Chapter 3

11.9K 432 5
                                    

"MASYADONG maliit itong bago mong bahay, Diego."

Habang nasa ilalim ng kama ay naririnig ni Iñigo ang usapan sa pagitan ng kanyang ama at ng bagong dating na lalaking tinawag ng kanyang ama bilang "Boss Genaro." Anong takot ang sumakmal sa kanyang dibdib. Ibig niyang proteksiyunan ang kanyang ama ngunit habilin nitong huwag siyang aalis sa ilalim ng kama anuman ang mangyari. Nakatunog ito kanina na mayroong tao sa labas kaya agad siya nitong pinagtago. Nakikita niya ang paa ng mga tao sa silid. Lima ang naroon, kabilang na ang kanyang ama at si Boss Genaro.

"Hindi ko alam kung paano mo ako natagpuan," anang kanyang ama, bakas sa tinig nito ang takot.

"Mahirap para sa 'yong paniwalaan kung inakala mong kaya mo akong sirain. Hindi ba't may anak ka rin? Siguro, mauunawaan mo kung bakit kailangan kong gawin ang ganito---para ito sa anak ko."

"S-Sa batang napulot mo sa pier dahil hindi ka nabigyan ng anak."

"Anak ko si Charo!" ani Boss Genaro. "'Wag na 'wag mo akong babastusin matapos ang ginawa mo! Pinagnakawan mo ako kaya pinalabas mong patay ka na at ngayon, isusumbong mo ako sa isang pipitsuging politiko."

"Tapusin na 'yan, Boss!" wika ng isa pang galit na tinig.

"Patience, Bolivar," si Boss Genaro. Nakakasorpresang marinig ang tono at salita nitong pino para sa pagkakataong iyon.

"Gusto ko nang umalis sa grupo kaya ko nagawa ito. Naipit din lang ako. Hindi kita ninakawan," ang kanyang ama.

"Masyadong maraming katwiran ang isang ito, Boss," mahinahon nang wika ng sa palagay niya ay tinukoy na "Bolivar" ni Genaro.

"Hindi mo kailangang isuplong ako. Marami tayong pinagsamahan, Diego. Malaki rin ang utang-na-loob ko sa 'yo. Hindi ko 'yon malilimutan. Alam mong hindi ko 'yon malilimutan. Kaya hindi ko alam kung bakit ginawa mo ito."

"Hindi puwedeng habang-buhay akong nagtatago. Dapat mong maunawaan."

"Nauunawaan ko, hindi makitid ang isip ko. Nagkataon lang na hindi ko mapapayagan ang gusto mong mangyari... Ang anak mo, ilang taon na siya?"

"Onse anyos na si Teresa. Hindi mo siya kailangang idamay, wala siyang alam," anang kanyang ama. Natitiyak niyang kaya hindi nito sinabi ang totoo niyang pangalan ay upang proteksiyunan siya. Noon pa nito nabanggit sa kanya na kaya kailangan siya itong iwanan sa pangangalaga ng kanyang tiyahin ay dahil sa trabaho nito.

Kaya lamang siya naroon sa pinagtataguan nitong bahay ay dahil kaarawan niya. Bukas ay susunduin siya ng kanyang tiyang sa istasyon ng bus, habang ang kanyang ama tutungo na sa Maynila, kung saan itatago ito ng isang opisyal ng gobyerno. Mas makabubuti raw iyon kaysa nagtatago ito nang walang tulong mula sa ibang tao na siyang gusto nito noong una kaya naroon ito sa kubong iyon.

"Kawawa naman si Teresa, kung ganoon. Patay na ang asawa mo, hindi ba? At ang anak mo, nasa pangangalaga ng kapatid mo, tama?"

"O-oo," ang kanyang ama, ngunit ang totoo lamang doon ay pumanaw na ang kanyang ina. Ang tiyang niyang nag-aalaga sa kanya ay kapatid ng kanyang ina. Ang tanging kapatid ng kanyang ama ay isang lalaki, may sarili nang pamilya at isang anak, isang babae na kasing-edad niya na ang pangalan ay Teresa at mayroong diprensiya sa pag-iisip. "Maawa ka sa anak ko. Maawa ka sa kanya. H-hindi siya normal. Nakikiusap ako..." Nakita niyang lumuhod na ito sa sahig. Narinig niya ang hagulgol nito. Noon lamang niya narinig ang kanyang ama na ganoon sapagkat matapang ito. Kahit noon pa ay bihira na silang magkita, sa tuwing may okasyon ay puro kuwento ng katapangan ang salaysay nito. Idolo niya ito, mahal na mahal.

"Naawa ka ba kay Charo?"

"Mananahimik na ako, Boss, basta't pabayaan mo na lang ako."

"Sinungaling 'yan, Boss!" tinig ni Bolivar.

"Hindi ko kayang isugal ang kinabukasan ko at ng anak ko sa kaunting salita mo lang, Diego. Balita kong magkakaroon ka na ng bantay."

"M-may tauhan ka sa kampo ng senador..." sambit ng kanyang ama.

"Talagang maliit ang tingin mo sa akin para hindi maisip ang posibilidad na 'yan. Alam kong marami silang gusto akong gisahin. Hindi ako tanga. Alam mo kung ano ako sa mga politikong 'yan? Ginto. Ang magpapabagsak sa akin, magkakamal ng kapangyarihan at pagkabilib ng taong-bayan. Nagpagamit ka sa mga sakim na 'yon, Diego. Iyon ang pagkakamali mo."

"Nakikiusap ako sa 'yo---"

"Walang mararating."

Naipikit niya ang kanyang mga mata nang makarinig ng dalawang putok ng baril at naitakip niya ang mga palad sa bibig nang makita niya ang katawan ng kanyang amang bumagsak sa sahig, paharap sa kanya, dilat ang mga mata, naliligo sa sarili nitong dugo.

Narinig niyang nagmura si Boss Genaro, saka niya nakita ang mga paa ng mga naroon na naglakad na palabas at nakarinig siya ng putok ng baril mula sa labas. Mayamaya pa ay nakaamoy siya ng gaas. Sumunod niyang nakita ang mataas na apoy na bumalot sa kubo. Nasamid siya sa usok na agad bumalot doon. Pilit niyang kinayang ilabas doon ang kanyang ama ngunit dahil maliit siya ay hindi niya ito makayang buhatin. Bumagsak ang pamakuan ng kisame sa kanyang balikat. Napahiyaw siya sa sakit at agad na napatakbo sa labas ng bahay. Gumulong siya sa damuhan upang mapuksa ang apoy sa kanyang damit. May dugo sa lupa, dugong hindi mula sa kanya, ngunit hindi na mahalaga iyon.

Nagtangka siyang muling pumasok sa kubo ngunit nabagsakan na ng kahoy ang pinto. Tinungo niya ang balon at pilit binuhusan ng tubig ang kubo ngunit walang magawa ang maliit na salukan ng tubig laban sa mataas na apoy. Patuloy ang pag-agos ng kanyang luha habang nakamasid sa nasusunog na kubo.

"Tatay..." sambit niya.

Nanatili siya sa kanyang kinatatayuan hanggang sa unti-unti nang mapuksa ang apoy sa kawalan ng ibang masusunog niyon. Malayo sa kakahuyan ang bahay. Nagsimula nang magliwanag at animo makapal ang hamog sa bahaging iyon, usok mula sa nasunog na bahay.

Naroon ang labi ng kanyang ama. Hindi niya iyon kayang hawakan, tila hindi na iyon ang kanyang ama. Animo karneng nasunog iyon, wala nang pagkilanlan. Halos wala sa sariling nagtungo siya sa istasyon ng bus at doon ay nakita niya ang kanyang tiyahing agad na nag-alala sa kanyang kalagayan. Binilhan siya nito ng damit at pinakain ngunit hindi niya nagalaw iyon.

"Ano ang nangyari, Iñigo?"

"Pinatay nila ang Tatay at sinunog. Si Genaro ang may gawa... Lahat ng ginawa niya kay Tatay, doble ang gagawin ko sa kanya. Isinusumpa ko, Tiyang."

"Maghunos-dili ka sa sinasabi mo, anak."

Hindi siya umimik. Darating ang panahong mababaligtad ang sitwasyon at si Genaro ang maninikluhod sa kanya sa paghingi ng awa. At hindi niya iyon ibibigay dito.

Lumipas ang ilang linggo at dinalaw silang magtiyahin ng kanyang tiyuhin sa ama. Dala nito ang isang bag na puno ng pera. May isang taong nagdala niyon dito, kasama ang impormasyon kung saan nakalibing ang kanyang ama. Ayon daw sa nagdala ng pera ay ipinatago iyon dito ng kanyang ama na pumanaw daw sa isang sunog. Ngunit alam niya ang katotohanan.

Isang bag ng salapi, kapalit ng hustisya, pangtawid sa konsensiya ni Genaro. Hinding-hindi magiging sapat iyon kailanman. Hinding-hindi.

Traje de Boda Trilogy 1: Charo (COMPLETED)Where stories live. Discover now