CHAPTER 12

2.6K 90 1
                                    

ILANG minuto nang nakasakay sa kotse niya si Icko ay hindi pa rin siya kumikilos. Napatingin uli siya sa labas ng bintana ng kuwarto ni Mara. Hindi niya alam kung bakit pagkagaling niya sa ospital kung saan naka-confine si Rachel ay sa apartment ni Mara niya gustong pumunta. Marahil naisip niyang kapag nakita niya ito ay magiging maayos na ang lahat sa kanya.

Ngayon ay litong-lito na siya sa nararamdaman niya. Kanina nang makita niya si Rachel ay parang dinurog ang puso niya. She looked very thin and pale. Ang sabi ng doktor, sobrang stressed-out daw ito sa dami ng iniisip. Gusto niyang itanong sa kapatid niya kung bakit hindi nito inaalagaan nang maayos si Rachel. But he knew he didn't have the right to do that anymore. Kaya bago pa siya maabutan ng kapatid niya roon ay umalis na siya. Pero masakit pa rin para sa kanya ang ginawa niya. Isang sulyap lang kay Rachel pero tila naparalisa na naman ang puso niya.

And then he thought of Mara. Of how she looked at every suffering, being part of life. Naisip niya, ito lang ang tanging taong makakaintindi sa kanya na hindi siya huhusgahan. Hindi niya alam kung kailan nag-umpisa na tuwing may problema siya, imbes na si Rachel ay si Mara ang gusto niyang makita.

Naalala niya ang halik na iginawad niya rito. Hindi niya alam kung ano ang lumukob sa kanya at hinalikan niya ito. He just knew that kissing her was the right thing to do. Hindi niya alam kung ginagamit lang niya si Mara para makalimutan si Rachel. Ang alam lang niya, nagiging payapa ang kalooban niya kapag nakikita niya ito.

"Icko."

Napadilat siya nang marinig niyang may tumawag sa kanya. Nakababa ang bintana ng kotse niya kaya marahil nakita siya nito.

"Malamig na. Pasok ka muna sa Caramello at ipagbu-brew kita ng kape," nakangiting anyaya nito.

Tumango siya bago lumabas ng sasakyan niya.

TININGNAN ni Icko nang maigi ang mga larawang nakasabit sa dingding ng Caramello. Noong nag-eeksperimento sila ni Mara ng gourmet mini-cake na ilalaban sa competition, palagi lang silang nasa kusina kaya hindi niya gaanong nabigyang-pansin ang mga litrato na nasa wall ng coffee shop. Pulos kuha iyon ni Mang Pilo at ng isang ginang.

"Ako iyan at si Lena, iyong namayapa kong asawa," sabi ni Mang Pilo. Marahil ay nakita nito ang tinitingnan niya.

"Did you love her that much? N-no'ng nawala siya, paano uli kayo nag-umpisa?" He desperately wanted to find out how people move on when the one they love was taken away from them.

Huminga ito nang malalim, tila may inaalalang sandali ng nakaraan nito. "Siguro kasi, wala akong ibang pagpipilian. Hindi naman talaga nawala sa 'kin si Lena. Nasa akin pa rin ang mga alaala ng mga panahong kasama ko siya. Alam mo bang ilang beses na kaming nagkahiwalay bago kami nagpakasal? Hindi ko na mabilang kung ilang beses siyang nakipaghiwalay sa akin."

"You must be a very naughty man," biro niya.

Natawa ito. "Maloko kasi ako noong araw. Lagi ko siyang binabale-wala. Bukod sa kanya ay may iba pa akong kasintahan. Ilang beses na siyang sumuko sa akin. Malakas ang loob ko na gumawa ng kalokohan dahil alam kong sa huli ay hindi rin niya ako matitiis. Pero isang beses, naramdaman ko na seryoso na siya nang sabihin niyang ayaw na niya..."

"'Tapos po?"

"Natakot akong mawala siya. 'Sabi ko, 'di bale nang hindi ako macho sa harap ng mga kaibigan ko, basta kasama ko ang taong tinanggap ako sa kabila ng mga pagkakamali ko."

"Second chances," Icko muttered more to himself.

"Redemption, hijo." Hinawakan ni Mang Pilo ang balikat niya. "Minsan, may importanteng taong darating sa buhay natin na hindi natin pinapahalagahan. Minsan, kapag nawala sila, noon lang natin mapapagtanto ang halaga nila sa buhay natin."

Naalala niya si Rachel. He had also felt that he lost everything when he lost her. Pero malabo nang maging kanya ito. Nitong mga nakaraang araw ay parang nagiging malinaw sa kanya na dapat na siyang mag-move on.

"Kung nawala sa inyo noon si Manang Lena, 'tingin n'yo ho ba ay magmamahal uli kayo?" tanong niya.

The old man looked surprised. Ngumiti ito. "Hindi mo puwedeng limitahan ang puso kung ilang beses niyong kayang magmahal," makahulugang sabi nito.

Napangiti siya. "That's a nice thing to say."

Uminom siya ng kape sa tasa. The coffee was as comforting as Mang Pilo's words. Sa tingin niya ay iyon ang sagot na hinihintay niya.

***

"TEKA, saan n'yo ako dadalhin? Marami pang trabahong dapat tapusin!" reklamo ni Mara kina Rika at Ate Izzy. Bigla na lang kasi siyang hinawakan ng dalawa sa magkabilang braso at itinayo.

"Tse! Half-day lahat kaya half-day ka rin. 'Di kami papayag na maiwan ka. Ikaw kaya ang star of the night!"

May celebration kasi mamayang gabi dahil sa magandang sales ng gourmet mini-cake na ipinanalo niya tatlong linggo na ang nakalipas. Dahil doon ay nagkaroon siya kahit paano ng recognition sa mga officemate niya. Gayunman ay nahihiya siya kapag masyado siyang binibigyang-halaga ng mga ito. Hindi kasi siya sanay na may nag-aabala para sa kanya. Mula nang tulungan siya ni Icko ay nag-360 degrees turn ang ikot ng buhay niya.

"Pagagandahin ka namin para naman matuwa si Sir Icko sa 'yo," sabad ni Ate Izzy. Mukhang binigyan ng mga ito ng malisya ang pagsama-sama ni Icko sa kanya.

"Hindi na gaganda 'yang si Mara. Dapat diyan, i-overhaul," nakataas ang isang kilay na sabad ni Paula. Nang tingnan niya ito ay inirapan siya nito.

Napangiwi siya. Galit pa rin ito sa kanya kahit nagkaayos na sila ni Chef Jeric. Pero hindi niya ito masisisi. Nasa kasintahan ang simpatya nito.

"Sorry, Paula," sabi niya rito.

Iwinasiwas ni Rika ang kamay. "Naku, huwag mong pansinin 'yang babaeng 'yan. Inggit lang 'yan kasi malalagay na agad ang mini-cake mo sa exclusive baked dessert line ng TGF. Bongga, mare! Ibebenta iyon sa lahat ng branch ng Sweetest Thing," sabi pa ni Rika.

"Thanks to Sir Icko," she muttered softly. Biglang nagbalik sa kanya ang gabing hinalikan siya nito. Dagling nag-init ang mga pisngi niya. Lintik na congratulatory kiss, ayaw siyang patahimikin!

Makahulugang nagkatinginan sina Rika at Ate Izzy. "May alam kaming mas magandang 'thank-you' gift. Magic!"

"Ha?"

"Kami na ang bahala sa 'yo. Pambawi namin kasi kaibigan mo kami pero 'di ka namin gaanong nasuportahan noong pinupulaan ka ng iba nating mga kasamahan. Ang sama-sama namin ni Ate Izzy."

Na-touch siya sa sinabi nito. Hinawakan niya ang mga kamay nito. "You were always there for me, kayong dalawa. Masaya ako na naging mga kaibigan ko kayo."

Nginitian siya ng mga ito. Pagkatapos ay hinila na naman siya. "Kaya nga gora na tayo, dali!"

Nagpatangay na lang siya sa mga ito.


Of Dreams, Desserts, and Love's Second Chances (Completed)जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें