CHAPTER 11

2.6K 106 1
                                    

PAKANTA-KANTA si Mara habang naglalakad pauwi ng bahay. Nanalo ang gourmet mini-cake niya. And to quote Amore: "This is the most sublime dessert I've tasted in this country." Akala raw nito ay professional pastry chef siya. Nang malaman nito na apprentice lang siya ay inalok siya nito ng scholarship sa culinary school na pinagtapusan nito—ang Le Cordon Bleu. Hindi man makapaniwala, hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Darating daw agad ang mga papeles na kakailanganin niya. Kailangan na rin daw niyang asikasuhin ang passport at visa niya kung wala pa siya niyon. Iyon na ang katuparan ng lahat ng pangarap niya.

Tiningnan niya ang trophy na hawak niya. Kasingkinang yata niyon ang kislap sa mga mata niya. Matagal na niyang pangarap iyon. Pero pakiramdam niya ay may kulang pa rin sa kanya.

Pag-akyat niya sa apartment niya ay natigil ang pagkuha niya ng susi sa bag. Nakaupo si Icko at nakasandal sa pader sa tabi ng labas ng pinto ng unit niya. Nakapikit ito at marahil ay natutulog. Sa laking mama nito ay sinakop na nito ang buong hallway.

Tumalungko siya at binalak itong gisingin. Pero nagdalawang-isip siya. Pinagsawa muna niya ang mga mata na pagmasdan ang payapang anyo nito habang natutulog. Kailan lang sila nagkakilala, pero tila sinakop na nito ang malaking parte ng buhay niya. She knew that the time for him to leave was coming soon. Ngayong tapos na ang misyon nila ay wala nang dahilan para magkasama pa sila. Pakiramdam niya ay hinatulan siyang mamatay nang mga sandaling iyon.

Nang bumiling ang ulo nito ay tumama iyon sa pinto. Gumawa iyon ng ingay. Naalimpungatan ito at tumuwid ng upo. Tila nagulat pa ito nang makita siya na nakatalungko sa harap nito. She was staring at him with twinkling eyes, fighting the urge to embrace him.

"Kanina ka pa riyan? Bakit 'di mo ako ginising?" asik nito. Napahiya yata ito sa naabutan niya.

Pinigilan niyang mapangiti. "Icko, ano'ng napanaginipan mo? Nakasungkit ka ba ng buko?"

Nang tuktukan nito ang ulo niya ay lumapad ang ngiti niya. Then it hit her. Ito ang kulang na hinahanap niya.

KANINA pa tila nakikipagpakiramdaman si Mara kay Icko. Kasalukuyan silang nakaupo sa paanan ng kama sa harap ng TV niya at kumakain ng sitsirya. Pasulyap-sulyap ito sa kanya na wari ay may gustong sabihin sa kanya. May sapantaha siya kung ano iyon, pero ayaw niyang masira ang gabing ito. After all, Icko came here to celebrate with her, didn't he?

"Mara, 'yong kanina—"

"Ang sabi ni Dylan, may importanteng kliyente ka raw na kinausap," putol niya sa sasabihin nito. Sinikap niyang maging kaswal ang tinig.

"Ah, iyon ba ang sabi niya?" His voice sounded relieved.

Ngangaling itanong niya rito kung ano ang nangyari sa pakikipagkita nito kay Rachel. Nabanggit kasi ni Dylan na hindi pa raw kinakausap ni Icko ang babae mula noong malaman nito ang engagement. Ang immature nga raw ng dating, pero lagi naman daw immature si Icko pagdating kay Rachel.

"Oo," sabi na lang niya. Lord, sorry, ngayon lang po ako magsisinungaling.

Bago pa ito mag-elaborate at humaba pa ang listahan ng kasalanan nila ay tumayo na siya. Isinalang niya ang DVD na dala ni Icko sa player niya.

"Regalo mo ba sa akin 'tong DVD na 'to dahil ang galing-galing ko?" nakangising tanong niya. May dala itong Korean film na hindi pa niya napapanood.

"I'm not that cheap. Kung reregaluhan kita niyan, tatlong kahon ang ibibigay ko," anito.

Napailing siya. Nang maisalang niya ang DVD ay pumuwesto uli siya sa tabi nito.

"Alam mo, kapag naumpisahan mo na 'to, nakaka-addict," babala niya rito.

Of Dreams, Desserts, and Love's Second Chances (Completed)Where stories live. Discover now