Ang Nakaraan

22.9K 491 22
                                    

"H-hindi ka ba talaga naniniwala sa mga sinasabi nila tungkol sa akin at sa Inang? Hindi ka ba natatakot na isang tulad ko ang niyaya mong iharap sa dambana?" Halos hindi makatingin si Anunciacion sa kanyang nobyong si Agustin.

Tumawa ito "Kung totoo man ang sinasabi nila na ikaw at ang iyong Inang ay mga mangkukulam ay masaya akong magpapabihag sa inyong kapangyarihan."

Hindi nito nauunawaan ang panig niya... Totoo ang sinasabi ng mga tao. Ang lahi nila ay lahi ng mangkukulam. Alam niya kung paano gamitin ang mga dahon, langis, kandila, at iba't ibang uri ng manyika upang makamit ang kanyang gusto. Itinuro iyon sa kanya ng kanyang inang, maging ang lahat ng orasyon.

Bagaman alam niya ang lahat ng iyon ay hindi niya iyon kailanman ginamit. Iba ang pangarap niya. Lumuwas siya sa siyudad upang magtrabaho. Tatlong taon na nagtrabaho siya bilang kawaksi kay Señor Ovidio, isang sikat na diseñador.

Nang matuklasan nito ang kanyang pagnanais na maging tulad nito ay natuwa ito sa kanya at tinuruan siya. Labis ang naging paghanga nito sa kanyang kahusayan at nangako itong ituturo sa kanya ang lahat ng nalalaman nito sa pagdidisenyo at pananahi ng damit sa kanyang pagbabalik-siyudad. Ngunit hindi na siya nakabalik pa sa siyudad mula nang umuwi siya sa bayan nila, ang Pelaez. Pumanaw ang kanyang ama sa isang aksidente at ang kayang Inang naman ang pinahirapan ng sakit.

Nakilala niya si Agustin isang araw ng Linggo sa labas ng simbahan kung saan siya nagtitinda ng sari-saring kandilang siya mismo ang gumawa upang ipangtawid sa pangangailangan nilang mag-ina. Niligawan siya nito at sa kung anong biro ng tadhana, sa kabila ng kanilang malaking pagkakaiba ay heto at ibig nitong pakasalan siya.

"Seryusohin mo sana ang sinasabi ko, Agustin," pakiusap niya.

Ngumiti ito. "Lumaki ako sa siyudad at ang ideya ng isang mangkukulam ay sadyang mahirap na para sa aking paniwalaan."

Batid niyang moderno ito kung mag-isip dahil laki ito sa siyudad, bagaman sa kanilang bayan isinilang. Apo ito ng gobernador-heneral ng bayan noong panahon ng Kastila. Napakaguwapo nito, dahilan upang marami ang mabighani rito, kabilang na roon si Celestina, anak ng dati niyang amo.

Dati siyang namasukan sa mga magulang ni Celestina bilang kawaksi at noon pa man ay mainit na ang dugo nito sa kanya sa kung anong dahilan. Mas bata ito ng limang taon sa kanya at sunod ito sa luho. Mayroong malaking plantasyon ng iba't ibang pananim ang mga ito. Nakilala nito si Agustin sa siyudad. Sa pagbabalik ni Agustin sa kanilang bayan ay bumalik din si Celestina. Dalagang-dalaga na ito ngayon.

"Subalit nagsasabi ng totoo ang mga tao," pag-amin niya. "Itinuro sa aking lahat ng Inang ang mga dasal at ritwal at kahit hindi ko nagamit ang mga iyon ay alam ko."

"Puwes wala akong pakialam. Mahal kita mula ulo hanggang paa."

"K-kahit higit na maganda at bata sa akin si Celestina?"

Kumunot ang noo nito at biglang ngumiti. "At sino ang nagsabi sa iyong higit siyang maganda sa iyo? Tila ako ang dapat na magtanong sa iyo kung sadyang mas gusto mo ako kumpara kay Pino. Maraming dalaga ang nagkakagusto sa kanya."

Napaingos siya. Ang tinukoy nito ay ang dating manliligaw niya. Namamasukan ito sa plantasyon nina Celestina. Madalas nitong ipinagmamalaki na napakarami nang nasaktan ng latigo nito---iyon ang pinakamalaking tagumpay nito sa mundo.

"Hindi ako kabilang sa mga dalagang iyon. Kung makapagsalita ka'y tila ba hindi ka tumitingin sa salamin. N-Napakaguwapo mo kumpara sa hambog na iyon."

Malakas ang tawa nito. "Marahil ibig ko lamang marinig mula sa iyong mga labi."

"Kung ganoon ay madalas mo nang maririnig mula ngayon... hanggang sa ating pagtanda."

"Kung ganoon ay...?"

Agad siyang tumango, nakangiti. Hinagkan nito ang kanyang mga labi sa kauna-unahang pagkakataon at anong kaligayahan ang bumalot sa puso niya.

Traje de Boda Trilogy 1: Charo (COMPLETED)Where stories live. Discover now