CHAPTER 7

2.7K 93 1
                                    


NGINGITI-NGITI pa rin si Icko nang bumalik sa pribadong opisina niya. Kapag naaalala niya ang hitsura ni Mara nang sabihin ng daddy niyang maaari itong matanggal sa trabaho ay gusto niyang bumunghalit ng tawa. Literal na nalaglag ang salamin nito sa mga mata nang makalabas ito ng opisina ng daddy niya. Dahil mukhang wala pa ito sa sarili ay natapakan pa nito ang salamin nito.

Lihim siyang nagpasalamat na nabasag ang salamin. Hindi na yata siya tatagal na makita pa ang gold-rimmed eyeglasses nito. Pakiramdam niya ay tiyahin niya ito kapag tumatabi siya rito.

Napailing siya. Kasabay niyon ay ang pagbukas ng pinto ng silid niya. "Mara, bawal nang mag-back out. Ako ang bahala sa 'yo," amused pa ring sabi niya nang hindi lumilingon sag awing pinto.

"Mag-usap tayo, Icko."

Napatingin siya roon nang marinig ang tinig ni Ivan. Huminga siya nang malalim. "I already had our father's approval, Kuya. Magkita na lang tayo pagkatapos ng tatlong araw," mariing sabi niya rito.

Imbes na sagutin iyon ay iba ang sinabi nito. "Sinabi ko kay Rachel na bumalik ka na rito. Ang sabi niya, uuwi siya kaagad kapag natapos ang summit niya sa Malaysia."

Sinikap niyang hindi magpaapekto sa pangalang sinabi nito. "Then, magkita na lang kami pag-uwi niya. I'll be busy these coming days."

Mataman siyang tiningnan nito. "It's your fault, Icko. Na sa 'yo na pero pinakawalan mo pa. I don't feel guilty at all I snatched her away from you. You were always irresponsible and immature. Rachel doesn't need someone like you." Marahan ang pagkakasabi nito niyon pero nahimigan niya ang talim sa likod niyon.

Kahit hindi niya gusto ay tila may sumundot na aspile sa puso niya. Damn you, Ivan! Pero itinaas pa rin niya ang mukha niya. "Kung wala ka nang sasabihin, puwede ka nang umalis. I know you're a very busy person," sarkastikong sabi niya.

Ilang sandali pang mataman na tiningnan siya nito. Wari ay binabasa nito ang totoong saloobin niya. Kapagkuwan ay mabilis din itong umalis ng opisina niya.

Nahahapong sumandal siya sa headrest ng swivel chair. Kasabay niyon ay bumalik ang masasakit na alaalang sinisikap na niyang kalimutan.

Nagsimula ang pagkakaibigan nila ni Rachel noong high school nang minsang ipagtanggol niya ito mula sa mga kaklase niyang nang-iinis dito. Mataba kasi ito at maraming pimples. Tampulan ito ng panunukso na malimit ay iniiyak lang nito sa isang tabi. Mula nang ipagtanggol niya ito ay panay na ang dikit nito sa kanya. Nang mauna siyang gr-um-aduate ng high school ay naiwan ito sa eskuwelahan nila.

Nagkita uli sila pagkalipas ng isang taon nang mag-aral din ito sa Ateneo. Ibang-iba na ito sa matabang Rachel na nakilala niya. Malaki ang ipinayat nito kaya lalong lumabas ang ganda nito na hindi napapansin dati. She instantly became a campus figure in their university. Halos lahat ng teammates niya sa varsity ay nanligaw rito. Pero tuwina ay isa lang ang sagot nito:

"Girlfriend ako ni Icko."

But he had always treated her as the sister he never had. Hindi niya pinapatulan ang pagsasabi nitong mahal siya nito. Bata pa kasi ito at sa tingin niya ay hindi naman ito seryoso sa mga sinasabi. Nang gr-um-aduate sila ng college at mag-MA siya sa ibang bansa dahil sa kagustuhan ng ama niya ay nagkahiwalay sila. Gayunman ay hindi ito tumigil sa pag-e-mail sa kanya at pagpapadala ng regalo sa mga importanteng okasyon sa buhay nila.

Pero pagkalipas ng isang taon ay sinorpresa siya nito sa unit na tinitirhan niya. Kagagaling lang niya noon sa isang victory party ng mga kasamahan niya sa motocross racing. Nagkainuman at siyempre, hindi mawawala ang babae. May kasama siyang babae sa magdamag nang kumatok si Rachel isang umaga. Pupungas-pungas pa siya nang pagbuksan niya ng pinto ito...

"Surprise! Congratulations, Federico Laurel!" bati agad nito sa kanya. Dinamba siya nito at mahigpit na niyakap.

Tumawa siya."Kailan ka pa dumating dito? Sino'ng kasama mo?" tanong niya rito.

"Kanina. Ako lang. Gusto kitang makita kaya dumeretso na ako rito. Walang nagawa sina Daddy," nakangising sabi nito.

"You're so spoiled, brat," nangingiting sabi niya.

"Who's there, baby?" Mula sa loob ng kuwarto niya ay nagsalita ang babaeng kasalo niya sa buong magdamag.

Natigilan si Rachel at nagtatakang tumingin sa kanya. Nag-aakusa ang mga mata nito. Hindi niya pinansin iyon. Sumigaw rin siya pabalik. "It's my friend, babe!"

"Okay. Come back to bed. You still owe me one." Sinabayan nito iyon ng malisyosong hagikgik.

Pagkatapos niyon ay naging mailap na si Rachel sa kanya. Sa loob ng ilang buwan ay hindi ito nakipag-usap sa kanya. Hindi rin nito sinasagot ang tawag niya. Akala niya ay gaya lang iyon ng dati tuwing masama ang loob nito sa kanya.

Pero nagulat na lang siya nang isang araw ay ibalita sa kanya ng kanyang ina na magkasintahan na raw ito at si Ivan. Hindi siya makapaniwala na magiging boyfriend nito ang kapatid niyang binansagan nitong "Ice Man." Nang komprontahin niya si Rachel tungkol doon ay masaya itong nagkuwento ng mga nangyari dito sa loob ng ilang buwan na hindi sila nagkausap. Pakiramdam niya ay tumigil sa pag-ikot ang mundo niya. Doon niya napagtanto na importante ito sa kanya higit pa sa isang kapatid at kaibigan.

"I don't feel guilty at all that I snatched her away from you. You were always irresponsible and immature."

Tila nag-echo sa pandinig niya ang sinabi ni Ivan sa kanya. Alam niyang maaaring may sapantaha si Rachel sa nararamdaman niya ngayon, pero wala siyang pakialam. Totoo talaga ang kasabihang malalaman mo lang ang halaga sa 'yo ng isang tao kapag nawala na siya sa buhay mo. He had his heart broken, and there was no one to blame but himself.

Padabog niyang inayos ang mga papeles sa mesa niya. He had to get his mind off Rachel and his brother for a minute. Napatingin siya sa concept design ni Mara. Hindi niya napigilang mapangiti sa kabila ng naging isipin niya tungkol kay Rachel.

Madalas niyang nakikita si Mara tuwing umaga na tila palaging aligaga habang pabalik-balik sa opisina. Mistula itong assistant ng lahat—taga-photocopy, tagatimpla ng kape, nagso-sort ng files, etc. Lihim siyang naiinis lalo na at hinahayaan nitong alilain lang ito ng mga kasama nito. Ni hindi nito ipinagtatanggol ang sarili kay Adrien kapag pinapagalitan ito kahit sa tingin niya ay wala naman itong mali.

He had always disliked girls like her. Ang gusto niya sa isang babae ay assertive at alam ang gusto sa buhay. His ideal woman was someone like Rachel who worked hard in order to achieve her goal. Hindi ganoon si Mara. Ito ang tipo ng babae na kapag nasaktan ay kikimkimin lang ang nararamdaman, ngingiti pa rin sa taong dahilan ng sama ng loob nito, at iiyak sa isang sulok. Para sa kanya ay katangahan ang tawag doon.

But something about her timidity and awkwardness aroused his protective instinct. Maybe because somehow, deep inside him, he could relate to her awkward gentleness. Ito 'yong klase ng babae na parang iyong mga bida sa soap opera na palaging inaapi pero nagtatagumpay pa rin sa huli. Ngayon pa lang ay nae-excite na siyang makita ang magiging hitsura ng mga taong nagmamaliit dito kapag nagtagumpay na ito.

"Heroines in soap operas, huh? So very like Mara," sambit niya.

Napangiti siya sa naisip. Ngayon pa lang ay kailangan na niyang mag-isip ng paraan para pagningningin ang magiging future bida sa opisinang iyon.

Of Dreams, Desserts, and Love's Second Chances (Completed)Where stories live. Discover now