Chapter 30

9.1K 299 5
                                    

"TAPUSIN na 'yan, Boss!" wika ni Bolivar kay Genaro. Kanina pa ito sasakyan gigil na gigil kay Diego. Nagtraidor si Diego sa kanilang organisasyon. Ibig nitong isuplong sila.

"Patience, Bolivar," aniya rito.

Nagpalitan sila ng salita ni Diego hanggang sa makiusap ito. "Maawa ka sa anak ko. Maawa ka sa kanya. H-hindi siya normal. Nakikiusap ako..."

"Naawa ka ba kay Charo?"

"Mananahimik na ako, Boss, basta't pabayaan mo na lang ako."

"Sinungaling 'yan, Boss!" si Bolivar.

"Hindi ko kayang isugal ang kinabukasan ko at ng anak ko sa kaunting salita mo lang, Diego. Balita kong magkakaroon ka na ng bantay." Alam niya, lumapit na ito sa isang senador.

"M-may tauhan ka sa kampo ng senador..." sambit ng kanyang ama.

"Talagang maliit ang tingin mo sa akin para hindi maisip ang posibilidad na 'yan. Alam kong marami silang gusto akong gisahin. Hindi ako tanga. Alam mo kung ano ako sa mga politikong 'yan? Ginto. Ang magpapabagsak sa akin, magkakamal ng kapangyarihan at pagkabilib ng taong-bayan. Nagpagamit ka sa mga sakim na 'yon, Diego. Iyon ang pagkakamali mo."

"Nakikiusap ako sa 'yo---"

"Walang mararating."

Magsasalita pa ito nang paputukan ito ng baril ni Bolivar, dalawa---isa sa puso, isa sa sentido. Anong galit niya. Sapagkat wala siyang balak patayin si Diego. Utang niya rito ang buhay niyang minsan na nitong iligtas, nang gabing mapulot niya si Charo sa pier. Nagduda siya kay Bolivar. Kaninang-kanina pa nito gustong patayin si Diego.

Lumabas na siya sa kubong pinagtataguan ni Diego, kasama ang mga tauhan. Pinaputukan niya ng baril si Bolivar sa pagitan ng hita nito. Anong lakas ng sigaw nito, napaluhod sa lupa.

"Hindi ako tanga, Bolivar. Ikaw ang nagnakaw ng kargamento noon at si Diego ang pinagbagsakan mo ng sisi kaya siya nagtago. Bagay sa 'yo 'yan, balita kong maraming babae ka nang nilapastangan. Magpasalamat kang may utang-na-loob ako sa 'yo, hindi kita papatayin. Dalhin na 'yan kay Doc."

Sumakay na siya sa kanyang kotse, kasama ang mga bodyguards. Tinawagan niya ang kakilala niyang doktor, ang doktor ng mga tauhan niya at siya, ang doktor na hindi nagre-report ng tama ng baril o saksak.

"I don't want Bolivar raping another woman ever again, Doc. Alam mo na ang gagawin." Tinapos niya ang tawag at tinapik ang balikat ng nagmamaneho ng sasakyan. "Hanapin mo ang kapatid ni Diego. May ipabibigay ako sa kanya."

Lalo na siyang nagalit nang malamang sinunog ng mga tauhan niya ang kubo. Nagagalit siya sapagkat batid niyang hindi nababagay kay Diego ang ganoong kamatayan. Nagagalit siya dahil malapit ito sa kanya, malaki ang utang-na-loob niya rito at doon nauwi ang lahat. Ngunit wala na siyang magagawa pa. Umaasa na lamang siyang mapabuti ang anak nito sa perang ibinigay niya.

Traje de Boda Trilogy 1: Charo (COMPLETED)Where stories live. Discover now