Chapter 1

12.9K 490 11
                                    

"Traidor ka, Ernesto!" bulyaw ni Genaro, hawak ang kanyang baril. Itinutok niya iyon sa pagitan ng dalawang malalaking cargo container, batid niyang naroon ang traidor niyang kanang-kamay.

Noon mayroong putok ng baril ang umalingawngaw at nabitiwan niya ang kanyang baril sa pagtama ng bala sa kanyang balikat. Pawisang nagpalinga-linga siya. Ang mga bataan niya ay mukhang naubos na ng mga tauhan ng NBI na batid niyang hindi tapat sa tungkulin ng mga ito.

Ang laban na iyon, ang barilan na iyon sa pier dis-oras ng gabi, ay iisa lamang ang dahilan---nagtiwala siya kay Ernesto na ibig palang magkamal ng salapi sa pamamagitan niya. Mayroon siyang isang container na naglalaman ng ilegal na armas. Matagal na nilang gawain ang ganoon at nasa bulsa niya ang mga opisyales ng pier at customs, kabilang na ang ibang kapulisan. Ngunit nakakita ng kakampi si Ernesto sa NBI. Hindi siya naniniwalang ipapaalam ng mga ito sa awtoridad ang lahat ng iyon, bagkus ay sasarilinin ang mga kargamento. Nagkubli siya sa likod ng malaking container, hapo sa pagod at sakit ng tama sa kanya.

"Tinamaan mo ba?" anang isang tinig.

"Oo, pero nakatakas. Kailangan natin siyang makita, kung hindi bubuwelta siya sa atin at hindi natin maibebenta ang mga armas," tinig ni Ernesto.

Nagngalit siya sa galit ngunit walang magawa. Wala siyang armas at ang tanging hiling niya ay hindi siya makita ng mga ito na parang imposible. Mayamaya ay nakarinig nga siya ng papalapit na yabag at hindi pa nagtagal ay nakita niya si Ernesto. Nakatutok sa kanya ang baril nito.

"Ikaw ang nagturo sa akin na sa negosyong ito ay walang personalan. 'Wag mo na sanang personalin ang lahat. Nagsawa na lang akong maging tau-tauhan mo," anito.

"Akala mo sasantuhin ka ng mga bago mong kakampi? Kung hindi mo napapansin, naubos na rin sila."

"Tatlo na lang kaming natira, pero wala na ni isang humihinga sa mga tauhan mo." Noon may tumunog na putok at napaluhod si Ernesto sa tapat niya.

"Takbo, Boss!" tinig ni Diego, isa sa tauhan niya. Nakita niya itong nakahiga at duguan ilang metro mula sa kanya. Noon pa niya alam na asintado ito, salamat at iniligtas siya nito. Wala siyang sinayang na pagkakataon at agad siyang bumaba sa kinaroronan at maingat na nagtungo sa kinapaparadahan ng kanyang sasakyan.

Bubuksan na niya iyon nang marinig ang tinig na hindi pamilyar sa kanya. "Bubuhayin kita pero ikaw ang aako sa lahat ng nangyari rito kagabi."

Nilingon niya ang nagsalita. Agad niya itong nakilala, ang bise-alkalde ng Maynila. May tangan itong baril na nakatutok sa kanya. Isa ito sa nakakatanggap ng malaking porsiyento sa kita ng kanyang negosyo. Hindi mahirap isipin na ito ang siyang utak ng lahat ng iyon. Nababaliw ito kung iniisip nitong maaagaw nito sa kanya ang negosyo niya nang ganoon na lamang at siya ay magdurusa para roon.

"Ito ang mahirap sa negosyong walang tamang papel, ano, Vice? Kayang maagaw sa 'yo anumang oras. Napakabata mo pa, napakataas na ng ambisyon mo. Nagmula ako sa hirap, nagsikap, nagtapos ng pag-aaral, at nagtayo ng negosyong nagbigay sa akin ng perang higit pa sa kaya kong ubusin. Sa isang iglap, gusto mong agawin sa akin at gusto mo ring ipapasan sa akin ang krimen sa gabing ito na ikaw ang nagpasimula. Masyadong malaki ang bilib mo sa sarili mo."

"Siguro. Pero naniniwala akong mas mahalaga sa 'yo ang buhay mo."

Tumawa siya. "Kung ganoon, talagang hindi mo ako kilala. Wala akong anak, wala akong asawa, wala nang mga magulang. Kalabitin mo na ang gatilyo."

Ipinikit niya ang mga mata, tinanggap nang ang kanyang pride ang dahilan ng kanyang kamatayan. Sa ilang sandali ay binalot ng labis na pagnanais na mabuhay ang kanyang sistema. Mahal pala niya ng higit sa kanyang inaasahan ang kanyang sarili. Ngunit huli na, batid niya.

Noon pumailanlang ang iyak ng isang sanggol---malakas, buhay na buhay. Nagmulat siya ng mata at nakitang naagaw din ng iyak na iyon ang atensiyon ng lalaki at sinamantala niya iyon upang agawin dito ng baril. Mas bihasa siya kumpara rito sa paggamit niyon. Isang siguradong putok ay tiyak niyang wala na siyang magiging problema rito.

Patuloy sa pag-iyak ang sanggol na hindi niya makita kung nasaan. Ibig niyang sundan ang tunog na iyon ngunit batid niyang may isa pang tauhan ang bise-alkalde, ayon na rin kay Ernesto kanina. Nakarinig siya ng magkakasunod na putok at mayamaya ay nakita niyang paika-ikang lumapit sa kanya ang duguang si Diego.

"Kailangan na po nating makatakas, Boss. Baka may parating pa silang tauhan."

Tumango siya. Patuloy ang iyak na naririnig niya at napansin niya ang isang itim na bag sa ibabaw ng isang sasakyang nakaparada ilang dipa mula sa kanila. Mabilis niya iyong kinuha nang makitang may sanggol sa loob niyon.

"Ako na ang magmamaneho, Boss, kaya ko pa," ani Diego.

Tumango siya. Sa likod ng sasakyan ay inilabas niya mula sa bag ang batang nagligtas sa kanya sa gabing iyon. Nang ilapit niya rito ang kanyang daliri ay agad nitong hinawakan iyon. Patuloy itong umiyak at hindi niya alam kung paano ito patatahanin. Inilapit niya ang kamay nito sa bibig nito. Sinimulan nitong supsupin ang hinlalaki nito, dahilan para tumahimik na ito.

"Salamat, anak," sambit niya sa munting anghel.

Traje de Boda Trilogy 1: Charo (COMPLETED)Where stories live. Discover now