Chapter 7: Consequence

1.1K 94 14
                                    

Kasalukuyan akong nakaupo sa sofa ng sala at nagsusuklay ng basang buhok ko nang bumukas ang pintuan at niluwa niyon si Kuya Neico na may bitbit na mga pinamili niyang groceries. Napakunot-noo ako dahil hindi siya naka-uniform at saka alas-onse pa lang ng umaga pero nasa bahay na ito.

"Paki-tulungan ako sa paglagay nito sa cabinet," nakikisuyong sabi niya.

Tumayo naman ako at kinuha ang groceries na hawak niya. Binitbit naman niya ang isang karton na nasa bungad lang ng pintuan. Madami pala siyang pinamili. Tinulungan ko siyang ilipat ang mga 'yon sa cabinet. Halos mga delata ang iba.

"Wala ka bang pasok, kuya?" tanong ko sa kanya.

"Holiday ngayon," aniya.

Oo nga pala. Ganito pala talaga kapag nasa bakasyon ka. Hindi mo na alam kung ano ang mga holiday.

"Okay ka lang?" tanong sa akin ni Kuya Neico na naglilipat pa rin ng iba pang pinamili sa refrigerator.

"Ha?" maang ko.

"Namumula ilong mo," aniya sa akin.

Natahimik naman ako at hindi nakatugon. Palagi kasing namumula ang ilong ko kapag umiiyak ako.

"Saan ka galing kagabi?" tanong niya.

"K-kina Kylo," sabi ko at nag-iwas ng tingin.

"Hindi mo dapat ginawa 'yon," aniya, at alam ko na ang tinutukoy ko ay ang pagtakas ko kagabi. "Paano kung may nangyaring masama sa 'yo kagabi?" aniya na tila nanenermon ngunit malumanay lang ang boses.

"Hindi na po mauulit . . ." mahinang sabi ko at nagbaba ng tingin.

Hinding hindi na mauulit 'yon dahil takot na akong pumunta ulit sa ibang bahay.

Nang matapos kami ni Kuya Neico, bumalik ako muli sa kwarto at nagkulong doon. Nakadapa lamang ako sa kama habang malungkot na pinagmamasdan ang picture ni Papa na nakapatong sa bedtable. Nabalot muli ng kalungkutan ang puso ko. Nakakapagtaka na mayroong pa rin akong naiiluha ngayon kahit na tila ibinuhos ko na ang lahat ng luha ko kanina sa banyo. Hanggang ngayon nanunumbalik pa rin sa isipan ko ang nangyari. Is this what they call "trauma"?

Makalipas ang ilang sandali ay narinig ko ang pagtawag at pagkatok ni Kuya Neico sa pintuan. Mabilis na pinunasan ko ang luha ko at tumugon, "Opo. Susunod nalang po ako," sagot ko rito.

Lumabas ako ng kwarto at naabutan ko si Kuya Neico na kumakain na sa kusina. Walang kibo akong umupo sa upuan na katapat niya. Nilagyan ko ng pagkain ang plato ko at tahimik lang na kumain. Ramdam ko ang bigat sa dibdib ko habang kumakain ako.

"Hindi pa ba uuwi sina Ate?" tanong ko kay Kuya Neico.

"Wala pa silang sinasabi."

Napatango lang ako at malungkot na nagbaba ng tingin sa plato ko. Namimiss ko na rin kasi si Ate Christy. Hindi ako sanay matulog nang walang katabi. Nasanay ako na palagi kaming magkatabi sa pagtulog.

Nang matapos kaming kumain ni Kuya Neico, ako na ang nagkusa na maghugas ng pinagkainan namin. Nang matapos ako, papasok na sana ako ng kwarto nang tawagin ako ni Kuya Neico na kasalukuyang nakaupo sa sofa ng sala.

Tumayo siya at inabot sa akin ang cellphone niya. "Si Ate Christy mo," aniya.

Tinapat ko naman sa tainga ko ang cellphone, at narinig ko ang boses ni Ate Christy.

"Faith, saan ka pumunta kagabi?" bungad nito sa akin. "Hindi ba ang sabi ko magpakabait ka sa Kuya Neico mo?"

Hindi ko alam kung bakit bigla ko nalang naramdaman ang pag-init ng mga mata ko. Tila gusto kong umiyak. Bukod sa namimiss ko na si Ate Christy, ayaw ko na ring maalala ang nangyari kagabi. Pero heto sila. Tanong nang tanong.

Against Our WillWhere stories live. Discover now