamantala kasi na isinara ang buong plaza at ilang mga apektadong lugar sa bayan nang dahil sa nangyaring pag-atake kahapon. Kaya naman hindi pa pinapayagan ang sinoman na makatapak sa mga lugar na isinailalim ng Agrivan sa state of quaranteen.
Ngunit kung mayroon mang kapansin-pansin sa paligid nang mga sandaling iyon, ito ay walang iba kundi ang mga naglalakihang baging na nakahalo sa buong plaza maging sa mga apektadong lugar. Para tuloy isang malaking gubat ang plaza nang dahil sa mga baging, isa sa mga dahilan kung bakit hindi matapos-tapos ng mga sundalo ang isinasagawa nilang clean-up operation sa buong distrito ng Lavana.
Mga ilang sandali pa ng pananahimik ay nagpasiya na si Lala gawin ang sadya niya sa lugar. Isang puting rosas ang dala niya nang mga oras na iyon upang ihandong sa namayapang si Pavel. Inihagis niya ang puting rosas sa lugar kung saan namatay ang matanda at nag-alay ng maikling panalangin para sa kaluluwa nito.
"Patawarin n'yo sana ako, Ginoong Pavel. Pero..." Wika ni Lala pagkatapos niyang sambitin ang kaniyang panalangin. "Hindi na po ako p'wedeng manatili pa kasama ng mga natitirang kasapi ng Gildea Circus Company. Pagkatapos ng lahat ng mga nangyari kahapon, tingin ko wala na po akong mukha na maihaharap sa kanilang lahat."
Pagkatapos sabihin ni Lala ang nais niyang sabihin ay nagpasiya na siyang lisanin ang lugar. Ngunit sa kahuli-hulihang pagkakataon ay nilingon pa ni Lala ang lugar kung saan namatay si Ginoong Pavel at mahinang nagwika na...
"Oras na po siguro para hanapin ko ang isang bagay na noon ko pa gustong makuha. Oras na po para hanapin ko...ang kamatayan."
-----
Biglang natigilan ang binatang si Fillan sa pagsunod sa alaga niyang si Peanut nang may kakaibang tinig siyang narinig na nakahalo sa ihip ng hangin.
"K-kamatayan?"
Hindi sigurado si Fillan kung imahinasyon n'ya lang ang narinig niyang tinig at ang salitang "kamatayan". Subalit kakaiba ang naramdaman niyang kaba nang marinig niya ang salitang iyon.
"Squeak! Squeak!"
Pansamantalang nabulabog ang malalim na pag-iisip ni Fillan nang tawagin ng munting daga na si Peanut ang kaniyang pansin.
"Ah, oo. Tama ka. Kailagan na nating magmadali. Hanapin na natin si Lala."
At nagpatuloy na ulit si Fillan sa paghahanap niya sa nawawalang manika na si Lala kasama ang alaga niyang daga na si Peanut.
Samantala...
"Hoy, anghel na walang pakpak!" nagmadaling lumapit ang sinner na si Faust sa dating tagapag-ingat na si Grau, na noong mga sandaling iyon ay kasalukuyang kausap ang isa sa mga kasapi ng Gildea Circus upang tumulong sa paghahanap sa nawawalang manika na si Lala.
"Bakit? Anong kailangan mo?" tanong ni Grau sa binatang sinner, pagkatapos ay dumistansya ito ng bahagya sa kausap niya para bigyang-daan ang nais sabihin ng binatang si Faust.
YOU ARE READING
Code Chasers
FantasyWalang kamalay-malay si Fillan na taglay niya ang kapangyarihang magtatakda sa kapalaran ng buong sangkatauhan: Wawasak sa kasalukuyang mundo o lilikha ng panibago. Wala siyang alam tungkol sa kaya niyang gawin... Ni wala siyang anumang ala...
