Chapter 36

11.2K 376 15
                                    

Nakamasid mula sa ibaba ng lumang bahay si Iñigo. Kahit ikatlong pagkakataon na niyang makarating doon ay halos hindi pa rin siya makapaniwala na doon na ngayon nakatira si Charo. Hindi rin siya makapaniwala sa lahat ng mga nangyari---ang pagsasauli nito ng lahat ng binawi nito sa kanya.

At lalong hindi siya makapaniwala na ikatlong pagkakataon na niyang nagtutungo roon ngunit hindi pa rin siya nagpapakita hanggang ngayon. Hindi niya alam kung ano ang madarama niya. Hanggang ngayon, sa kabila ng payo sa kanya ng tiyahin niyang palayain na ang nakaraan, ay hindi niya tiyak kung tamang gawin iyon. Napakatagal niyang pinlano ang lahat ng ito. Nabuhay siya, nasawi, nagtagumpay na ang tanging hangarin ay ang pabagsakin ang pumaslang sa kanyang ama na nang sabihin ni Charo sa kanyang hindi ito ang totoong may sala ay hindi niya matanggap.

Dapat ba siyang maniwala? Noong una, ayaw niya ngunit ngayon ay parang wala nang dahilan para hindi siya maniwala. Walang pakay si Charo sa pagsasabi noon. Hindi nito makukuha ang kinuha niya mula rito sa pagsasabi noon sa kanya, bagaman nakuha rin nito sa ibang paraan, kasama pati ang tiwala ng tiyahin niya.

May isang panig pa rin ng puso niya ang nahihirapang tanggapin iyon. This was probably the biggest joke the heavens made at his expense.

Ilang ulit na niyang sinisisi ang sarili niya noong hindi niya babain si Charo nang umalis ito sa farm ng tiyahin niya. Masama ang loob niya nang umagang iyon. Maganda ang pinagsamahan nila at hindi niya matanggap ang sinabi nitong masaya na ito kay Alejo, habang siya ay hindi makalimot sa naging pagsasama nila. Hindi niya alam kung magandang panaginip o isang bangungot ang lahat ng panaginip niyang alaala ng kung ano ang mayroon sila.

Magandang panaginip dahil masaya siya noong mga panahong iyon, kahit ikaila niya sa sarili niya. Kakatwang sa kabila ng dami ng mga babaeng nagdaan sa buhay niya na inasikaso rin siya nang husto, itinuring na mahalaga sa buhay ng mga ito, iba ang buhay kasama si Charo. Charo made him feel genuinely cherished and she was happy doing that. Naunawaan niyang iyon ang gusto niyang maging buhay-may asawa. Isang ulirang asawa na hinding-hindi niya inisip na kayang gampanan ni Charo. Nagiging bangungot lamang ang lahat ng iyon kapag nauunawaan niyang ibang lalaki na ang nakatakdang pumalit sa puwesto niya. Nahihirapan siyang tanggapin iyon.

May isang oras na siya sa loob ng sasakyan nang makita niyang papalapit sa kanya ang isang kawaksi. Kumatok iyon sa kanyang bintana at ayaw man niya ay napilitan siyang ibaba iyon.

"Sir, pinapatawag po kayo ni Sir Genaro."

Wala siyang ideya kung paano nalaman na matanda na siya ang sakay ng kotse. Ibang kotse iyon, hindi nito kilalang kanya. Tinted din ang mga bintana niyon. Gayunman ay hindi maaaring hindi siya bababa. He was not a coward.

May nakapa siyang kasiyahan sa dibdib, pananabik na makitang muli si Charo. Ang tanging dahilan kung bakit hindi pa siya umaalis ay dahil hindi pa niya ito nasusulyapan. She made it hard for him to get near her. And Lord knows he tried to stay away. Hindi lang niya kaya.

Nakapasok na siya sa bahay ay hindi niya nakita ang babae. Ang naroon ay ang ama nito. Hinintay niyang dumating sa sistema niya ang galit na noon ay nadarama niya para rito ngunit hindi iyon sumulpot. Naunawaan niya sa mga sandaling iyon na wala na siyang galit dito. Noon lamang niya naunawaan na ang pagdududa sa sinabi ni Charo sa kanya tungkol dito ay nanatiling paimbabaw lamang.

"Pangatlong pagkakataon na kitang nakikita sa ibaba, Iñigo. Sayang ang gasolina." Bahagya itong tumango, itinuro ang upuan.

Doon siya pumuwesto. "How did you know it was me?"

"Nagkandamatay na ang mga kaaway ko noon, at wala rin sigurong kidnapper na magtatangka pa sa aming mag-ama ngayon---malaking ginhawa na wala na kaming bodyguards maliban sa dalawa. Wala akong ibang maisip na maghihintay nang ilang oras para lang masilayan ang dalaga ko."

Traje de Boda Trilogy 1: Charo (COMPLETED)Where stories live. Discover now