PART 1: CHAPTER 1

10.1K 128 3
                                    

NAGHIKAB si Mara kapagkuwan ay nag-inat siya ng mga braso. Ipinaikot-ikot din niya ang kanyang ulo para mawala ang pangangawit ng leeg niya. Marami silang ginawa nang araw na iyon—partikular na siya dahil animo assistant siya ng lahat ng datihang apprentice doon.

"I'm so—o exhausted!" maarteng sabi ng apprentice din na si Paula. Katabi niya ang cubicle nito. Sinipat-sipat nito ang well-manicured na mga kuko nito. "Kung hindi lang dahil kay Jeric, aalis na ako sa trabahong 'to."

Bumuntong-hininga siya. Napatingin siya sa mga papel na nakaipit sa ilalim ng makakapal na folder sa desk niya. Iyon ang mga concept design niya para sa gourmet mini-cake na ipe-present nila sa Annual Food Expo. Naburo na lang ang mga iyon sa desk sa opisina niya dahil wala siyang lakas ng loob na ipakita ang mga iyon sa immediate boss niya dahil so far, ang tanging ipinapagawa pa lang sa kanya ay pag-a-assist sa mga datihan nang apprentice doon at maging "errand girl" ng boss niya.

Pagkatapos niyang mag-resign sa huling trabaho niya magtatatlong buwan pa lang ang nakararaan, pumasok siya bilang apprentice sa The Good Food o TGF dahil pangarap niyang maging isang sikat na patissier balang-araw.

Isa ang TGF sa pinakakilalang food companies sa Pilipinas na ang expertise ay iba't ibang klase ng baked desserts gaya ng cakes and pastries. Ito rin ang commissary ng ilan sa kilalang restaurants, coffee shops, at five-star hotels. Bukod doon, ang Sweetest Thing na isa sa pinakakilalang bakeshop ng top-of-the-line baked desserts ay pag-aari din ng TGF. Iilan lang ang branches ng Sweetest Thing, pero ang lahat ng iyon ay dinarayo ng mga customer.

"You have the talent, Mara. Balang-araw, makikita iyon ng buong mundo. Kapag nangyari iyon, kami ng mommy mo ang unang magiging proud para sa iyo," sabi ng kanyang ama na si Fidel noong magkamit siya ng ikatlong karangalan sa isang baking contest na napilit nitong salihan niya. Ginanap iyon sa bayan nila.

Ang kanyang ama ang naging impluwensiya niya sa hilig niya sa baking. May pag-aari sila noon na isang maliit na bakery sa Bicol. Itinuro nito sa kanya ang lahat ng sekreto nito sa paggawa ng masarap na tinapay at cakes. Ibinibili rin siya nito ng iba't ibang books na may kinalaman sa baking. Namana nito ang galing sa pagbe-bake sa namayapang lolo niya na siyang orihinal na may-ari ng bakery. Pangarap ng kanyang ama na pag-aralin siya sa isang Culinary Arts school balang-araw para daw madagdagan pa ang mga kaalaman niya.

Pero hindi na natupad ang pangarap nito para sa kanya. Namatay ito sa isang vehicular accident bago siya makatuntong sa college. Sa isang iglap, ulilang-lubos na siya. Namatay ang kanyang ina sa panganganak sa kanya. Hindi sapat ang savings nito sa bangko para makapag-aral siya sa kolehiyo o kaya ay ng Culinary Arts. At dahil hindi rin niya kayang mamahala ng isang negosyo, napilitan siyang ibenta ang bakery nila. Pagkatapos niyon ay umalis siya sa Bicol at nag-aral sa Maynila. She believed that she had better opportunities in the city.

Accountancy ang kinuha niyang kurso for practical reasons. Inaamin niyang may mga pagkakataon na parang gusto na niyang i-give up ang pangarap niya, lalo na noong mamatay ang kanyang ama at maiwan siyang mag-isa, pero sa huli, nanaig ang kagustuhan niyang matupad ang pangarap nila ng kanyang ama. Kaya nagpasya siyang mag-ipon ng pera para makapag-aral siya ng Culinary Arts balang-araw. Paunti-unti rin ay pinalawak niya ang kaalaman sa baking sa sariling pagsisikap. Kapag malaki-laki ang sinuweldo niya ay sinusubukan niyang gumawa ng cakes gamit ang cookbooks na binibili niya. F-in-amiliarize din niya ang sarili sa iba't ibang ingredients sa pagbe-bake ng masarap na desserts.

Isang linggo pagkatapos niyang mag-resign sa huli niyang naging trabaho, nakita niya ang advertisement ng TGF. Nangangailangan ang mga ito ng apprentice. Lakas-loob na nag-apply siya kahit wala siyang formal study sa baking. Isang malaking himala para sa kanya na natanggap siya. She believed TGF was the first step to fulfilling her dream. Pero kung titingnan ang nangyayari sa kanya ngayon, hindi niya alam kung paano matutupad ang pangarap niya, lalo pa at magagaling ang chef ng kompanya. Higit sa lahat, "errand girl" pa rin ang papel niya sa kulang-kulang tatlong buwan niyang pagiging apprentice ng TGF.

Of Dreams, Desserts, and Love's Second Chances (Completed)Where stories live. Discover now