Chapter 4: Fake Sheep

1.3K 80 11
                                    

Warning: harsh words of the character.

"Maglinis ka na lang ng bahay para may magawa ka," ani Ate Christy habang nag-aayos siya sa harap ng salamin. Papasok kasi ito sa trabaho.

"Malinis naman ang bahay eh. Bakit kailangan ko pang maglinis?" walang ganang tugon ko at bagsak ang balikat ko habang nakaupo sa kama.

Sinamaan niya ako ng tingin. "Ikaw talaga ang hilig mong mangat'wiran. Ba't gusto mong lagi tayong nag-aaway?"

Sumimangot lang ako at kinuyakoy ang paa ko na nakalambitin sa kama. "Syempre may bibig ako kaya sasagot ako."

Napabuntong-hininga siya. "Kung hindi ka sana nakipag-away, nasa eskwelahan ka sana ngayon at 'yung teacher mo roon ang pinasasakit mo ng ulo, hindi ako."

"Wala nga akong pakialam sa mga teacher ko, eh, kaya paanong sasakit ang ulo nila sa akin?"

Napailing lang si Ate at dinampot na ang sling bag niya na nasa kama. "Alis na 'ko. Nandiyan si Tito Alvin kaya may kasama ka rito," aniya.

"Saan ka pupunta?"

"May nag-invite sa akin sa isang conference."

"Ah," sabi ko lang.

Tuluyan na siyang lumabas ng kwarto.

Tinali ko muna ang buhok ko bago lumabas ng kwarto para mag-agahan. Naabutan ko si Tito Alvin na nagbabasa ng libro sa sala. Medyo napatigil ako dahil kahawig niya si Papa sa anggulong iyon at ganitong ganito rin ang ginagawa ni Papa tuwing umaga noong nabubuhay pa siya.

"Papa," umiiyak na tawag ko kay papa nang makita ko siya sa sala na nagbabasa ng libro. Nakita ko sa mukha niya ang pag-aalala nang makita niya akong umiyak. Tumabi ako sa kanya sa sofa at niyakap siya.

"Bakit ka umiiyak?"

"Kasi pinapagawa kami ng letter ni teacher para sa Mother's Day. Wala naman akong mama!"

"Edi si Papa na lang ang gawan mo," dinig kong sabi ni Ate Christy. Umupo siya sa tabi ko.

"Mother's Day 'yon, hindi Father's Day," sagot ko sabay lingon sa kanya nang umiiyak.

Nagtinginan silang dalawa ni Papa bago ako muling tiningnan ni Ate. "Edi gawan mo na lang si Mama, tapos kay Papa mo ibigay. Kunware si Papa si Mama."

"Pwede ba 'yun?" nakasimangot na sabi ko.

"Oo naman," natatawang sabi niya.

Napaisip ako saglit. Napadako ang tingin ko kay Papa na malungkot habang nakatingin sa akin. "Sige na nga," pagpayag ko. Pinunasan ko ang luha ko gamit ang mga kamay ko at tumahan. "Papa, talaga bang nasa langit si Mama?" tanong ko kay Papa.

"Oo naman," malumanay na sagot niya.

"Hindi ba bago ka makapunta sa langit, kailangan mo munang mamatay? Kailan kaya ako mamamatay, Papa? Gusto kong makita si Mama, eh."

Nakita ko ang pagkagulat sa mukha ni Ate at Papa dahil sa sinabi ko. "Hindi mo muna dapat iniisip 'yan, anak. Sasayaw ka pa sa church, 'di ba? Makikita mo naman si Mama pagdating ng araw, pero hindi muna ngayon. Nandito naman ako. Kahit wala si Mama, nandito si Papa . . ."

"Faith, kumain ka na roon." Nabalik ako sa reyalidad nang sabihin iyon sa akin ni Tito Alvin.

"O-opo," sagot ko at dumiretso sa kusina.

Tila lutang ako habang kumakain ako. Hindi ko maiwasang mapatulala sa tuwing naaalala ko ang nakaraan, at sa tuwing naiisip ko iyon, palagi kong hinihiling sa sarili ko na sana ibalik na lang ako sa nakaraan.

Against Our WillWhere stories live. Discover now