CHAPTER 3

3.2K 97 1
                                    

MALAYO-LAYO na ang nalalakad ni Mara mula sa bar sa paghahanap ng masasakyang taxi. Katatapos lang nilang mag-videoke kaya inabot na siya ng gabi sa daan. Nahiya naman siyang sumabay sa isa pa niyang kaopisina at ka-close sa opisina na si Ate Izzy dahil out of way siya.

Kumunot ang noo niya nang may matanaw na isang lalaki na pasuray-suray na naglalakad sa gilid ng kalsada. Mukhang lasing na ito. Nang tila tatawid ito sa kabila ng mga rumaragasang sasakyan ay nataranta siya. Tinakbo agad niya ito at hinawakan sa braso.

"Mama! Mag-ingat po kayo!" malakas na sabi niya rito.

Dahil sa impact ng pagkakahila niya rito ay napasandig ito paharap sa kanya. Nawalan siya ng balanse kaya napaatras siya kasama nito sa isang malaking puno sa likuran niya. Napahiyaw siya nang tumama ang likod ng isang balikat niya sa malaking puno. "Aray ko!"

Akmang aayos siya sa pagkakatayo, pero naiipit siya ng katawan ng lalaking tinulungan niya. Nalanghap niya ang amoy ng alak at sigarilyo mula sa bibig nito, pero nakapagtatakang hindi siya nabahuan dito. Nakasandig ang ulo nito sa isang balikat niya. Umungol ito at akmang yayakapin siya.

Sa pagkataranta niya ay tumili siya nang malakas. Pagkatapos niyon ay itinulak niya ito palayo sa kanya. Umungol ito bago bumagsak sa sementadong daan. Napakagat-labi siya. Nakapatay pa yata siya!

Nag-squat siya sa gilid nito at tinusok-tusok ng daliri ang pisngi nito. Hindi ito gumalaw. Dinama niya ang gilid ng leeg nito kung may pulso pa ito.

Check! Nakahinga siya nang maluwag. Hindi siya nakapatay ng tao.

Nagpalinga-linga siya. Hindi niya ito puwedeng iwang mag-isa sa tabi ng daan. Kailangan na rin niyang umuwi dahil maaga pa ang pasok niya kinabukasan. Hindi niya ito puwedeng iuwi sa studio-type apartment niya dahil ipinagbabawal iyon ng landlady niya.

"Ano'ng gagawin ko sa 'yo?" pagkausap niya rito. Kahit paano ay naaawa siya rito.

Napapitik siya sa hangin nang may ideyang pumasok sa isip niya. Mabilis siyang tumayo at nag-abang ng taxi.

SUNOD-SUNOD na katok sa glass door ang ginawa ni Mara. Nasa tapat siya ng Caramello, isang maliit na coffee shop na napapagitnaan ng isang Korean restaurant at lumang bookstore.

Bahagya siyang humakbang paatras at tumingala para tingnan kung may magbubukas ng ilaw sa second floor. Ang itaas ng coffee shop ang nagsisilbing bahay ng may-ari niyon. Mukhang mahimbing ang tulog ng matanda. Sumigaw siya.

"Pangulo! Yuhooo!"

Nang hindi pa rin umilaw ang silid ay mas nilakasan niya ang pagkatok at sumigaw uli siya. Nakahinga siya nang maluwag nang bumukas na ang ilaw sa second floor, kasunod niyon ay sumilip sa bintana ang nakatira doon.

"Sino ba yan?" sigaw nito.

"Si Mara po, Pangulo!"

Umalis ito sa pagkakasilip sa bintana. Mayamaya ay narinig na niya ang mabibilis na yabag nito pababa. Ilang sandali lang ay pupungas-pungas na pinagbuksan siya nito ng pinto. Si Mang Pilo ang may-ari ng Caramello. Nakasanayan na niyang tawagin itong "Pangulo" gaya ng tawag dito ng kanyang ama noon dahil presidente raw ang matanda ng student council noong nasa kolehiyo pa ang mga ito. Singkuwenta anyos na ito. Kaibigan ito ng kanyang ama at ito na ang tumayong pangalawang ama niya nang mamatay ang kanyang ama. Wala itong anak at balo na rin ito.

"Mara, ginagabi ka yata?" anito.

Tinanguan niya ang taxi driver na agad na tumalima. Gumuhit ang pagkagulat sa mukha ni Mang Pilo nang makita nitong pinagtutulungan nila ng taxi driver na ilabas sa taxi ang lalaking tinulungan niya. Tila tuluyan nang nawala ang antok nito.

Of Dreams, Desserts, and Love's Second Chances (Completed)Where stories live. Discover now